Dalawang taon na ang lumipas nang magsimula ang pandemya at hanggang ngayon ay hindi pa rin ito tuluyang napupuksa. Sa kasalukuyan, nag-iingat pa rin ang nakararami upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit na Covid-19. Isa sa pag-iingat na ating ginagawa ay ang pagsusuot ng face mask upang hindi ma-expose sa virus.
Sa paglipas ng panahon habang nakikipaglaban tayo sa virus ay siya ring paggawa natin ng ibat-ibang paraan upang maka-adapt sa ‘new normal’ at maipagpatuloy ang ating buhay. Nagkaroon ng face shield at vaccines upang mas maprotektahan tayo sa dalang panganib ng Covid-19, at maski ang simpleng face mask ay nagkaroon na rin ng pagbabago.

Isa ang “kosk” sa bagong naimbento na uri ng facemask at pinag-uusapan ngayon dahil sa kakaiba nitong itsura na malayo sa normal na facemask. Kung ang dating face mask ay natatakpan ang kalahati ng mukha ng isang tao, ngayon ay ilong na lamang ang tinatakpan nito.
Ang “kosk” umano ay isang bagong uri ng face mask na nanggaling sa South Korea ayon sa The Guardian. Gumagawa ito ngayon ng ingay sa internet dahil sa kakaiba nitong itsura at disenyo. Hangad ng kosk na mas mapadali ang buhay ng mga tao dahil hindi lingid sa kaalaman ng marami na ang normal na face mask ay medyo mahirap gamitin.

Bilang isang nose-only mode mask, mas madali ang paghinga ng isang taong may suot nito dahil ilong lamang ang natatakpan. Maiiwasan rin ang pawis na nabubuo sa tuwing may suot na facemask na nagsasanhi ng pagkakaroon ng maskne o pagkakaroon ng tigyawat dahil sa pagsusuot ng face mask. Bukod pa diyan mas madali na rin uminom at kumain dahil hindi na kailangan magtanggal ng face mask.
Maraming netizens ang nagkaroon ng interes dito at hindi naiwasang magbigay ng kanilang sariling pananaw patungkol sa mask na ilong lang ang natatakpan. Para sa ilan, ito ay maganda at malaking tulong upang mas maging magaan ang pagkilos nila. Subalit ang ilan naman ay hindi sang-ayon dahil baka umano mas lalo silang ma-expose sa virus dahil ilong na lamang ang may takip sa kanila. Iniisip nila na maaaring pumasok ang virus kung walang takip ang kanilang bibig.

Para naman sa iba ang kosk na isang nose-only mask ay nakakatawang tingnan umano kung suot ng isang tao. Kakaiba daw itong tingnan sa mukha at nakakatawang tingnan kaya hindi sila sang-ayon. Mas gugustuhin pa rin umano nila ang karaniwang face mask dahil ito na ang nakasanayan.
“Hindi po bagay kapag sinuot sa mukha.”
“Siguradong pagtatawanan ako ng mga tao pag nakita nilang suot ko yan.”
“Mas gusto ko yung normal pa ring face mask kaysa diyan mas feeling protected ako.”

“Okey lang sa akin kahit medyo hassle yung facemask kaysa naman nakakatawa akong tingnan sa labas kapag suot yan.”
“Ok naman siya kaso hindi lahat gugustuhin yan, ang weird kasi tingnan eh.”
Gayunpaman, maganda pa rin ang hangarin ng kosk para sa mga tao. Gusto lamang nila na magbigay ng proteksyon sa mas madaling paraan. Hindi naman nila pinipilit ang lahat na suotin ito dahil nasa tao pa rin ang desisyon. Dagdag lamang ito sa maaaring pagpilian ng isang tao kung paano niya gustong protektahan ang kanyang sarili laban sa Covid-19.