Pinagsabay ang Pag-aaral at Pagiging Kasambahay Noon, Isa ng Ganap na Pharmacist Ngayon

Itinuturing ang edukasyon bilang pinakamahalagang aspeto ng buhay at ito ang pangunahing susi ng lahat patungo sa tagumpay. Hindi lahat ay ipinanganak na maswerte kaya naman marami ang pinagsasabay ang trabaho at pag-aaral upang makamit ang tagumpay katulad na lamang ng babaeng ito.

Si Joanna Rose Grino ay tubong Sorsogon, Bicol. Siya ay nakipagsapalaran sa Maynila upang magtrabaho bilang isang kasambahay para matustusan ang kanyang pag-aaral. Napaka-importante sa kanya ng pag-aaral kaya kahit mahirap pagsabayin ang trabaho at pag-aaral ay lakas loob niya itong ginawa.

Credit: YouTube / GMA News

Itinawid ni Joanna ang kanyang pag-aaral ng Pharmacy sa tulong ng kanyang trabaho bilang isang kasambahay at suporta ng kanyang ate. Ayon sa kanya kung mananatili lamang siya sa kanilang probinsya sa Bicol ay wala siyang mararating sa buhay.

“Sabi ko kila Ate, Ate pwede ba akong pumunta dyan sa Manila, kahit ano lang yung trabaho? Kasi alam ko po na wala akong future doon kundi ano lang, siguro baka nag-asawa na talaga ko kung nandon lang ako sa Bicol,” saad ni Joanna.

Credit: YouTube / GMA News

Determinado si Joanna na makapag-aral ng kolehiyo ngunit dahil sa hirap ng kanilang buhay ay hindi siya kayang pag-aralin ng kanyang magulang. Anim silang magkakapatid kaya sa murang edad ay natuto na siyang magsumikap sa buhay kaya naman napag-desisyunan niyang lumuwas ng Maynila ay mamasukan bilang kasambahay.

Iniipon umano ni Joanna ang kanyang sahod na siya namang ipinambabayad niya sa kanyang tuition, tinutulungan rin siya ng kanyang Ate na punan ang ilang pangangailangan. Maswerte rin si Joanna dahil mabait ang kanyang mga amo at suportado naman ang kanyang pagiging kasambahay habang nag-aaral.

Credit: YouTube / GMA News

Hindi naman nabigo si Joanna dahil ang lahat ng paghihirap at sakripisyo niya bilang kasambahay at college student ay nagbunga na. Matagumpay siyang nakapagtapos ng kursong BS Pharmacy sa Our Lady of Fatima University-Valenzuela Campus at pumasa sa Pharmacy Licensure Exam.

“Hindi habang buhay ganito yung sitwasyon ko. Kumbaga po kahit sobrang hirap gagawa at gagawa ako ng paraan para ma-push yung pangarap at natupad ko naman po, Pharmacist na po ako ngayon,” pahayag ni Joanna.

Credit: YouTube / GMA News

Malaki rin ang pasasalamat ni Joanna sa kanyang Ate Mary Jane na tumulong sa kanyang pag-aaral. Ito umano ang kanyang inspirasyon upang magpatuloy. Ang kanyang Ate kasi ay scholar sa Adamson University at working student rin. Pareho silang nagsususmikap sa buhay upang maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya.

Ngayong ganap na siyang Pharmacist, siya naman daw ang tutulong sa mga nakababatang kapatid upang makapag-aral sila. Ito ay bilang sukli na rin dahil matagumpay siyang nakapagtapos. Nais niyang lahat silang magkakapatid ay makapagtapos at maabot ang kanilang mga pangarap.

Credit: YouTube / GMA News

Isang patunay si Joanna na basta’t may determinasyon at pagsusumikap ay posibleng maabot ang pangarap. Huwag sumuko sa buhay at huwag gawing dahilan ang kahirapan para sumuko, sa halip ay gawin itong dahilan para lumaban. Walang permanente sa buhay, kaya tandaan na kung nahihirapan ay maaari itong magbago basta’t gagawan ng paraan.

Leave a Reply