Ang mga aso ay isa sa kinagigiliwan at pinakagustong alagang hayop ng mga tao dahil sa kanilang kabaitan at pagiging matapat. Maraming kwento na ang nagpakita ng kabayanihan ng mga aso ngunit nakakamanagha pa rin sa tuwing sila ay nagpapakita ng kanilang pagmamahal sa kanilang mga amo.
Isang asong Doberman mula sa Gajapati Region ng Odisha, East India ang namatay matapos magpakita ng kabayanihan. Ang nasabing aso ay nakipaglaban sa apat na mountain cobras na nagtangkang pumasok sa bahay ng kanyang amo. Buong tapang niyang hinarap ang mga makamandag na cobra upang protektahan ang kanyang amo at ang pamilya nito.

Ayon kay Dibakar Raita, ang may-ari ng Doberman, nagulat siya ng masaksihang duguan na ang kanilang aso at nakahandusay sa sahig sa labas ng kanilang bahay. Katabi nito na wala na ring buhay ay ang apat na cobra na duguan rin. Labis ang kanyang lungkot at ng kayang pamilya ng makita ang aso nilang wala ng buhay, lalo na at kabibili pa lamang nila nito at hindi pa nakakasama ng matagal.
Ang kanilang tahanan ay nakapwesto sa baba ng bundok kaya’t normal na magkaroon ng mga mabangis at ligaw na hayop na galing sa kabundukan. Sanay na umano sila Dibakar sa mga hayop na galing sa bundok, ngunit unang pagkakataon pa lang na may nangyaring ganun sa kanilang pamilya.

Ayon sa report, ang asong doberman ay pinrotektahan ang tahanan ng kanyang amo at pinigilan ang mga cobra na nagtangkang pumasok sa loob ng bahay. Buong tapang umanong nakipaglaban ang Doberman sa apat na cobra at halatang kahit nahirapan ito dahil sa matinding tuklaw na may venom na natamo ay pinilit pa rin nitong lumaban.
Makikita na duguan ang aso at patunay lamang ito na naging matagal ang pakikipaglaban niya sa mga cobra. Kahit ilang beses na itong natuklaw ay ipinagpatuloy pa rin nito ang laban para lang maprotektahan si Dibakar at ang kanyang pamilya. Nagtagumapay man ang doberman sa pagpatay sa apat na cobra ay hindi naman ito nagtagumpay na mabuhay. Patay na ang doberman at hindi na nagawang maisugod pa sa vet.

Malaki naman ang pasasalamat ni Dibakar sa kanyang aso dahil sa kabayanihan na ginawa nito para sa kanila. Nagpapasalamat siya dahil naiwasan nila ang panganib at ligtas ang walong miyembro ng kanilang pamilya. Nakakalungkot man ang nangyari ay hindi umano makakalimutan ni Dibakar ang kanyang pinakamamahal na aso.
“I’m shocked. He has made the supreme sacrifice for me and my family. I will remember him till our death. I pray to God, may his soul rest in peace,” saad ni Dibakar.

Bilang pasasalamat ay nagdaos si Dibakar ng burol para sa kanyang aso na dinaluhan naman ng kanilang mga kapitbahay at mga taong nakakakilala sa kanilang aso sa village. Ang lahat ay nagluksa sa kanyang pagkawala at nagpasalamat para sa katapangan na ipinakita ng doberman.
Tunay na maituturing na bayani ang aso ni Dibakar dahil hindi biro ang pagsasakripisyo niya ng kanyang buhay para lamang maprotektahan ang kanyang amo. Patunay rin ito kung gaano kabuti, katapat at katapang ang mga aso, na kaya nilang gawin ang lahat para sa kanilang mga amo.