Marami sa mga OFW ang hirap makapag-ipon dahil halos lahat ng kita ay napupunta lamang sa pamilya. Hindi na rin naiisip ng ilang mga OFW ang mag-ipon basta’t ang importante ay makapagpadala sa Pilipinas at maibigay ang mga pangangailangan ng asawa at mga anak. Ngunit sabi nga nila ‘kung ayaw maraming dahilan, kapag gusto maraming paraan.’
Hinangaan sa social media ang isang OFW matapos nitong ibahagi ang kanyang kwento kung paano siya nakapag-ipon ng mahigit isang milyon. Si Neil Ryan Lorenzo ay katulad ng maraming OFW na nakipagsapalaran sa ibang bansa upang matulungan ang kanyang pamilya, ngunit dahil siya ay naho-homesick ay idinaan niya ito sa bisyo tulad na lang ng paninigarilyo at pagsusugal.

Sa tuwing sumasahod si Neil, ilan sa kanyang kita ay napupunta sa pambili ng kanyang sigarilyo at sumasali rin siya sa sugal. Ito ang kanyang paraan upang mawala ang kanyang pagod at maiwasan ang pangungulila sa kanyang pamilya. Bukod sa bisyo, malakas rin umano siyang kumain at gumagastos rin ng malaki sa pagbili ng maraming pagkain. Ang lahat ng ito ay ginawa niyang paraan upang malabanan ang homesick at stress sa trabaho.
Napagtanto ni Neil isang araw na hindi na maganda ang kanyang ginagawa at kailangan na niya magbago. Bukod diyan ay wala rin siyang ipon dahil bukod sa pagpapadala ay napupunta nga lang sa kanyang mga bisyo. Kaya naman napagdesisyunan niyang itigil ang kanyang paninigarilyo at pagsusugal, maski ang pagda-diet ay ginawa niya na rin.

Gumawa si Neil ng isang alkansya at doon siya nagsimulang mag-ipon. Kada sahod ay hinuhulugan niya ito ng paunti-unti at ang perang inilalalan para sa kanyang mga bisyo noon, ay sa alkanya na niya na dinideretso. Sa una ay mahirap para kay Neil na itigil ang kanyang bisyo, halos 21 years rin umano siyang nagsisigarilyo at aminadong naadik rin sa pagsusugal, maski ang pagda-diet ay hindi rin naging madali sa kanya. Ngunit dahil sa kanyang disiplina at determinasyon na magbago at makapag-ipon ay hindi siya nabigo.
Makalipas ang halos tatlo’t kalahating taon ay binuksan na nga ni Neil ang kanyang alkansya at laking gulat niya ng bilangin ito, dahil umabot na pala ang kanyang ipon ng mahigit isang milyon. Hindi siya makapaniwala sa magandang resulta ng kanyang pagtigil sa bisyo at lubos ang kanyang kasiyahan dahil sa laki ng kanyang naipon.

Bukod sa kanyang perang naipon, isang magandang resulta rin ng kanyang pag-iipon ay ang kanyang kalusugan. Dahil sa paghinto niya sa paninigarilyo at pagsususgal lumaki ang tyansang hindi siya magkasakit at mas naging malakas pa siya. Naging maganda rin ang resulta ng kanyang pagda-diet dahil ang dating timbang na 85 kls ay nasa 75 kls na lamang siya ngayon.
Ibinahagi rin ni Neil na hindi magiging posible ang kanyang pag-iipon at pagbabago kung hindi dahil sa inspirasyon na kanyang nakuha sa Facebook page na “Peso Sense”. Naging malaking tulong daw umano sa kanya ang page na ito na mabigyan siya ng lakas ng loob na magbago at magkaroon ng motibasyon na mag-ipon.

Dahil sa kanyang naipon, malaki ang naitulog niya sa kanyang pamilya at nakapagpundar rin siya ng bahay, motor at marami pang iba. Sinigurado ni Neil na sa magandang bagay mapupunta ang kanyang pinaghirapan at hindi ito masasayang.
Sa pagbabalik ni Neil sa bansa, magbabahagi umano siya ng tulong sa kanyang kapwa Pilipino bilang pasasalamat sa mga biyayang kanyang natanggap. Magdo-donate umano siya sa mga simbahan at mag-iikot-ikot para magbigay ng regalo sa mga pulubi at iba pang mga nangangailangan.

Tunay na isang magandang halimbawa si Neil hindi lang para sa mga OFW kundi sa lahat na basta’t may disiplina at determinasyon ay posible ang pagbabago at pag-iipon. Huwag isipin na pagdadamot sa sarili ang pag-iipon at paghinto sa bisyo, kundi ituring itong paghahanda para sa kinabukasan at magandang pagbabago sa buhay.