Mister Nagsakripisyo, Sumailalim ng Vasectomy Para sa Pinakamamahal na Asawa

Isang mister mula sa Silang, Cavite ang gumawa ng isang kahanga-hangang desisyon sa kanyang buhay para sa kanyang minamahal na asawa. Napag-desisyunan lang naman niya na sumailalalim sa vasectomy, isang proseso kung saan hindi na muling magkakaroon ng kakayahan na magkaanak ang isang lalaki.

Matapang na sumailalim si Emmanuel Andig Cortez sa vasectomy para sa kanyang asawa na si Marifel Intia Norodin-Cortez. Ayon kay Emmanuel, isa daw sa pinakamahirap na desisyon na ginawa niya sa kanyang buhay ay ang magpa-vasectomy, ngunit ito rin daw ang pinaka-‘best’ na desisyon na ginawa niya sabi ng kanyang asawa.

Credit: Facebook / Emmanuel Andig Cortez

Nagsimula ang lahat noong napagdesisyunan ng kanyang asawa na magpa-ligate, isang proseso naman kung saan ang babae ang ooperahan upang hindi na magdalang-tao. Madalas itong ginagawa ng mga misis bilang bahagi ng family planning, upang maiwsan ang magkaroon ng maraming anak para hindi mahirapan na itaguyod ang pamilya kalaunan.

Buwan ng June nang magsimula silang maghanap ng kanyang asawa ng mga clinic kung saan pwedeng magpa-ligate. Dumaan umano sila sa orientation at ipinaliwanag ang gagawin sa kanyang asawa, dito pa lamang ay siya na ang kinakabahan para sa mararanasan ng kanyang asawa. Nabigyan na umano sila ng schedule ngunit umatras ang kanyang asawa dahil kailangan pala umano nitong ma-confine dahil sa pagdadaanang anesthesia.

Credit: Facebook / Emmanuel Andig Cortez

Ayon kay Emmanuel maaaring ito ay ‘God’s will’ dahil habang nasa orientation sila nabanggit ang vasectomy. Bukod umano sa ligation ay may iba pang paraan para sa family planning. Gusto umano ni Emmanuel na siya naman ang magsakripisyo para sa kanyang asawa dahil sobra na ang mga nagawa nito para sa kanya at sa kanyang pamilya. Mayroon na umano silang tatlong anak kaya’t hindi niya na kayang dumaan pa ito sa isa na namang operasyo para lang sa family planning na kaya niya rin namang gawin.

Sa una raw ay may hesitasyon siya dahil natatakot siyang operahan ang kanyang ari, hindi daw pumasok sa isip niya na dadating siya sa puntong iyon dahil ang alam niya lang ay tanging tuli lang ang pagdadaanan ng kanyang ari. Ngunit sa tulong ng maayos na pagpapaliwanag ay naliwanagan ang kanyanag isipan na humantong sa kanyang desisyon na magpa-vasectomy.

Credit: Facebook / Emmanuel Andig Cortez

Isinikreto niya ito sa kanyang misis, ang buong akala nito ay hindi niya ikinokonsidera ang vasectomy kaya’t nasa isip pa rin nito ang ligation. “Buong akala ng asawa ko hindi ko kino-consider ang vasectomy, hindi niya alam iniisip ko na ako naman ang magsasakripisyo instead siya, hindi ko rin sinasabi sa kanya at baka kulitin ako ng kulitin, alam mo naman ang mga misis paulit-ulit na nga, ang kulit pa.”

Dumating ang araw ng ligation ng kanyang misis, nakita agad ni Emmanuel ang mahabang pila ng mga misis para sa ligation ngunit walang sino mang nakapilang lalaki o mister para sa vasectomy. Halatang kinakabahan na umano ang asawa niya, dito niya napagtanto na sobra-sobra ang mga sakripisyo ng mga babae at mga misis. Bukod sa kanilang buwanang dalaw ay kailangan pa nilang magdalang-tao at manganak ng ilang beses at nalolosyang pa umano, kaya bakit hindi naman ang mga lalaki ang magsakripisyo dahil kung tutuusin ay maliit na bagay lamang ito para sa lahat ng sakripisyo ng mga misis.

Credit: Facebook / Emmanuel Andig Cortez

Lumapit si Emmanuel sa health worker at sinabing gusto niyang magpa-vasectomy. Gulat at tuwa ang naging reaksyon ng health worker sa kanyang sinabi at pakiramdam niya raw ay ang gwapo niya ng panahon na iyon dahil sa sakripisyong kanyang gagawin. Syempre mas nagulat ang kanyang asawa sa kanyang desisyon dahil hindi nila ito napag-usapan at ang plano ay ito ang magpapa-ligate.

Dumaan umano siya sa 30 minutes assessment at hindi maiwasang makaramdam ng takot, pakiramdam niya daw ay hinatid siya ng kanyang nanay para magpatuli. Hindi niya inaasahang mabilis lamang ang proseso ng vasectomy kung saan ay umabot lamang ito ng 15 minutes, halos wala umano siyang naramdaman ng panahon na iyon, kung tutuusin daw ay mas masakit pa ang maipitan ng ari sa zipper ng pantalon.

Credit: Facebook / Emmanuel Andig Cortez

Tama umano ang kanyang naging desisyon, hindi naman pala ito mahirap katulad ng sinsabi ng iba. Ang pagpapa-vasectomy ay hindi nakakabawas ng pagkalalaki, bagkus nakadagdag pa. Hindi umano totoo na puputulin ang ari, may pinutol lamang na daanan ng sperm upang hindi na ito makapagpatuloy at magsanhi ng pagbubuntis ng isang babae. Lumabas umano si Emmanuel na parang walang nangyari, at sinalubong siya ng pagbati ng mga misis na nakapila para sa ligation. Masayang-masaya umano ang mga ito na makakita ng lalaki na may lakas ng loob na magpa-vasectomy.

“Pero hindi po lakas ng loob ang baon ko kundi pagmamahal sa asawa ko. Masaya ako na mag-sacrifice. Ngayon, ‘di na namin makita yung sugat, nawala ng parang bula. Kaninang umaga tumigas siya so ‘di totoo ang sabi-sabi na ‘di na mag e-erect.”

Credit: Facebook / Emmanuel Andig Cortez

Ang post na ito ni Emmanuel ay hindi lang para ipagmalaki ang kanyang sakripisyo para sa kanyang asawa, kundi upang magbigay halimbawa at inspirasyon para sa lahat ng mga mister na hindi kabawasan ang pagsasakripisyo sa pagkalalaki. Bilang isang mister, isipin umano na ang pinakamahalagang regalo na ibinigay ng mga misis ay ang mga anak.

“Let’s make a change mga dre. Let’s step forward, alisin natin ang stigma na kailangan babae lang ang magsasakripisyo, from pregnancy to giving birth tapos hanggang family planning sila pa rin? Tayo naman. Matapang tayo sa maraming bagay sana kasama rin dito ang katapangan tanggapin ang sakripisyo para sa ating mga mahal na asawa. Tayo naman ang mag-adjust para sa pamlya natin. Huwag matakot gasino lang ito kapatid sa mga pinagdaanan ng mga asawa natin.”

Credit: Facebook / Marifel Intia Norodin-Cortez

Nagbigay rin ng payo si Emmanuel na kung permanenteng contraceptive ang hanap, mas mabuting piliin ang vasectomy kaysa sa ligation. Sa mga interesado umano, pumunta lamang sa mga private hospitals at mag-inquire, meron rin umano sa public hospitals at icheck na lamang.

Talaga namang kahanga-hanga ang sakripisyong ginawa ni Emmanuel para sa kanyang asawa at pamilya. Isa siyang patunay na hindi nasusukat sa kakayahan na magkaanak ang pagkalalaki ng isang mister. Minsan and desisyon na maging responsable sa pagpa-pamilya ay mas higit pa. Ang pagmamahal at pagsasakripisyo para sa asawa ay hindi kabawasan kundi malaking puntos sa pagkalalaki ng isang tao.

Leave a Reply