Palaboy na Limang Taon ng Nawawala at Pinaghahanap, Aksidenteng Natagpuan ng Kapatid sa Kalsada

Hindi na bago sa atin ang makakita ng mga palaboy sa kalsada. Madalas silang madumi at namamalimos habang ang iba naman ay tinatawag pang taong grasa dahil nangingitim na ang kanilang balat sa dumi. Madalas din silang layuan at iwasan ng maraming tao kapag nasasalubong sa kalsada kaya naman laking gulat ng isang netizen ng biglang niyakap ng isang babae ang isang palaboy.

Kwento ng netizen na si Ric Oliver, ang palaboy na lalaki ay tumabi umano malapit sa kanilang kinauupuan sa Pateros Latagan Nights. Hindi naman nila ito pinansin dahil wala naman itong ginagawang masama at tahimik lamang na nakaupo. Nakatingin lamang daw ito sa malayo at nakatulala na tila may malalim na iniisip.

Credit: Facebook / Ric Oliver

Ngunit ilang sandali lamang ay nagulat sila ng may isang babae na biglang huminto sa tapat nito at sinilip ang palaboy. Ilang beses umano itong sumulyap sa mukha ng palaboy at laking gulat nila ng bigla na lamang itong umiyak at niyakap ang palaboy na lalaki.

Dahil malapit lamang siya sa kinaroroonan ng mga ito ay nasaksihan niya ang pangyayari at naantig siya sa nakita kaya naman ay kinuhaan niya ito ng video. Maski si Ric ay naging emosyonal at natuwa sa nasaksihan.

Credit: Facebook / Ric Oliver

“Kuya naalala mo pa ba ako?” tanong ng babae. Dito niya nalaman na kapatid pala ng babae ang palaboy na niyakap nito.

Maya-maya pa ay may tinawagan ito na tila kausap ang kanilang nanay at ibinalita ang magandang nangyari. Napag-desisyunan pa nitong huwag ng tumuloy sa trabaho at ihahatid na diretso pauwi ang kanyang kapatid sa kanilang tahanan.

Credit: Facebook / Ric Oliver

“Nakita ko na po si Kuya. Hindi na po ako papasok, iuuwi ko na siya dyan,” pahayag ng babae sa kausap sa telepono.

Hindi na rin napigilan pa ng palaboy ang umiyak. Mukhang masayang-masaya ito na nakita ang kanyang kapatid at sa wakas ay makakauwi na sa kanyang pamilya.

Credit: Facebook / Ric Oliver

Ayon sa salaysay ng babae, nawala umano ang kanyang kuya limang taon na ang nakalilipas sa Batangas. Ilang taon daw nila itong hinahanap at hindi sumusuko at umaasa pa rin na isang araw ay makikita nila ito muli.

Hindi naman na naidetalye kung bakit nawala ang kapatid niya. Ang importante ay nakita na nila ito at sa wakas ay magkakasama na sila.

Credit: Facebook / Ric Oliver

Sadyang mapaglaro talaga ang tadhana, sino ba naman ang mag-aakala na ang matagal mong hinahanap ay makikita mo na lang bigla sa kalsada? Pagkatapos ng ilang taon na paghahanap at pangungulila ay bigla na lang lilitaw sa harap mo ang taong matagal mo nang ipinagdadasal sa itaas na mahanap.

Masaya naman si Ric para sa palaboy dahil sa wakas ay may tahanan na itong mauuwian at hindi na magpapalaboy-laboy pa sa kalsada. Nakakatuwa daw na nasaksihan niya ang nakakaantig na pagkikitang iyon.

Leave a Reply