Isang 69-anyos na retired navy officer ang nagtungo sa programa ni Raffy Tulfo upang ireklamo ang kanyang karelasyon na isang 29-anyos dahil inubos umano nito ang kanyang pera. Kinilala siya bilang si Alberto Frio at ang karelasyon na si Ronelyn Solis, isang balut vendor.
Nagsimula ang kanilang pag-iibigan sa love-at-first-sight noong balut vendor pa lang si Ronelyn at naging magkarelasyon sila sa loob ng apat na taon. Sa loob ng apat na taon ay maayos naman ang kanilang pagsasama at nagsama pa nga sa iisang bubong. Sinuportahan umano ni Alberto si Ronelyn sa mga pinansyal nitong pangangailangan at binigyan ng pagmamahal.

Subalit humantong lamang ang lahat sa hiwalayan nang mahuli ni Alberto si Ronelyn na may karelasyong ibang lalaki habang nagsasama pa sila. Hindi lang daw ito ang unang beses kundi pangatlong beses na ngunit palagi niya pa rin itong pinapatawad.
Sa kasamaang palad ay nagkaroon ulit ito ng karelasyon at nagbunga na. Anim na buwang buntis ngayon si Ronelyn at hindi si Alberto ang ama na naging sanhi ng tuluyan nilang paghihiwalay. Gayunpaman, nais pa rin ni Alberto na makipagbalikan kay Ronelyn ngunit ayaw na nito.

Dahil ayaw na ni Ronelyn makipag-balikan kay Alberto ay binabawi nito ang perang kanyang kinuha sa kanyang ATM. Ayon kay Alberto ay inubos umano ni Ronelyn ang kanyang pera sa ATM at noong ibalik ito sa kanya ay wala ng laman.
Ngunit ayon kay Raffy Tulfo, dahil nagsasama sila sa iisang bubong noon ay may karapatan umano si Ronelyn sa kalahati ng property at perang ibinigay ni Alberto. Saad pa ni idol Raffy, ibinigay ng kusa ni Alberto ang kanyang ATM at PIN kaya hindi na mababawi ang pera sa bangko dahil legal naman ang ginawang pagwi-withdraw ng pera ni Ronelyn sa kanyang ATM.

Dagdag pa nito, kapag ibinigay umano ng isang tao ang ATM at PIN nito sa isang tao ng walang kasulatan kung magkano lang ang dapat kunin ay ibig sabihin nito pwedeng mag-withdraw ng kahit magkano ang taong iyon sa kanyang ATM.
Ang bahay umano nila ay galing sa napanalunan ni Ronelyn sa casino kung saan ang capital ay nagmula sa pera ni Alberto. Kaya naman, pahayag ni idol Raffy, hindi niya matutulungan si Alberto dahil pagtatapon rin ng pera ang ginawa nito noong naglaro ito sa sugal sa casino.

Gustong maibalik ni Alberto ang apat na milyon na kinuha umano ni Ronelyn sa kanya ngunit sabi ni Ronelyn ay hanggang 30,000 pesos lamang ang kanyang kayang ibigay ng installment dahil wala siyang pera at trabaho, at buntis pa sya.
Nakiusap pa si Alberto na kahit isang milyon na lang daw ang maibalik nito, ngunit sabi ni idol Raffy dalhin na lamang daw ang kaso sa korte dahil hindi naman siya kayang bayaran ni Ronelyn.

Nakakalungkot na ang kanilang magandang pagsasama ay humantong sa hiwalayan at pagpapa-Tulfo. Maging silbing aral sana ito sa iba huwag ibigay ng lahat sa isang tao at matutong magtira para sa sarili. Mahirap ng magtiwala sa panahon ngayon kaya’t mag-doble ingat na lamang sa susunod.