Taga-Gawa ng Kabaong, Instant Milyonaryo Matapos Mahulog ang Meteorite sa Kanyang Bahay

Maraming mga hindi inaasahang bagay ang pwedeng mangyari sa isang tao. May mga bagay din na maaaring mangyari sa isang pelikula na pwede palang mangyari sa totoong buhay. Ang tahimik at simpleng mong buhay ay maaari palang magbago dahil sa isang bato mula sa kalawakan.

Isang lalaki mula sa Indonesia na nagtatrabaho bilang karpintero ng kabaong o gumagawa ng kabaong ang hindi inaasahang makarinig ng isang malakas na pagkahulog sa gilid ng kanyang bahay. Si Josua Hutagalung ay 33-anyos at payapang nagtatrabaho ng bigla siyang nakarinig ng malakas na tunog na kanyang ikinagulat.

Credit: Facebook / Josua Hutagulang

Agad na hinanap ni Josua ang pinagmulan ng tunog at laking gulat niya ng makita ang malaking butas sa kanyang bubong. Sa ibaba ng butas na bubong ay mayroong tila malaking tipak ng bato siyang natagpuan. Hindi lang pala ito simpleng tipak ng bato kundi isang meteorite na bumagsak mula sa kalawakan.

Ang meteorite na ito ay bumagsak sa beranda sa gilid ng kanyang sala sa Kolang, Hilangang Sumatra. Nagkaroon ng hukay na may lalim na 15 cm ang sahig ng kanyang bahay kung nasaan ang meteorite. Noong nilapitan niya ito ay may kaunti itong basag at mainit pa umano.

Credit: Facebook / Mysterious True Stories

Ang nasabing meteorite ay may timbang na 2.1 kilograms at tinatayang aabot ng $0.50 hanggang $5 per gram ang pinakamurang klase nito. Umaabot naman sa $1,000 ang ibang klase na nagmula mismo sa kalawakan. Walang ideya si Josua sa halaga ng meteorite na bumagsak sa kanyang bahay. Hindi niya alam na isa itong mahalagang bagay at nakatagpo lang naman siya ng malaking tipak ng kayamanan.

Credit: Facebook / Mysterious True Stories

Ayon sa Daily Mail, ang meteorite na bumagsak sa bahay ni Josua ay may tinatayang halaga na $1.85 million o $857 per gram. Hindi lang daw ito basta simpleng bato kundi maikukumpara na ang halaga sa mga ginto at dyamante kaya naman maituturing na kayamanan ang bumagsak sa bahay ni Josua at hindi basta bato lang.

Credit: Facebook / Mysterious True Stories

Sinasabing ang meteorite ay may 4.5 billion years old na ang edad at nasa klasepikasyon bilang CM1/2 carbonaceous chondrite. Ito ay maituturing na isang rare na uri ng meteorite kaya naman napakalaki ng halaga nito.

Sino ba naman ang mag-aakala na sa lahat ng pwedeng mahulog sa bubong ng iyong bahay ay meteorite pa? Kung iisipin ay nakakatakot ito dahil maaaring magdulot ng malaking pinsala katulad ng mga napapanood sa mga pelikula.

Credit: Facebook / Mysterious True Stories

Ngunit maswerte si Josua dahil nabutas lamang ang kanyang bubong at nagdulot lamang ito ng hukay sa kanyang sahig. Mabuti na lang ay wala siya sa mismong lugar na pinagbagsakan nito dahil siguradong masasaktan siya o baka nga mamatay pa.

Maraming nagsasabing napakaswerte ni Josua dahil sa kanyang bahay bumagsak ang meteorite at maaaring biyaya daw ito ng langit sa kanya. Ang pagbagsak ng meteorite ay hindi normal na nagyayari sa araw-araw kaya naman pambihira itong maituturing.

Leave a Reply