Ina, Nagbabala sa Pagdadala ng Mga Bata sa Playhouse Matapos Magkasakit ng Anak

Bilang isang magulang gusto nating laging masaya ang ating mga anak kaya naman kung may pagkakataon ay ipinapasyal natin sila at dinadala sa ibang lugar para maglaro. Bukod sa mga pampublikong playground, nauso na sa panahon ngayon ang mga playhouse na madalas makita sa mga mall kung saan nakakapaglaro ang mga bata kasama ang ibang bata.

Madaming mga magulang ang kampanteng paglaruin ang kanilang mga anak sa playhouse dahil mas ligtas ito kasi nasa loob ng mall at may mga tagabantay. Ngunit paano kung ang inaakala mong ligtas na palaruan para sa iyong anak ay magdadala pala ng sakit sa kanya?

Credit: Panay News

Isang post ang nag-viral sa Facebook matapos ibahagi ng inang si Sarah Jane Calma ang kanyang karanasan at ng kanyang anak sa playhouse. Nagbigay babala siya sa mga kapwa niya magulang na maging maingat sa pagdadala at pagpapalaro ng mga anak sa playhouse dahil hindi ito ganun kaligtas katulad ng inaakala ng marami.

Ayon kay Sarah napapadalas umano ang pagpunta nila ng kanyang anak na si Rischa sa mga playhouse tulad ng iPlay, Kidzoona, LilGiants at iba pa. Bilang isang ina, nais niyang laging masaya ang kanyang anak at hindi lang ito naglalaro sa loob ng kanilang bahay. Importante kasi sa mga bata na nakakaranas sila ng ibang bagay at nakakapunta sa ibang lugar dahil nakakatulong ito sa kanilang pag-develop.

Credit: Facebook / Sarah Jane Calma

Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon, nagkaroon umano ng pabalik-balik na lagnat ang kanyang anak na si Rischa. Umaabot ang lagnat nito ng 37.5°C hanggang 39.6°C kaya naman dinala niya na ito sa doktor dahil sa pag-aalala. Napag-alaman nila na ang kanyang anak ay maraming singaw sa lalamunan na naging sanhi ng pagkakaroon nito ng lagnat.

Hindi umano ito tonsilitis ayon sa doktor at maaring ito ay HAND, FOOT AND MOUTH DISEASE o HFMD ngunit hindi pa ito sigurado dahil wala pa namang rashes o spots ang kanyang anak kaya kailangan pang obserbahan. Naging kampante si Sarah dahil kinagabihan ay wala pa ring rashes o spots ang kanyang anak at bumaba na ang lagnat nito.

Credit: Facebook / Sarah Jane Calma

Ngunit kinabukasan paggising umano nila, doon niya na nakita na sumulpot ang mga rashes sa katawan ni Rischa. Ang mga rashes ay tila bulutong na may lamang tubig. Ayon sa doktor wala umanong gamot sa HFMD at kusa lamang itong mawawala paglipas ng ilang araw, subalit bilang isang ina masakit para kay Sarah na makitang nahihirapan ang kanyang anak. Umiiyak umano ito sa sobrang kati at hindi makatulog ng maayos dahil panay ang kamot.

Payo ni Sarah sa mga kapwa niya magulang ay mas magandang manatili na lamang sa bahay ang mga bata at iwasan muna ang pagpunta sa mga playhouse dahil hindi daw sigurado sa mga sakit na maaaring makuha doon. Ugaliin rin umano na laging paghugasin ng mga kamay ang mga anak.

Credit: Facebook / Sarah Jane Calma

“Better na mag-stay at home na lang muna ang mga kids, o kaya, refrain from letting them play sa mga playhouse kasi di naman natin alam kung lahat ba ng batang naglaro dun ay walang sakit na nakakahawa. Saka ugaliing mag-wash ng hands,” payo ni Sarah.

Dahil walang gamot sa HFMD, anti-itch lamang ang nireseta ng doktor kay Sarah upang maibsan ang kating nararamdaman ng kanyang anak na si Rischa. Para naman sa mga nagsasabi na imposible daw na walang gamot dito, naka-ilang doktor na umano sila Sarah at pareho lamang ang sinasabi ng mga doktor na walang gamot sa HFMD.

“Kahit anong iwas talaga sa sakit, kung mahahawa ka, dadapuan at dadapuan ka talaga.”

Credit: Facebook / Sarah Jane Calma

Hindi rin naiwasan ni Sarah na madismaya sa mga taong nagsasabing pabaya siyang ina kaya nagkasakit ang kanyang anak. Aminado naman siya na kahit papaano ay may kasalanan siya ngunit hindi niya ito ginusto dahil ang nais niya lamang ay mapasaya ng kanyang anak na si Rischa. Nakakasama daw umano ng loob dahil gusto lang naman niya magbabala sa pagpunta sa mga playhouse ngunit minasama pa ito ng mga tao at hinusgahan pa ang kredibilidad niya bilang isang ina.

“May mga nag-comment dito sa post ko na sinisisi ako sa nangyari sa anak ko. Yes, partly, kasalanan ko. Ako nagdala sa kanya don e. Pero bilang isang Nanay, I just want my kid to have fun. Walang may gusto nito. Nakakasama lang ng loob dahil pinost ko lang naman ‘to dahil gusto kong maging aware yung mga katulad kong magulang na,” pahayag ni Sarah.

Dagdag niya pa, “I don’t need comments saying na kasalanan ko ‘to especially coming from somebody na wala namang anak. Ineng, di mo alam ang pakiramdam ng isang ina. So I don’t need your unsolicited advice. Thank you.”

Credit: WATV

Sa kabutihang palad, magaling na umano ang kanyang anak na si Rischa. Natuyo na ang mga rashes nito at wala ng lagnat. Bumalik na ulit ang dati nitong sigla. Ngunit mukhang hindi na muna ito makakapaglaro sa mga playhouse bilang pag-iingat at masiguradong hindi na siya dadapuan ng sakit na HFMD.

Ang babala ni Sarah ay magsisilbing aral sa mga magulang patugkol sa pagdadala ng mga anak sa playhouse o ibang pampublikong lugar. Hindi masamang iparanas sa mga bata ang makapaglaro sa ibang lugar ngunit laging tandaan na mas mabuti pa ring nag-iingat dahil mas importante ang kaligtasan ng mga bata.

Leave a Reply