Ang edukasyon ang itinuturing na isa sa pinaka-importanteng bagay na dapat mayroon ang isang tao dahil naging basehan na ito ng kakayahan at pagkatao. Itinatak na sa ating mga isipan na ito lamang ang susi upang maabot ang mga pangarap at maging matagumpay sa buhay, kaya naman labis ang atensyon na ibinibigay ng bawat magulang at estudyante sa pag-aaral.
Ang pagkakaroon ng matataas na marka sa paaralan ang naging sagradong basehan ng kakayahan ng isang bata. Nakakalungkot man isipin, marami talagang estudyante ngayon ang nahihirapan sa kanilang pag-aaral dahil pilit na inaabot ang pagkakaroon ng mataas na marka sa takot na mapagalitan ng mga magulang at mahusgahan ng mga tao.
Ngunit tanging mga matataas na numero nga lang ba ang magiging patunay ng kakayahan ng isang bata? Makatwiran bang gawing basehan ang marka sa kung ano sila at pagalitan kung hindi nila ito naabot? Sa mundong ito, mas importante nga bang matalino ang isang tao kaysa sa pagkakaroon ng magandang asal?

Ang inang si Jheezel Orbina Panga ay may estudyanteng anak kung saan ay labis ang kagustuhan niyang magkaroon ito ng maaayos at matataas na marka. Bilang isang ina, responsibilidad ni Jheezel na bantayan at alalayan ang pag-aaral ng kanyang anak dahil gusto niyang magkaroon ito ng magandang kinabukasan.
Ibinahagi ni Jheezel ang report card ng kanyang Grade 1 na anak kung saan makikitang mababa ang mga marka nito. Bilang isang magulang na hindi nagkulang sa gabay at atensyon sa pag-aaral ng anak, hindi daw natuwa si Jheezel sa naging marka nito. Aminado si Jheezel na pinagalitan niya ang anak na halos maiyak na daw ito, ngunit gusto niya daw ipaintindi dito ang kahalagahan ng pag-aaral habang bata pa.

Subalit napagtanto ni Jheezel na nagkamali siya na pagalitan ito ng labis at ibase lang sa marka nito ang kakayahan ng kanyang anak. Napagtanto niya na higit pa sa mataas na marka ang kakayahan ng kanyang anak dahil mayroon naman itong mabuting puso, na hindi kailanman masususkat ng mga numero. Binalikan niya ang mga senaryo ng pagiging mabait na bata ng kanyang anak at doon niya nga napagtanto na hindi niya dapat ito lubos na pinagalitan dahil lang sa marka nito.
“Mama, birthday ng classmate ko bukas. Pabaunan mo ko kanin tapos dalawang itlog, bibigyan ko siya para surprise.”
“Mama, alam mo yung classmate ko kawawa kasi wala siyang baon. Eh diba may baon akong biscuit tapos may 20 pa ko. Binigyan ko siya 5 para makabili siya ng soup.”
“Mama, yung classmate ko laging masakit yung kamay kaya sinulat ko siya sa notebook niya.”

“Mama, paglaki ko bibilhan kita ng kotse para di ka na mahihirapan samin ni Aki pag aalis tayo na tatlo lang tayo. Kita ko kasi hirap na hirap ka pag tatawid tayo.”
“Mama, maglaba ka lang diyan. Ako na bahala kay Aki.”
“Mama, mag-alkansya ako para may pang-kasal na kayo ni Papa.”
Ilan lang yan sa mga sinasabi ng kanyang anak na nagpapakita ng pagiging mabuti nitong bata. Hindi lahat ng bata ay mayroon na agad ganitong uri ng simpatya para sa ibang tao at kung mag-alala ay parang matanda na, kaya naman proud si Jheezel sa kanyang anak.
“Naisip ko, bata ba talaga tong anak ko? Parang matanda na nagkatawang bata lang,” saad ni Jheezel.
Bukod pa diyan, may isa pa daw senaryo kung saan ay nagpaiyak sa kanya. Sobrang sakit daw bilang ina na marinig niya ito sa kanyang anak, kung saan nga ay lubos niyang pinagsisihan ang kanyang pagkadismaya at pagalitan ito dahil lang sa marka.

“Mama, alam mo ba naiiyak ako habang nagdadasal ako sabi ko Papa Jesus wini-wish ko po sana tumalino na ko para hindi na nagagalit sakin si mama. Ang bobo ko kasi e. Marunong naman na ko magbasa konti pero mababa pa rin grades ko,” saad ng kanyang anak.
Sino ba naman ang hindi maiiyak sa dasal na ito ng kanyang anak. Agad na humingi ng tawad si Jheezel sa kanyang anak sa labis na pagsisisi dahil pinagalitan nya ito. Sinabi niya ring okay lang daw kahit hindi na mataas ang mga marka nito basta’t maging mabait lang siyang bata ay magiging masaya na siya.
At bilang isang mabuting bata, “Okay lang po, Mama. Mag-aaral na ko mabuti,” ang naging sagot nito sa kanya.
Ngayon daw ay natuto na si Jheezel sa kanyang pagkakamali at sinigurong hindi na lubos na pagagalitan ang kanyang anak dahil lang sa marka. Importante pa rin ang pag-aaral ngunit mas gusto niyang manatiling mabait na bata ang kanyang anak at mas maging mabuti pang tao sa paglaki nito.

“Proud ako kasi bata pa siya, malalim na ang level of understanding niya.”
Gusto ring maging magandang ihemplo ni Jheezel para sa lahat ng magulang na huwag maging masyadong mahigpit pagdating sa pag-aaral ng mga anak. Nawa’y magsilbing aral ang kanyang karanasan na huwag gawing basehan ang matataas na marka para sukatin ang pagkatao ng anak, imbis na pagalitan ay sana unawain na lamang sila at tumingin sa iba pang kakayahan na mayroon ang anak.
“I just want to share to all parents that our child’s mental health or EQ is more important than their grades.”