Sa pagdaan ng maraming siglo, hindi na talaga maipagkakaila ang pagiging moderno ng panahon natin ngayon. Sa tulong ng mga makabagong imbensyon, napabilis at napadali ang buhay ng mga tao. Isa na ata sa mga pinakamoderno at nakakamanghang naimbento ay ang mga robot,l kung saan ay halos katulad na sila ng tao pagdating sa pagkilos at pag-iisip.
Patuloy na pinag-aaralan ng mga tao ang paggawa at pagpapaganda ng mga robot ngayon, hindi na lang sila basta simpleng appliances kung maituturing. Sa katotohanan, ang mga bagong robot ngayon ay may anyong tao na at makikita mo na sa ibat-ibang lugar katulad ng mga hotel at shopping mall kung saan kailangan ng serbisyo.

Ang Promobot ay isang tech company kung saan kilala sa paggawa ng mga hyper-realistic at humanlike robot. Sa kasalukuyan sila ay nagdedevelop ng isang humanoid robot-assistant na makakatulong sa mga tao, lalo na sa mga kompanya o negosyo na naghahatid ng serbisyo tulad na lamang ng mga hotels, shopping malls, restaurants at iba pa.
Ang Russian tech company na ito ay nag-anunsyo na handa silang magbayad ng halagang $200,000 sa sinumang tao na handang ipagamit ang kanilang mukha at boses para sa gagawin nilang humanoid assistant-robot. Mataas ang kagustuhan nilang maging tagumpay ang kanilang proyekto kaya’t handa silang magbayad ng malaking halaga para sa taong may gusto.

“Our company is developing technologies in the field of facial recognition, as well speech, autonomous navigation, artificial intelligence, and other areas of robotics,” pahayag ng Promobot sa isang press release na ibinahagi ng Daily Mail.
Matagal ng aktibo ang kumpanya sa paggawa ng mga humanoid robots. Ang kanilang mga bagong kliyente ay nais ng bagong humanoid robot kung saan ang mga itsura at boses ay dumaan sa legal na proseso upang maiwasan ang problema. Mahirap para sa kanila na mag-imbento lamang ng itsura ng robot at boses dahil maaring magkaroon ito ng kapareha sa totoong tao, kaya naman mas minabuti ng kumpanya na kumuha na talaga ng taong gustong ipagamit ang sariling mukha at boses kapalit ng pera.

“Since 2019, we have been actively manufacturing and supplying humanoid robots to the market. Our new clients want to launch a large-scale project, and as for this, they need to license a new robot appearance to avoid legal delays.”
Subalit hindi awtomatiko na dahil gusto ng isang tao ay siya na ang kukunin at babayaran ng halagang $200,000 dahil kailangan muna nilang dumaan sa mga proseso at matinding pagkilatis. Sa laki ng halagang ibibigay ng kumpanya, hindi kataka-taka na marami rin ang nais sumali at nagbabakasali.

Ang lahat ng mga kasali ay kikilatising mabuti ng kumpanya at mga kliyente nito. Ang mapipiling tao ay dadaan sa 3D modeling upang makopya ng eksakto ang kanyang mukha bilang magiging itsura ng humanoid assistant-robot. Magkakaroon din ang tech company ng karapatan sa boses ng kanilang napiling modelo. Ayon sa kanila, “the winner will also have to dictate at least 100 hours of speech material to create the robot’s voice.”
Masasabing napakaswerte ng taong mapipili para sa proyektong ito ng Promobot dahil napakalaking halaga ng $200,000. Marami ang nagsasabing wala namang problema sa kanila na ipagamit ang kanilang mukha at boses dahil bukod sa pera ay sisikat pa ang kanilang mukha at boses. Matutuwa umano silang makita ang kanilang mukha at marinig ang kanilang boses na ginagamit sa magandang paraan na makakatulong upang mapadali ang buhay ng mga tao.

Talaga namang napakamoderno na nga ng panahon natin ngayon, sino ba naman ang mag-aakala na maari palang maging posible ang mga robot na anyong tao at boses tao? Kung iisipin ay halos tao na nga sila kung titingnan. Ang ganitong klase ng pagbabago sa larangan ng siyensya at teknolohiya ay kamangha-mangha.
Hindi maipagkakaila na malaking tulong ang teknolohiya at mga robot sa pag-unlad ng mundo. Pinadali nila nag buhay at malaki rin ang naitutulong nila sa maraming bagay. Ngunit tandaan na hindi dapat mapalitan ng mga robot ang sangkatauhan, malaki pa rin ang kaibahan ng tao sa mga robot kaya’t huwag masyadong umasa at dumepende sa kanila. May mga pagkakataon pa rin na magandang gawin ang mga bagay ng isang tunay na tao at bilang tao, ang mga robot ay ginawa lamang upang tumulong at punan ang kakulangan.