Sino ang mag-aakala na ang durog na apa ay mapagkakakitaan pala? Isang madiskarteng mommy ang nakakabilib na nakapagpundar ng negosyo gamit lamang ang natirang durog na apa sa kanyang kusina at ngayon ay kumikita na ng halos milyon sa isang linggo.

Si Lorlaine Camungol ay isang madiskarteng ina na ginawang negosyo ang dulo ng apa. Siya ngayon ang may-ari ng Sundae Bites na nagtitinda ng cone tip o dulo ng apa na may ibat-ibang flavor. Ang kanyang negosyo ay agad na pumatok sa mga netizens kaya naman mabilis ang kanyang paglago. Ngunit hindi niya pala ito pinlano noong una at biglaan lamang na nangyari.

Madalas ang pagtatayo ng negosyo ay nagsisimula sa matagal na pagpaplano at malaking puhunan dahil hindi ito madaling bagay. Ngunit si Lorlaine ay biglaan lamang sinimulan ang pagnenegosyo dahil nagka-interes ang kanyang mga kaibigan. Sinubukan niya ito at hindi inaasahang ang capital na 3,000 pesos ay kikita ng 800,000 pesos kada-linggo.

“Nag-start kami na nag-gawa ako for personal lang kasi naghahanap kami ng daughter ko ng dessert, tapos nakita namin yung imported na sundae cone eh ang hirap orderin kaya naisip namin na bakit hindi na lang kami ang gumawa non,” kwento ni Lorlaine.

Ang pagiging patok ng cone tip dessert ay nagsimula sa isang kilalang brand ng ice cream, kung saan ang dulo ay may chocolate filling. Marami ang naghahanap at nagtatanong kung mayroon bang mabibili na tanging ang cone tip lamang, dahil ito nag naging paboritong parte ng mga kumakain ng ice cream kung kaya’t hindi kataka-taka na tinangkilik ang negosyo ni Lorlaine ng sinimulan niya ang paggawa nito.

“Minay-day ko siya tapos maraming friends namin ang nakakita tapos naging interesado sila. Naisip ko, sige gawin ko na lang business since pandemic naman,” saad niya.
Hindi naman nabigo si Lorlaine dahil ang dating sa kusina lang nagsimula ay may production area at office na ngayon. Umaabot na rin sa ibat-ibang parte ng bansa ang kanyang cone tip products dahil mayroon na siyang mga resellers. Sa dami ng demand ng kanyang products ay nagpatayo na rin siya ng karagdagang warehouse.

“Nung August (2021) kami nag-start hanggang ngayon tuloy-tuloy yung orders namin, marami na kaming resellers, distributors.”
Nagsimula ang kanyang business sa mga simpleng flavor na white chocolate, milk chocolate at dark chocolate. Ngayon ay nadagdagan ito ng strawberry, matcha cookie at cookies and cream. Labis ang pasasalamat ni Lorlaine dahil naging malaking tulong ito sa kanyang pamilya.

Bukod pa diyan ay marami rin siyang natulungan at nabigyan ng trabaho dahil sa kanyang negosyo. Isa sa mga empleyado niya sa production ng cone tip ay ang working student na si Joe Perdigon na labis rin ang pasasalamat kay Lorlaine dahil nabigyan umano siya ng pagkakataon na masuportahan ang kanyang pag-aaral.
“They’ve given a chance like me na masuportahan ko po yung pag-aaral ko and very helpful po talaga,” emosyonal na saad ni Joe.

Payo ni Lorlaine na ang pagtatayo ng negosyo ay kailangan ng lakas ng loob lalo na kung unang pagkakataon palang na magnenegosyo. Importanteng may tiwala sa sarili upang malagpasan ang mga pagsubok.
“Nilalakasan ko lang loob ko kahit anong pasubok man yang dumaan kakayanin natin basta lang may dasal at tyaga.”