May-ari ng Mang Inasal, Nagsumikap at Nagtagumpay sa Negosyo Kahit College Dropout

Ang edukasyon ay isang importanteng bagay para sa marami. Maraming naghahangad at nagsusumikap na makapagtapos ng kolehiyo dahil isa ito sa magiging daan upang magkaroon ng magandang trabaho. Ngunit pinatunayan ng may-ari ng sikat na kainan na ito na maaari ka ring magtagumpay kahit hindi nakapagtapos ng kolehiyo.

Ang business owner na si Edgar Injap Sia II ang may-ari ng sikat na kainan na Mang Inasal. Siya lang naman ay napasama sa Top 40 Richest Pinoys sa listahan ng Forbes. Isa itong malaking karangalan lalo na at nagsimula pala sa ibaba si Edgar bago pa naging isa sa pinakamayamang Pinoy sa bansa.

Credit: Project Lupad

Sino ang mag-aakala na isa pala siyang college drop-out at hindi nakapagtapos ng degree nooong siya ay nasa kolehiyo. Hindi tinapos ni Edgar ang kanyang kursong Architecture dahil wala sa kanyang puso ang pagiging arkitekto. Hindi umano siya masaya sa landas na kanyang tinatahak kung kaya’t gumawa siya ng isang malaking desisyon sa kanyang buhay.

Napag-desisyunan ni Edgar na huminto sa pag-aaaral at sumugal sa pagnenegosyo. Taong 2003 ng lakas-loob niyang sinimulan ang pagnenegosyo ng isang kaninan. Ang sikat na Filipino barbecue chain na Mang Inasal ay kanyang sinimulan sa pag-asang lumago ito at tangkilikin ng maraming Pilipino.

Credit: Generation T

Ang kanyang unang pwesto ng Mang Inasal ay itinayo sa Robinson’s Mall carpark sa Iloilo na tatlong taon na noong walang pumupwesto. Ang pwestong ito ay hindi magandang pwesto para sa mga negosyante lalo na at hindi naman matao ang lugar na ito. Ngunit pinatunayan ni Edgar na wala sa lugar ang tagumpay ng isang negosyo dahil agad na napansin ng mga tao ang Mang Inasal at tinangkilik ito.

Hindi naging hadlang ang pwesto ng kanyang unang branch ng Mang Inasal dahil ang masarap nilang putahe ang totoong rason kung bakit sila tinagkilik at binalik-balikan ng mga Pinoy. Ang masarap nilang chicken barbecue ang isa sa mga dahilan ng kanilang tagumpay.

Credit: Philippine Primer

Subalit bago nakamit ang rurok ng tagumpay at hirangin na isa sa mga pinakamayaman sa bansa ay dumaan muna sa maraming pagsubok si Edgar at ang kanyang Mang Inasal. Dahil bago palang sa industriya ng pagnenegosyo ay hindi pa gaanong kilala noon ang Mang Inasal. Nahirapan umano si Edgar na makahanp ng mga supplier dahil walang gusto magtiwala sa bagong tayong negosyo.

Kaya naman ang kanyang mga naging supplier ay nakuha niya sa isang local wet market at mga kooperatiba sa Iloilo. Sila ang unang nagtiwala sa Mang Inasal at naging malaking parte rin ng kung ano na ito ngayon.

Dahil sa tagumpay ng Mang Inasal na mayroon na ngayong mahigit 500 na branches sa buong bansa, hindi nakakapagtaka na maituring ito na isa sa pinakamatagumpay na restaurant. Nakapagbigay na rin ito ng ilang libong trabaho sa mga Pinoy na malaking tulong para sa kanila at sa ekonomiya ng bansa.

Credit: Octopus Philippines

Bukod diyan ay maging ang Jollibee Food Corporation ay nagpasya ring bumili ng 70% ng kumpanya sa halagang 3 bilyong piso noong taong 2010, kaya’t hindi na talaga mapipigilan pa ang tagumpay na mayroon ang Mang Inasal ngayon. Sa paglipas ng maraming taon, mas lalo pa itong sumikat sa masa, dahil na rin sa sikat nilang promo na “unli rice”.

Ngunit alam nyo bang ang unli rice ng Mang Inasal ay dapat tatagal lamang ng dalawang buwan? Noong dumating ang krisis noong taong 2006 at nagkaroon ng kakulangan ng supply sa bigas ang bansa, nagkaroon ng promo ang Mang Inasal na unli rice upang makapaghikayat ng mga tao na kumain sa kanila. Ang promo na ito ay umani ng maraming customer at isa rin sa mga naging dahilan ng mas lalo pa nilang pagsikat kaya’t hanggang sa ngayon ay mayroon pa ring unli rice ang Mang Inasal.

Credit: Bilyonaryo

Ayon kay Edgar, naging malaking bahagi ang Mang Inasal sa kanyang buhay. Natutunan niyang sundin ang likas na ugali at nararamdaman na naging dahilan kung ano na siya ngayon. Pagdating sa pagnenegosyo importante ang pag-take risk, pagiging madiskarte, pakikisama at pag-udyok sa sarili na maging magaling at gawin ang lahat sa isang bagay.

Isang inspirasyon si Edgar sa lahat ng taong nangangarap na maging matagumpay na negosyante. Patunay rin siya na posible ring magtagumpay kahit walang natapos na degree, basta’t may pagsusumikap sa buhay at mahal ang bagay na ginagawa. Ang isang bagay na ginagawa ng may kagustuhan at pagmamahal ay isa rin sa mga dahilan ng tagumpay ng isang tao, hindi lamang sa estado ng pinag-aralan.

Leave a Reply