Batang Masaya sa Handang Bahaw at Sabaw sa Kanyang Kaarawan, Umantig sa Netizens

Ang kaarawan ay isa sa pinaka-espesyal na okasyon na ipinagdiriwang ng lahat dahil ito ay ang pasasalamat sa buhay na biyaya ng Maykapal. Ang pagkakaroon ng masarap na handa ay isa sa inaabangan ng lahat ngunit paano kung imbes na cake at spaghetti ay bahaw at sabaw ang handa mo?

Isang video ang umani ng 5.5k views sa YouTube na siyang umantig sa mga netizens matapos mapanood ang isang batang lalaki na nagdiwang ng kaarawan na ang tanging handa at bahaw na kanin at sabaw lamang. Makikita sa maikling video ang bahaw o malamig na kanin na nakataob at may nakatusok na kandila at sa tabi nito ay ang kalderong may laman na kalahating sabaw.

Credit: YouTube / TikTok

Ang bahaw na kanin ang nagsilbing tila cake ng batang lalaki na malayo sa normal na cake na alam natin. Gayunpaman, makikita sa video na masaya ang bata kahit na bahaw na kanin at sabaw lamang ang kanyang handa. Malaki ang kanyang mga ngiti at hindi alintana ang simpleng handa sa kanyang kaarawan.

Sa video ay magiliw siyang kinantahan ng dalawa pang batang lalaki na kanyang kapatid o kaibigan. Sinindihan nila ang kandila at kinantahan nila ito ng Happy Birthday habang pumapalakpak. Maski sila ay hindi alintana ang simpleng handa basta’t maipagdiwang lamang ang kaarawan ng bata.

Credit: YouTube / TikTok

Dahil sa hirap ng buhay ngayon, ang pagkakaroon ng handa tuwing kaarawan ay mahirap na para sa nakakarami. Ang ilan ay itinuturing na lamang na ordinaryong araw ang kanilang kaarawan at hindi na nag-iisip pang maghanda ng pagkain dahil gastos lamang ito at mas mabuting ilaan na lamang sa mas importanteng bagay.

Ang cake ang simbolo ng bawat kaarawan at nakakalungkot isipin na ang simpleng bagay na ito ay mahirap maabot para sa ilan tulad ng batang ito. Para sa mga netizens nakakadurog ng puso na may nagdidiwang ng kaarawan gamit lamang ang bahaw na kanin at sabaw na ulam.

Credit: YouTube / TikTok

“Naiyak ako, ngayon ko lang na-appreciate yung cake tuwing birthday.”

“Lagi akong may cake kapag birthday ko kaya hindi ko ma-imagine na may nagbi-birthday pala na bahaw lang handa, ang sakit sa heart.”

“Learn to appreciate simple things from now on. Simple things for us is difficult for others, that even a cheap cake is very hard for them to afford.”

Credit: YouTube / TikTok

Marami namang netizens ang napabilib sa pagiging magiliw ng bata kahit bahaw at sabaw lang ang kanyang handa. Hindi mo makikitaan ng pagkalungkot ang kanyang mukha bagkus ay masaya ito na tila ba ay may engrandeng handaan sa kanyang harapan.

“Happy birthday boy! I wish na sana next birthday mo may totoong cake ka na at maraming masasarap na handa. Tiwala ka lang at di ka pababayaan ni Lord.”

“He taught us to become appreciative of what we have.”

Ang cute, nakakatuwa kahit bahaw lang handa niya masaya pa rin siya. Yung iba dyan nagdadabog pa kahit hinandaan na.”

“Kids nowadays must learn from this boy. Be thankful and appreciative.”

Patunay ang batang ito na wala sa magarbong handa ang pagdidiwang ng kaarawan, ang lahat ay maaaring maging masaya sa simpleng handa kasama ang pamilya o mga kaibigan. Hindi nasusukat sa magandang cake o spaghetti ang pasasalamat sa biyayang buhay ng maykapal.

Leave a Reply