Taho Vendor, Matiyagang Naglalako Habang Pasan ang Anak sa Likod

Ang pagiging ama ay isang mabigat na responsibilidad at karaniwan na sila ang nagtatrabaho habang ang kanilang asawa naman ang nag-aalaga ng kanilang anak. Ngunit paano kung parehong ginagawa ng isang ama ang responsibilidad ng isang magulang—ang magtrabaho at ang mag-alaga ng anak? Tulad na lamang ng nag-viral na post na ito.

Ibinahagi ni Jam Perry Branch sa kanyang social media account ang nakakaantig na larawan ng mag-ama. Isang amang magtataho kasi ang nakita niya na bukod sa paninda nitong taho ay may pasan rin itong bata sa kanyang likuran habang nagtitinda.

Magkahalong pagkaawa at pangkamangha ang naramdaman ni Jam noong makita niya ang sitwasyon ng taho vendor. Napansin niyang hirap ito sa paglalakad dahil mabigat ang tinda at pasan pa ang anak sa likod, ngunit matiyaga pa rin itong naglalako at hindi alintana ang pagod at bigat ng kanyang mga pasan.

Credit: Facebook / Jam Perry Branch

Ayon kay Jam, ang taho vendor ay si Tatay Richard Paclibare na mag-isang itinataguyod ang kanyang isang taong gulang na anak dahil iniwan na sila ng kanyang asawa at hindi niya rin alam kung nasaan na ito. Dahil mag-isa na lamang, ay wala umano siyang pagpipilian kundi parehong magtrabaho at mag-alaga ng kanyang anak.

Tanging paglalako lamang ng taho ang hanapbuhay ni Tatay Richard. Ito lamang ang tanging bagay na napagkukuhanan niya ng pera pangtustos sa kanyang pamilya. Kung hindi siya magtatrabaho ay wala siyang maipambibili ng gatas at diaper ng kanyang anak, kaya’t lubos ang kanyang pagsusumikap.

Mayroong kapatid si Tatay Richard na pwede niyang pag-iwanan ng kanyang isang taong gulang na anak. Ito umano ang madalas na mag-alaga ng kanyang anak habang siya ay naglalako ng taho, ngunit noong araw na nakuhanan siya ng larawan ay wala ang kanyang kapatid dahil may kailangan umanong gawin kaya’t pinili niyang isama na lang ang anak sa paglalako.

Credit: Facebook / Jam Perry Branch

Ayaw niya raw ipaubaya ang anak niya sa ibang tao bukod sa kanyang kapatid dahil natatakot siyang hindi mapagkakatiwalaan ang mapag-iwanan niya. Mahirap man ang parehong paglalako at pag-aalaga ay hindi niya ito inalintana at makikita ang determinasyon niyang magampanan ng sabay ang responsibilidad.

Makikita rin sa larawan na kahit hirap na si Tatay Richard sa kanyang pasan na taho at anak ay nagagawa niya pang protektahan ang anak sa init ng araw. Dahil mainit na ang sikat ng araw sa umagang iyon, pinili niyang payungan ang kanyang anak. Bilang isang ama, alam niyang nahihirapan rin ang anak sa kanilang sitwasyon.

Ang pagsusumikap sa trabaho at pagmamahal ni Tatay Richard sa anak ang nagpaantig sa puso ni Jam kaya naman kasabay ng kanyang post ay nanawagan siyang mabigyan ng tulong ang mag-ama. Hindi naman siya nabigo dahil nag-viral ang kanyang post at maraming netizens ang naantig rin sa kwento ni Tatay Ricard kaya’t nagpaabot sila ng tulong dito. Bukod sa mabubuting netizens ay nagpaabot din ng tulong ang pamahalaang lokal ng Binangonan, Rizal kay Tatay Richard at sa kanyang anak.

Credit: Facebook / Jam Perry Branch

Malaki ang pasasalamat ni Tatay Richard sa lahat ng nagbigay tulong sa kanila ng anak niya, at kay Jam dahil naging daan ito upang mabigyan sila ng tulong at maibahagi ang kanyang kwento. Sa kabila ng mga tulong na natanggap ay patuloy pa rin umano siyang magsusumikap sa paglalako ng taho at pag-aalaga sa kanyang anak. Marami ring netizens ang nagpaabot ng positibong mensahe at paghanga para kay Tatay Richard:

“Such a good and responsible father for his kid. God bless you po!”

“Thumbs up po sa’yo Tatay, sana lahat ng ama ay katulad mong responsable at mapagmahal sa anak.”

“Madami talagang masisipag na tao na hindi nabibigyan ng oportunidad, nakakalungkot. Laban lang, Tatay! Napakaswerte ng anak mo sa’yo.”

“Saludo ako sayo Kuya, kinaya mong maglako tapos dala mo pa anak mo kahit mainit. Good job po.”

“Kapos ka man sa pera pero hindi ka kinapos sa pagmamahal. Salute!”

Credit: Dribble

Isang dakilang ama si Tatay Richard para sa kanyang anak. Mahirap man ang buhay ay hindi ito naging hadlang sa kanya para maalagaan at mapalaki ito kasabay ng kanyang trabaho. Isa siyang inspirasyon sa maraming ama na huwag mapanghinaan ng loob at sa halip ay gawin itong motibasyon upang magpatuloy. Gawing lakas ang anak sa araw-araw na trabaho at kahit pa mag-isa na lamang niya itong itinataguyod ay hindi ito dahilan para magreklamo at huminto.

Panawagan naman ng netizens, sana raw ay mapansin ng gobyerno ang mga katulad ni Tatay Richard na isang single-parent at nagsusumikap sa buhay. Ang mga katulad daw nila ang lubos na nangangailangan ng tulong at hindi kung sino lang.

Leave a Reply