“Samurai Litter Pickers” o Trash Collectors ng Japan, Umani ng Paghanga at Papuri sa Social Media

Ang bansang Japan ay isa sa mga itinuturing na pinakamalinis na bansa sa buong mundo. Ang mga Hapon ay kilala na mga disiplinado kaya’t hindi kataka-taka ang kalinisan ng kanilang bansa. Bukod sa pagiging disiplinado, ang kanilang mga tagalinis ay may nakakabilib at kakaiba ring paraan ng pagpupulot ng basura.

Credit: Facebook / UNILAD

Kung dito sa Pilipinas ay may mga street sweepers, sa Japan naman ay ipinagmamalaki nila ang kanilang mga Samurai Litter Pickers. Sila ay samahan ng mga tagalinis o tagapulot ng basura sa Tokyo, Japan kung saan ay nagpupulot sila ng mga nakakalat na basura na tila ba sila ay mga samurai.

Ang mga tagapulot ng basura ay nakadamit pang-samurai at may hawak na mahabang litter stick na tila samurai sword. Ang paraan ng kanilang pagpupulot ay hindi lang basta simple kundi sinasamahan nila ito ng galaw na tila nakikipaglaban sila. Ang kanilang galaw ay nakakatuwang tingnan at kung iisipin ay para silang nagpe-perform sa mga kalsada.

Credit: Facebook / UNILAD

Hindi nila pinapalagpas ang lahat ng lugar, sa kalsada man o sa mga iskinita ay handa silang magpulot ng basura na kanilang makikita. Madalas ang napupulot nilang basura ay maliliit lamang, katulad ng mga lata ng softdrinks o pakete ng pagkain, gayunpaman kahit gaano ito kaliit ay pinupulot nila ito.

Importante sa bansang Japan ang kalinisan ng kanilang kapaligiran kaya kahit ang simpleng kalat ay pinupulot talaga nila. Suot ang basket sa kanilang likuran at hawak ang litter stick ay malaya silang nag-iikot sa syudad ng Tokyo para maglinis. Hindi nila alintana ang init o lamig at kahit ang pagod basta’t magawa nila ang kanilang trabaho ng mabuti.

Credit: Facebook / UNILAD

Tinatawag rin silang Garbage Picking Samurai ng Tokyo at para sa kanila, hindi lang basta trabaho ang pagpupulot nila ng basura kundi ito ay panata na nila. Nangako sila na pananatilihing malinis ang kapaligiran at ginagawa nila ito sa nakakatuwang paraan. Para sa kanila, ang bansang Japan ay nararapat na laging malinis upang mas maipakita ang totoong ganda nito sa mundo.

Kapag makikita mo sila sa mga kalsada ng Tokyo, Japan ay aakalain mo na sila ay nagco-cosplay dahil sa kanilang Samurai outfits. Para ka na ring nanunuod ng libreng pagtatanghal dahil sa ipinapakita nilang galing sa pagpupulot ng basura. Nakakamangha ang paraan nila ng pagpupulot habang iniikot-ikot nila nag litter stick sa kanilang kamay at tila sumasayaw rin sila sa eleganteng paraan.

Credit: Facebook / UNILAD

Napag-alam na ang mga Garbage Picking Samurai pala ay mga stage actors. Ang kanilang kakayahan bilang samurai actors ay ginamit nila sa mabuting paraan. Ang pagpupulot ng basura ay boluntaryo nilang ginawa, hindi lang basta libangan kundi upang makapag-inspire rin ng maraming tao.

Hangad nila na mapalawak ang kanilang grupo upang mas marami ang magpulot ng basura at maiwasan ang polusyon. Para sa kanila, mas marami ay mas maganda dahil mas magiging madali ang kanilang paglilinis.

Credit: Facebook / UNILAD

Sa kasalukuyan ay mayroon na silang 100k followers sa TikTok. Kinaaliwan ng marami ang kanilang kakaibang paglilinis kaya’t hindi kataka-taka ang pagsikat nila sa social media. Isa rin ito sa paraan upang maipakita nila sa mundo ang importansya ng paglilinis ang pagkakaroon ng malinis na kapaligiran.

Credit: Facebook / UNILAD

Tunay na huwaran ang grupo ng Garbage Picking Samurai dahil sila ay nagsisilbing modelo sa lahat ng tao. Patunay sila na kapag gusto ay may magagawa, imbes na gamitin ang kanilang libreng oras sa pagpapahinga o ibang bagay ay ginamit nila ito sa magandang paran. Hangad nila na sana ay hindi lang sa bansang Japan magkaroon ng katulad nila kundi sana ay bawat bansa sa buong mundo.

Leave a Reply