Korean-Inspired Dresses na Gawa Mula sa Upcycled Ukay-Ukay, Patok na Negosyo ng Isang Pinay

Usong-uso ngayon ang mga ukay-ukay dahil sa mura nitong halaga ngunit marami rin sa mga ukay ang hindi na mapakinabangan dahil masyadong malaki ang mga sukat nito na siyang malayo sa tipikal na body size ng mga Pinoy. Kaya naman ang ilan ay pinapa-repair at resize pa ang mga nabiling ukay na damit upang masuot nila katulad na lamang ng babaeng ito.

Si Kim Ronolo ay mula sa General Santos City, South Cotabato. Ang mga ukay na damit ay mas pinaganda niya upang mapakinabangan. Matiyaga niya itong nire-repair at ginagawang panibagong damit o mas tinatawag na upcycling. Mula sa malaki at lumang ukay ay nakakabilib na nagagawa niya itong korean-inspired tops at dresses.

Credit: Facebook / Kim Ronolo

Dati umanong ukay-ukay seller si Kim, ngunit noong nagkaroon ng pandemya ay humina ang kanyang kita at siya ay nalugi. Maraming ukay-ukay na damit ang hindi niya naibenta kaya naisipan niyang i-upcycle ito at gawing korean-inspired pieces upang mas mapaganda.

Nagsimula siyang mag-upcycle ng mga ukay noong April 2020, kasagsagan ng lockdown. Wala umano siyang mapagkaabalahan kaya naisipan niyang magtahi. Ang kanyang mga ukay na damit na hindi nabenta ay sinimulan niyang gupitin, tahiin at bigyan ng bagong itsura. Noong una ay ginawa niya lamang ito para sa kanyang sarili ngunit marami ang nagustuhan ang kanyang ginawang pag-upcycle kaya naisipan niya ng gawin itong negosyo kapalit ng nalugi nyang ukay-ukay business noon.

Credit: Facebook / Kim Ronolo

“Kaya ko naisipan kasing i-refashion yung mga clothes na yun dahil nawalan ako ng kita sa online since ukay seller ako.”

Hindi rin lingid sa kaalaman ng marami na ang usong pananamit ngayon ay katulad ng pananamit ng mga Koreans. Mahilig rin umano siyang manuod ng mga korean dramas at humahanga siya sa mga suot ng kanyang mga napapanuod. Dahil dito, ginawang inspirasyon ni Kim ang Korean fashion sa kanyang upcycling sa mga ukay. Ang walang buhay at malalaking mga damit na ukay ay ginawa niyang mas cute at sexy, upang tangkilikin ng mga tao.

Credit: Facebook / Kim Ronolo

“Naisipan ko, ‘Why not gawin kong mas cute, mas gawin kong sexy, bago?’ Bago sa taste nila, so that time pumasok talaga sa isip ko na ire-fashion yung mga naiwang stocks na meron ako na hindi ko na talaga siya nabenta.

Umaabot ng limang oras hanggang pitong oras si Kim sa pag-upcycle at re-fashion ng mga ukay na damit depende sa ayos at itsura na gusto niyang gawin. Mabusisi ang pag-upcycle niya at sinisiguradong maganda ang kalalabasan ng mga ukay na damit. Importante umano na maganda ang tela upang matahi niya ito ng maayos at kumportable ito kapag sususotin na.

Credit: Facebook / Kim Ronolo

“Pinipili ko po yung maganda yung texture ng tela niya, mga big sizes kasi the more na malaki yung napili mong size, the more yung chances mo na magkaroon ng unique style na nais mong gawin. Mano-mano ko talaga siyang tinatanggal, hindi ko siya agad ginugupit.”

Mukhang natural ang talento ni Kim sa pag-upcycling ng mga damit dahil kung anong naisipan niyang disenyo ay palagi niyang nagagawa. Makikita rin ang galing niya sa pagtatahi at ang pagiging malikhain niya sa mga disenyo ng damit dahil maganda ang kinakalabasan ng kanyang mga gawa.

Credit: Facebook / Kim Ronolo

Bukod sa siya ang gumawa, siya na rin ang nagmo-modelo ng kanyang mga upcycled na ukay. Sinusuot niya ito at ibinabahagi sa kanyang Facebook para ibenta. Umaabot ng 150 hanggang 700 pesos ang presyo ng mga korean-inspired upcycled ukay na gawa ni Kim, depende sa disenyo.

Malaki ang naitulong ng pag-upcycle at re-fashion niya ng mga ukay sa kanya at sa kanyang pamilya. Nakabawi siya sa pagkalugi ng kanyang dating negosyo at mas kumikita na siya ngayon. “Kung paano ko pinaganda yung aking mga old style or yung mga ukay clothes, ganun din nun pinaganda ang buhay ko,” saad ni Kim.

Credit: Facebook / Kim Ronolo

Malaki ang pasasalamat ni Kim sa nangyari sa kanyang buhay dahil naging sunod-sunod ang mga oportunidad na kanyang natanggap. “Maraming opportunities na pumasok, like nagkaroon ako ng mga featured stories on different TV stations, and nagkaroon ako ng maraming customers, tumaas yung sales ko sa online. Aside from that nagkakaroon na rin ako ng mga followers. Naa-amaze talaga ako kasi hindi ko ine-expect na mangyayari talaga ang ganito bagay sa buhay ko ngayon.”

Nagpayo rin si Kim na imbes na itapon ang mga lumang damit ay i-upcycle na lamang ito upang hindi na gumastos sa pagbili ng bagong damit at pwede ring pagkakitaan katulad ng kanyang ginawa. Bukod pa diyan makakatulong din ito sa kalikasan dahil mababawaan ang waste pollution. “We can save our nature by doing a sustainable fashion.”

Credit: Facebook / Kim Ronolo

Isang inspirasyon si Kim na huwag basta sumuko sa buhay, kapag nadapa ay matutong bumangon at gumawa ng ibang paraan. Basta’t may determinasyon ay kayang makabangon at magtagumpay sa buhay.

“Kailangan mo lang talaga maging determinado every time na gagawa ka ng ganitong bagay, and kailangan mong maging masipag, matiyaga at pagkakaroon ng mataas na pasensya kasi ikaw lang din ang aani sa lahat ng hirap at pagod mo.”

Leave a Reply