Security Guard, Inabutan ng Isandaan ang Estudyante Pambili ng Ulam

Ang makatagpo ng taong may mabuting loob ay isang bagay na bihira lang maranasan. Hindi lahat ng tao ay may pagkukusang mag-abot ng pera sa isang tao na hindi naman niya kilala. Kaya naman isang security guard ang hinangaan ng marami matapos niyang magbigay isandaang piso sa isang estudyante na walang pambili ng ulam.

Pagbabahagi ni John Boy Zapico Saldivia na isang criminology student, pumunta umano siya sa isang remittance center para kumuha ng pera na hiniram niya lang sa kanyang kaibigan. Ngunit sa kasawiang palad ay hindi niya na ito naabutang bukas kaya naman hindi niya na nakuha ang perang inaasahan sana.

Credit: Google / Philippine News

Dito niya na nga nakilala ang mabuting security guard ng Palawan Pawnshop sa Aklan. Sinabihan kasi siya nito na bumalik na lamang siya kinabukasan ng maaga para maabutan niya ng bukas ang remittance center at maaari niya ng makuha ang pera na kukunin. Ngunit bago siya umalis ay nakipag-kuwentuhan muna siya rito at nalaman nga nitong ang pera sanang kukunin ay ipambibili nila ng ulam ng kanyang pamilya.

“Naku, paano mamaya ang pang ulam mo? May bigas ka pa naman na lutuin mamaya?,” pag-aalalang tanong daw ng security guard sa kanya.

Tugon naman niya, “Okay lang po Sir, isang gabi lang naman.”

Credit: Facebook / John Boy Zapico Zaldivia

Ikinagulat umano niya ng bigla na lamang siya nito abutan ng 100 pesos. Hindi niya daw inaasahan na maaawa ito sa kanya at bigla na lamang siyang bibigyan ng pera pambili ng ulam ng kanilang pamilya. Hindi niya raw ito tinanggap agad at tinanggihan nga dahil nahiya rin siya.

Bilang isang estudyanteng mulat sa kahirapan at pangalawa sa siyam na magkakapatid, alam daw ni John na mahirap ang buhay ngayon at hindi madali para sa isang simpleng security guard ang mag-abot ng pera lalo na sa katulad niyang estranghero lang naman kung maituturing.

“Ayaw ko sanang tanggapin kaso naalala ko na minsan lang ang taong ganyan ang concern sa kapwa. Tinanggap ko na lang tsaka masaya siya na inabot sakin yun.”

Credit: Facebook / John Boy Zapico Zaldivia

Lubos ang pasasalamat ni John sa security guard dahil sa kabutihang taglay nito. Simpleng bagay lamang daw kung iisipin ang 100 pesos ngunit malaking bagay na ito para kay John para mairaos ang isang gabing ulam nila. Kung tutuusin daw ay sanay naman na siyang walang laman ang tiyan at idinadaan na lamang ito sa pagtulog.

“Siguro yun naawa siya sakin. Sanay kasi ako na pag wala ako pambili ng pagkain o bigas, natutulog na lang ako sa gabi kaya medyo di na yun sakin bago,” saad ni John.

Payo naman ng security guard ay ibalik na lamang daw ni John ang 100 pesos pag dumating ang panahon na magtagumpay na siya. Kung saan ay labis ngang ikinatuwa ni John dahil ibig sabihin nito ay nais nitong magtagupay siya sa buhay at hindi na darating ang panahon na itutulog niya na lang ang walang laman na tiyan.

Credit: Google / Novagems

“Iho oh, tanggapin mo to pang hapunan mo mamaya… balik mo na lang sakin yan pag maging succesful ka na.”

Isang magandang halimbawa ang security guard na kahit sino ay may kakayahang tumulong. Wala ito sa klase ng trabaho o sa laki ng sweldo basta’t taos puso ang pagtulong sa kapwa. Magsusumikap daw si John na magtagumpay sa buhay upang maibalik ang kabutihan ng security guard. Hindi lang yun kundi ang makatulong din sa iba kahit sa maliit na paraan dahil na-inspire umano siya sa kabutihan na kanyang natanggap.

Leave a Reply