Tinderong Naglalako ng Meryenda sa Kalsada, Nagsauli ng Pitakang Naglalaman ng 10k

Sa kabila ng hirap ng buhay ngayon, lalo na ng dumating ang pandemya ay hindi pa rin nawawala ang kabutihang loob ng mga tao. Kahit mahirap ang buhay ay mas pinipili pa rin na maging mabuti, katulad na lamang ng tinderong ito na hinangaan ng netizens dahil sa kanyang katapatan.

Nag-viral sa social media ang katapatan na ginawa ng isang tindero nang isauli nito ang kanyang napulot na pitaka na naglalaman ng pera. Nakilala ang matapat na tindero na si Mang Jojo Tiamzon. Napulot niya ang pitaka na naglalaman ng sampung libong piso at mga ID habang siya ay naglalako ng kanyang paninda sa kalsada.

Credit: Facebook / Angelika dela Cruz

Simpleng tindero lamang si Mang Jojo ng meryenda at masikap na naglalako tuwing hapon ng kanyang paninda upang kumita. Sa araw-araw ay ibat-ibang meryenda ang kanyang tinitinda katulad ng ice cream, donut at marami pang iba. Kahit matanda na at may panganib na dala ng pandemya ay matiyaga pa rin siyang naglalakad at naglalako ng kanyang paninda sa ibat-ibang lugar at umaasang mauubos ang paninda niya at may maiuwi sa kanyang pamilya.

Hindi alintana ni Mang Jojo ang panganib na dala ng Covid-19 dahil mas importante sa kanya ang makapaghanapbuhay upang masuportahan ang kanyang pamilya. Umaraw man o umulan ay patuloy pa rin siya sa pagtitinda dala ang may kabigatan na container ng kanyang paninda.

Credit: Tornadough Alli

Nagkataon na habang siya ay naglalako sa daan ay napansin niya ang isang pitaka sa daan at pinulot ito. Laking gulat niya ng makita na naglalaman itong mga perang papel na umabot ng mahigit sampung libo. Ngunit imbes na masilaw siya sa halaga ng kanyang napulot na pera ay hindi siya nagka-interes dito.

Agad na pumunta sa pinakamalapit na Barangay si Mang Jojo at inireport ang napulot na pitaka na may lamang pera. Sa tulong ng mga ID na nasa pitaka ay nakilala at natunton ang may-ari nito na si Jose Pacho. Laking pasasalamat ni Jose kay Mang Jojo dahil sa katapatan nito at kabutihang loob na isauli ang kanyang pera.

Para kay Jose, nawalan na siya ng pag-asa na makita pang muli ang kanyang pitaka na may lamang pera dahil sa panahon ngayon, kahit sino ay magkakaroon ng interes na kunin ito lalo na kung wala namang nakakita. Kaya naman labis ang kanyang paghanga para kay Mang Jojo dahil hindi ito natukso at piniling gawin ang tama. Hindi daw lahat ng tao ay may taglay na katapatan.

Credit: Facebook / Angelika dela Cruz

Hindi rin napigilan ng netizens na magbigay ng reaksyon at papuri para kay Mang Jojo dahil sa katapatan nito:

“God bless you, Mang Jojo. Pagpalain ka ng ating Maykapal. I salute you.”

“Kung sino pa ang mahirap siya pang may mabuting puso.”

“Bravo! Ang bait naman at honest pa. Ang Panginoon na ang bahala sa’yo.”

“Mabuhay ka, Mang Jojo. Napakabuti mo sana marami pang maging katulad mo.”

Credit: Facebook / Angelika dela Cruz

Panawagan naman ng isang concern citizen na nakakilala kay Mang Jojo ay sana mabigyan ito ng tulong. Sana daw kapag nakita nila si Mang Jojo sa daan na naglalako ng meryenda ay bumili sila kahit isa. Ang simpleng pagbili sa kanya ng paninda nitong meryenda ay malaki ng bagay para rito.

Nakakatuwang isipin na sa kabila ng hirap ng buhay ay may mga tao pa rin na nanatiling makatao. Nagtatrabaho ng marangal at may taglay pang katapatan. Maswerte tayo na magkaroon ng mga taong katulad ni Mang Jojo sa lipunan dahil isa sila sa nagbibigay pag-asa at inspirasyon sa mundo.

Ipinakita lamang ni Mang Jojo na ang kahirapan ng buhay ay hindi dahilan para manlamang ng kapwa. Laging piliin ang tama at huwag magpatukso sa alam na mali. Hindi kailanman naging mabuti ang pag-angkin sa bagay na hindi mo pinaghirapan kaya’t nararapat na maging matapat ano man ang mangyari.

Leave a Reply