Yema Spread Business ng Isang Dalaga, Kumikita ng Kalahating Milyon Buwan-Buwan

Ang yema ay kilala bilang isang matamis na candy na gawa sa gatas. Sa paglipas ng panahon, ito nga ay nagkaroon na ng ibat-ibang bersyon at ginawa na ring palaman. Sino ang mag-aakala na ang simpleng yema ay maaaring makapagpayaman ng isang nangangarap na dalaga?

Si Micah Orca ang may-ari ng negosyong Deli Spread kung saan ay nagtitinda siya ng yema spread na may ibat-ibang flavor. Dahil sa murang edad, aminado si Micah na maraming hindi naniwala at nagtiwala sa kanya ngunit pinatunayan niya na wala sa edad ang pag-abot ng pangarap at tagumpay.

Credit: Facebook / Pera Paraan

“Marami ang hindi naniwala noong umpisa. Ayaw nilang magtiwala sa akin dahil sa edad ko. Iniisip nila ‘Yung supplier ko, bata?'” saad ni Micah.

Nagsimula ang pagbebenta ni Micah taong 2020 noong nagsimula ang pandemya. Nawalan umano sila ng pinagkukunan ng pinansyal dahil nawalan ng trabaho ang kanyang ama. At bilang panganay hindi niya kayang makita na nahihirapan ang kanyang pamilya kaya gumawa siya ng paraan upang magkaroon ng pagkakakitaan.

Credit: Facebook / Pera Paraan

“Noong nag-lockdown, nawalan ng source of income yung family ko. Nawalan ng trabaho yung father ko, kaya as panganay syempre as panganay hindi ko kaya makita yung family ko na wala kaming makain,” kwento ni Micah.

Nag-isip si Micah ng pagkakakitaan upang makatulong sa kanyang pamilya at dito na nga nagsimula ang kanyang yema spread business. Sa halagang 500 pesos lamang na puhunan ay nagawa ni Micah na palaguin ito at ngayon ay kumikita na siya ng 500,000 pesos buwan-buwan.

Credit: Facebook / Pera Paraan

Nag-isip ng paraan si Micah upang mapansin at tangkilikin ang kanyang yema spread kaya naman nilagyan niya ito ng twist. Ang simpleng yema spread ay ginawan niya ng ibat-ibang flavors. At sa kasalukuyan ay mayroon na siyang walong flavors ng yema spread na ibinebenta’ choco, ube, mango, buko pandan, butter cookies, cinnamon, cookie crumble at classic flavors.

“Nung nag-start ako, ayaw ko ng parehas lang sa iba, kaya nilagyan ko siya ng twist, nilagyan ko ng iba-ibang flavors yung yema spread na alam natin.”

Credit: Facebook / Pera Paraan

Bukod sa mga yema spread with a twist ni Micah, naging masipag rin siya sa pagpo-post sa mga e-commerce site kaya naman nagkaroon na siya ng maraming resellers sa ibat-ibang panig ng bansa. Sa paglago ng kanyang negosyo ay ang paunti-unti na ring pag-angat ng estado ng kanilang buhay. Naging malaking tulong ang kanyang yema spread business dahil natutustusan nito ang kanyang pamilya at ang kanyang pag-aaral.

Credit: Facebook / Pera Paraan

Bukod pa diyan ay nakapagpundar na rin si Micah ng e-tricycle na ginagamit niya sa pagdedeliver ng mga yema spread at ngayon ay kasalukuyan siyang nagpapatayo ng kanilang sariling bahay. Lubos ang kasiyahan ni Micah sa kanyang tagumpay at hindi inakalang magbubunga ng malaki ang kanyang pagsusumikap.

Masaya ako and fulfilling kasi bilang sa edad ko pa lang kumikita na ako ng ganito, natutustusan ko na lahat ng pangangailangan ng pamilya ko, and ngayon nakakapagpatayo na ako ng bahay namin,” pahayag ni Micah.

Credit: Facebook / Pera Paraan

Isang inspirasyon si Micah sa lahat ng kabataan na wala sa edad ang sukatan ng tagumpay, basta’t may pagsusumikap sa buhay at determinado ay siguradong magbubunga ang mga paghihirap. Huwag magpapadala sa iniisip ng iba at ikaw mismo ang unang magtiwala sa sarili mo para mapakita na kaya mo.

Leave a Reply