Salat Man sa Buhay, Ama, Gumawa ng Espesyal na Bag Para sa Kanyang Anak

Ang pagkakaroon ng bagong bag ng isang bata ay importante para sa kanila lalo na kung gagamitin ito sa paaralan. Ang pagkakaroon ng bagong mga gamit tulad ng notebook, lapis at bag ay isa sa mga nagbibigay motibasyon sa mga bata na pumasok sa paaralan at mag-aral ng mabuti. Ngunit paano kung walang bagong bag ang isang bata?

Isang bata mula sa Battambang Province, Cambodia ang nakakatuwang ginawan ng bag ng kanyang butihing ama, upang magkaroon ito ng bagong bag sa pasukan. Kinilala ang bata na si “Ny Keng”, isang estudyante mula sa unang baitang ng Lumphat Primary School.

Ayon sa ama ng bata, wala daw umano siyang pambili ng bagong bag para sa kanyang anak. Salat daw sila sa buhay na kahit ang pagkain sa araw-araw ay hirap din sila, kaya naman nalulungkot siyang hindi niya mabilhan ng bagong bag ang kanyang anak. Ngunit gusto niyang mapasaya pa rin ang anak kaya’t gumawa siya ng paraan.

Ginawan ng ama ang kanyang anak na si Ny Keng ng bag gawa sa fibrous plant na katulad ng abaca. Masasabing ito ay isang matibay na bag, at masinsinang hinabi ng ama para sa anak. Buong pagmamahal niyang ginawa ang bag dahil gusto niyang mapasaya ang anak kahit na salat sila.

Credit: Unsplash

Ang guro ni Ny Keng na si Sophous Suon ang nagbahagi ng mga larawan sa social media. Namangha raw siya sa bag ng kanyang estudyante dahil iba ito sa pangkaraniwang bag ng mga bata. Agad na pinukaw nito ang kanyang atensyon dahil napansin niyang sariling gawa ang bag ni Ny Keng.

Napag-alaman niya nga na gawa ito ng ama ni Ny Keng na mas lalong nagpahanga sa kanya. Hindi daw lahat ng magulang ay kaya itong gawin para sa kanilang anak, mas gugustuhin pa rin ng ilan na bilhan na lang ng bag ang anak, maski mumurahin. Ngunit iba ang ama ni Ny Keng, imbes na bumili ay matiyaga itong naghabi ng bag para sa anak.

Naging maganda naman ang kinalabasan ng hinabing bag ng ama ni Ny Keng. Ito ay kulay asul at may maliit na lock at may strap din, katulad ng normal na bag. Ang guro ni Ny Keng at ang mga netizens ay nagandahan rin sa bag at naisip pa ngang maaari itong pagkakitaan ng ama ni Ny Keng.

Hindi man bago ang bag ni Ny Keng katulad ng kanyang mga kaklase, masasabing mas maganda ito dahil gawa ito sa pagmamahal. Maswerte siya dahil nabiyayaan siya ng ama na mapagmahal at may kagustuhang mapasaya siya kahit sila sa salat sa buhay.

Hindi naman napigilan ng mga netizens na magbigay reaksyon at komento patungkol sa bag at sa ama ng batang si Ny Keng.

“Ang cute naman ng gawa ni Tatay, mapalad na bata dahil mapagmahal ang kanyang ama. Mag-aral ka sanang mabuti.”

“Hanga ako sa mga magulang na mahal na mahal ang mga anak at higit pa sa sarili.”

“Wow para sa akin napaka-special na bag kase bag with love of father.”

“Salute sayo Tatay! Nakakamangha ang effort at love mo sa anak mo.”

“Napakaganda ng bag, makikita mong madiskarte at may talento sa paghahabi ang Tatay niya.”

Credit: Fathering Leadership

Isang patunay ang ama ni Ny Keng na hindi hadlang ang kahirapan upang maipakita ang pagmamahal. Ang pagmamahal ng isang magulang ay kayang gumawa ng maraming paraan upang maibigay ang pangangailangan ng anak at mapasaya ito.

Isang inspirasyon sa lahat ng magulang ang bag na gawang pagmamahal na ito. Hindi mo kailangan gumastos ng malaki bastat mayroong magandang intensyon at may kasamang pagmamahal ay mas mahal pa ito sa mamahaling bagay.

Leave a Reply