74-Anyos, Naglalako ng Ice Cream sa Apat na Barangay, Tinaguriang “Super Lola”

Ang paglalako ng paninda ay isang mahirap na hanapbuhay dahil hindi biro ang paglalakad habang may mabigat na dala. Sa paglalako kailangan ng mahabang pasensya at lakas upang kumita ng pera. Kaya naman kinabiliban ng mga netizens ang isang lola na kahit matanda na ay nakakaya pa ring maglako ng ice cream.

Nakilala si Lola Angeles Merin matapos mag-viral sa social media ang kanyang mga larawan habang naglalako ng paninda niyang ice cream. Malayo sa pangkaraniwang naglalako na madalas ay mga lalaking hindi pa gaanong katandaan, kinabiliban si Lola Angeles dahil bukod sa siya ay babae, siya rin ay isa ng senior citizen.

Credit: Facebook / Ronie Lacamiento

Sa edad na 73-anyos ay matiyaga pa ring naglalako ng panindang ice cream si Lola Angeles upang kumita ng pera para sa kanyang pamilya. Siya umano ang tanging inaasahan ng kanyang pamilya sapagkat walang kakayahan ang mga ito na magtrabaho.

Napag-alaman na ang kanya palang asawa ay na-stroke at hindi na makatayo o makakilos. Ang kanya namang anak ay may karamdaman, habang ang asawa naman nito ay inatake rin ng stroke. Walang ibang magawa si Lola Angeles kundi ang tumayo at kumayod para sa kanilang pamilya dahil siya na lamang ang may kakayahan na kumilos kahit matanda na siya.

Hindi niya alintana ang init ng araw at pandemya habang naglalako ng panindang ice cream. Bukod dyan, nililibot niya rin ang hindi lang isa kundi apat na barangay sa Bulacan upang makabenta. Nagtyatyaga si Lola Angeles na maglibot upang maubos ang kanyang panindang ice cream at may maiuwi sa kanyang pamilya.

Credit: Facebook / Ronie Lacamiento

Ayon sa kanya, mahirap umanong maglako at magbenta ng ice cream dahil mabigat ito at masakit sa likod. Hindi rin biro ang layo ng nilalakad niya, kaya naman ay sobra ang kanyang pagod sa araw-araw na pagtitinda. Ngunit kahit mahirap at laging pagod, hindi siya sumusuko dahil siya lamang ang inaasahan ng kanyang pamilya.

Sa tagal niya nang nagtitinda ng ice cream ay nakilala na siya ng mga tao sa mga barangay na kanyang nililibot. Binansagan na siya ng mga ito na ‘Super Lola’ dahil nakakabilib daw ang determinasyon at pagsusumikap nito sa pagtitinda kahit matanda na.

Lubos ang paghanga ng mga tao sa tuwing nakikita siya dahil kayod-kalabaw talaga si Lola Angeles. Imbes na magpahinga na lamang siya sa kanilang bahay ay nagtitinda pa rin ito at hindi iniinda ang katandaan. Lahat ay gagawin para sa kanyang pamilya, maibigay lamang ang kanilang mga pangangailangan.

Credit: Facebook / Ronie Lacamiento

“Stay safe po lagi Lola. Sana lagi maubos agad ang paninda niyong ice cream para hindi ka magtagal sa paglalako at makapagpahinga ka na agad.”

“God bless sayo Lola, sana bigyan ka pa ni Lord ng malakas na pangangatawan.”

“Salute po sayo Lola, huwag kang mag-alala hindi ka po pababayaan ng Panginoong Diyos at bibigyan ka Niya ng biyaya dahil sa mga sakripisyo mo.”

“Kawawa naman si Lola kahit pwede na siyang magpahinga ay mas pinili niyang magtrabaho para sa pamilya niya. Iba talaga ang pagmamahal ng asawa at ina lahat gagawin.”

“Sana po sa lahat ng makakakita kay Lola na nagtitinda ay bumili kayo para kumita siya at makauwi po siya agad.”

Credit: SBS

Umabot naman sa Unang Hirit ang pagiging “Super Lola” ni Lola Angeles kaya naman ay pinaabutan siya ng mga tulong, tulad ng mga groceries. Malaking pasasalamat ni Lola sa mga natanggap na biyaya dahil malaking tulong umano ito sa kanyang pamilya.

Tunay na nakakabilib ang pagiging determinado at pagsusumikap ni Lola Angeles. Hindi matatawaran ang kanyang pagmamahal at pagsasakripisyo para sa kanyang pamilya. Ipinakita nyang hindi hadlang ang edad upang kumayod at magsakripisyo basta para sa ikabubuti ng pamilya.

Leave a Reply