Ang pagpapatayo ng isang bahay ay hindi madali dahil ito ay magastos kaya naman nauuso ngayon ang pagpapatayo ng tiny house. Ang tiny house ay isang maliit na bahay kung saan kumpleto na sa pasilidad at mga gamit, katulad lang ito ng ordinaryong mga bahay ngunit mas murang ipatayo dahil maliit lamang ang kailangang espasyo at konti lang ang materyales sa paggawa.

Hinangaan ang mag-asawang negosyante na ito matapos nilang magpatayo ng up and down na tiny house para sa kanilang mga empleyado. Ang tiny house ay nagsisilbing bahay pahingahan o bakasyunan ng kanilang mga empleyado na nais magpahinga at magbakasyon kasama ang kanilang pamilya.
Si Victoria at Gerry Evangelista ang may-ari ng Bioskin Philippines na isang skin care company at Bec and Geri’s na isang manufacturing company ng plant-based foods. Ang mag-asawang ito ay naisipang magpatayo ng tiny house noong panahon ng pandemya March 2021 gamit ang lumang container van na mayroon sila.

Ang dalawang container van na may taas na 20 at 40 feet ay ginawa nilang up and down tiny house. Wala umanong magawa ang mag-asawa noong panahon na iyon at ng nakita nila na ang lumang mga container van ay doon na nila naisip na gawin itong tiny house. Imbis na masayang lamang at tuluyang masira dahil sa kalawang ay ginawa nila itong kapaki-pakinabang para sa kanilang mga empleyado.

Itinayo nila ang two-story tiny house sa loob ng kanilang compound kung nasaan ang kanilang opisina. Dahil malawak ang kanilang compound ay doon na nila ito pinatayo at upang mas malapit ito sa kanilang mga empleyado. Umabot lamang ng tatlong buwan ang pagpapatayo ng kanilang tiny house at proud silang hindi ganun kalaki ang ginastos nila sa tiny house.

Hindi akalain ng mag-asawa na maganda ang kalalabasan ng kanilang tiny house dahil gawa lamang ito sa lumang mga container van, maski ang kanilang mga empleyado ay nagustuhan ito ng sobra. Ang two-story tiny house ay mayroong living room, dalawang kwarto, dalawang bathroom, outdoor kitchen, balcony, bath tub na tila mini pool na nabili lang nila sa junk shop at malawak na patio.

Proud na proud ang mag-asawa sa kinalabasan ng kanilang tiny house na mayroong temang bohemian style, kung titingnan ay tila isang bahay bakasyunan talaga. Ang mga gamit sa loob ng tiny house nila ay puro second hand at surplus lamang, ang mga furniture tulad ng sofa at mga lamesa ay galing lang sa kanilang bahay na hindi naman nila ginagamit. Ang mga aparador sa kusina at ilang estante ay galing naman sa mga lumang kahoy. Lahat umano ng gamit sa kanilang tiny house ay hindi mahal at puro recycle lamang nila.

Ang two-story tiny house kasama ang lahat ng gamit dito ay umabot lamang ng 1.8 million, maliit na itong halaga kumpara sa normal na halaga ng pagpapatayo ng isang up and down na bahay. Gustong ipakita ng mag-asawa na pwedeng magpagawa ng bahay ng hindi gumagastos ng sobrang laki. Basta’t may diskarte at kagustuhang makapagpatayo ay hindi ito imposible. Malaking tulong ang pagiging eco-friendly upang hindi gumastos ng malaki, kailangan lamang ng konting linis, ayos at pintura sa mga lumang gamit ay pwede na ulit itong gamitin na tila bago.

Masayang-masaya naman ang mga empleyado ng mag-asawa sa tiny house dahil nagkaroon sila ng lugar pahingahan na tila sila ay nagbabakasyon at pwede pa nilang dalhin ang kanilang pamilya. Ang lahat ng ito ay libre at hindi ito pinababayaran o pina-rerentahan ng mag-asawa sa kanilang mga empleyado. Imbis daw kasi na pumunta pa sila sa ibang lugar kung saan ay gagastos sila pwede na nilang gamitin na bahay bakasyunan ang tiny house ng kanilang amo.

Bukod sa bahay pahingahan at bakasyunan, nagagamit rin ang tiny house bilang conference place o lugar kung saan pwedeng mag-meeting. Kumportable umanong gamitin ang patio ng tiny house bilang lugar sa pagmi-meeting dahil mahangin at kumportable na nakakatulong sa pag-iisip nila.
Ang tiny house ay nagsisilbi ring event’s place kung saan ay pwede pagganapan ng mga birthday, christmas party at iba pang pagdiriwang. Maski ang mga pagdiriwang ng pamilya ng kanilang mga empleyado ay pinapayagan din nilang ganapin sa kanilang tiny house dahil sa maluwag at malaki nilang patio ay posibleng makapagtipon ng maraming tao.

Marami ang humanga sa mag-asawang negosyante dahil sa kanilang kabutihan sa kanilang mga empleyado. Hindi lahat ng amo ay may taglay na kabutihan kagaya nila Victoria at Gerry kaya’t umani sila ng maraming papuri sa mga netizens. Isa rin silang magandang halimbawa para sa lahat na ang pagiging mabuting amo ay dapat lamang dahil kung wala ang mga empleyado ay hindi magtatagumpay ang negosyo.