Si Cherie Gil ay isang beteranang aktres na sumikat dahil sa kanyang mga kontrabida roles at kagalingan sa pag-arte. Hindi maitatanggi ang kanyang naging malaking ambag sa industriya ng showbiz na naging daan upang ituring siya na multi-awarded na aktres.

Bilang isang beteranang aktres ay normal na ang pagiging abala niya sa trabaho. Sunod-sunod ang kanyang mga proyekto na naging dahilan ng kanyang mga tagumpay at pagkakataong makapagpundar ng mga ari-arian. Ngunit nito lamang ay ipinahayag ng aktres na ibebenta niya na umano ang kanyang mga ari-arian dito sa Pilipinas at titira na sa ibang bansa.
Sa isang panayam sa kanya ng MEGA Magazine, ipinahayag niya sa publiko ang planong pag-alis sa bansa at desisyon na manirahan na sa United States kung saan naka-base ang kanyang dalawang anak. Makikita sa cover ng magazine ang kanyang larawan na wala ng buhok. Nagpakalbo ang aktres at isa ring pahiwatig ng bagong kabanata ng kanyang buhay.

Hindi lingid sa marami na ang pagbabago ng buhok ng isang babae ay isang pahiwatig ng pagbabago sa kanyang buhay. Ito ay simbolo ng pagmo-move on at pag-move forward ng bagong pahina ng kanilang buhay. At para kay Cherie Gil, ang pagbabago ng kanyang buhay ay ang bagong simula niya sa pagtira sa ibang bansa kasama ang kanyang mga anak.
Dahil sa matagumpay na karera ni Cherie Gil dito sa Pilipinas, naging dahilan naman ito ng pagiging malayo niya sa kanyang mga anak. Habang siya ay abala sa pag-arte, ang kanyang mga anak naman ay nasa United States at nag-aaral. Bihira lamang sila magkita at tuwing bakasyon lamang kung hindi siya abala sa mga proyekto.

Sa tagal ng panahon niya sa industriya ng showbiz ay napabayaan na umano ni Cherie Gil ang kanyang sarili. Dahil sa pagiging abala niya sa trabaho ay nakaramdam na umano siya ng pagod physically at mentally, at gusto niya ng magpahinga na at ma-enjoy ang kanyang buhay.
Para makapagpahinga at makasama ang kanyang mga anak ay gumawa ang aktres ng malaking desisyon at iyon nga ay ang pagbenta ng kanyang mga napundar na ari-arian at tuluyan ng manirahan sa ibang bansa. Ito ang napiling paraan ni Cherie Gil para sa kanyang tinatawag na self-healing at upang mahanap muli ang kanyang sarili.

Marami na siyang nakamit sa buhay at panahon na umano para unahin naman ang kanyang sarili. Sa maraming taon niyang pagiging abala sa pag-arte, panahon na para bigyan ng oras ang kanyang sarili at maging masaya. Nais niyang isaalang-alang ang kanyang kalusugang pisikal at mental, at magsisilbi na rin itong reward niya sa sarili matapos ang ilang taong pagtatrabaho.
Maraming netizens ang sumuporta sa desisyon ng aktres at sumang-ayon na nararapat lamang na bigyan niya ng oras ang kanyang sarili. Ang ilan naman ay nanghinayang sa kanyang desisyon na ibenta ang lahat ng kanyang mga ari-arian, sana daw ay magtira siya upang may mabalikan pa rin siya sa bansang pinagmulan.

Sa mata ng marami ay tila perpekto ang buhay ng mga artista, ngunit ang hindi natin alam ay napapagod din sila at nakakaramdam ng kalungkutan. Patunay lamang ito na walang pinipiling tao ang physical at mental na issues, lahat ay maaring makaramdam nito mayaman man o mahirap, artista man o hindi.