“Ahjin”, Ang Hero Dog na Hindi Iniwan ang mga Amo sa Nasusunog na Bahay

‘Man’s bestfriend’, yan ang turing sa mga aso dahil sa taglay nilang kabaitan, pagkamalambing at pagiging matapat sa kanilang mga amo. Hindi lang sila basta kaibigan kung ituring kundi higit pa sa pamilya na kasama sa lahat ng bagay, maski nga sa pagtulog. Sa oras ng kalungkutan at kapahamakan ay palagi silang nariyan dahil sa pagiging mapagmahal at matapat nila.

Isa nga sa nagpatunay ng pagiging mapagmahal at matapat ng mga aso ay ang husky na si Ahjin matapos nitong sumuong sa nasusunog na bahay ng kanyang amo para lang iligtas ito. Ang asong si Ahjin ay hindi nagdalawang isip at buong tapang na sumunod sa kanyang “Daddy Amo” na si Ronnie Balingbing Madredeo upang iligtas ang asawa nitong si Roan na naiwan sa kwarto.

Credit: Facebook / Rhona MadredeoMelicotones

December 18, 2021 nang aksidenteng sumabog ang LPG sa tahanan ng mag-asawang Madredeo. Kahit injured si Ronnie ay pinilit pa rin nitong puntahan ang kanyang asawa na naiwan sa itaas ng kanilang bahay, sumunod sa kanya ang kanyang aso na si Ahjin nang walang pagdadalawang-isip. Hindi makalabas si Roan dahil masyadong mainit ang sliding door kaya hindi niya ito mahawakan at mabuksan. Ang asong si Ahjin ang tumulong sa kanyang Mommy Roan upang mabuksan ang mainit sliding door, ginamit ni Ahjin ang kanyang ilong upang mabuksan ang mainit na sliding door na nagsanhi ng pagkakaroon niya ng sugat.

Credit: Facebook / Rhona MadredeoMelicotones

Hindi kaagad nakalabas ang asong si Ahjin ng bahay dahil sa kanyang takot sa sunog, siya ay nagtago sa sulok at nakalanghap ng maraming usok. Iniinda niya rin ang natamong sunog sa kanyang ilong. Maski ang kanyang mata ay nagkaroon din ng sugat. Naging manipis rin ang kanyang balahibo dahil medyo natamaan rin ito ng apoy.

Credit: Facebook / Rhona MadredeoMelicotones

Sa kasawiang palad, ang kanyang Daddy Amo na si Ronnie ay pumanaw dahil sa natamo nitong 90% o 3rd degree burn. Nadala pa sa ospital si Ronnie at nalapatan ng lunas ngunit makalipas ang limang araw, December 23, 2021 ay hindi na nito kinaya at tuluyan ng namaalam. Ligtas naman ang asawa nitong si Roan at maswerteng hidi nagtamo ng malalang injury.

Credit: Facebook / Rhona MadredeoMelicotones

Si Ronnie ay maituturing na dog lover. Kwento ng kanyang kapatid na si Rhona, ang kanyang Kuya daw ay sobrang bait, matulungin at mapagmahal. Kakakasal lamang nito noong August 29, 2021 sa misis na si Roan kaya’t sobrang sakit para sa kanilang pamilya ang biglaang pagkawala nito. Mahal na mahal umano ni Ronnie ang kanyang aso na si Ahjin, kahit abala sa trabaho ay hindi ito nawawalan ng panahon kay Ahjin at kasama pa itong matulog, madalas na laging karga kahit ito’y mabigat at sinamahan pa sa labor si Ahjin noong manganganak ito.

Credit: Facebook / Rhona MadredeoMelicotones

Bukod sa natamong sugat ni Ahjin sa kanyang ilong at mata, nagkaroon rin ito ng trauma at depression. Labis umano ang kalungkutan ni Ahjin ng mawala ang kanyang Daddy Amo, hindi ito umaalis sa tabi ng kabaong at madalas pa umanong umiiyak. Hindi rin ito kumakain ng maayos at konting tinapay lamang ang kanyang kinakain sa loob ng dalawang linggo.

Credit: Facebook / Rhona MadredeoMelicotones

Lubos ang pag-aalala ni Rhona para sa aso ng kanyang Kuya kaya naman nanawagan na siya ng tulong sa Facebook at ibinahagi ang kwento. Nanawagan siya sa mga netizens at Veterinary doctor na may mabuting puso na matulungan sana sila sa pagpapagamot kay Ahjin. Nasagad na umano sila at wala ng panggastos upang mapagamot ito dahil malaki na ang nagastos nila sa ospital at sa pagpapalibing sa kanyang Kuya. Ayaw umanong pabayaan ni Rhona si Ahjin dahil nangako siya sa kanyang Kuya na aalagaan ito at hindi pababayaan.

Sa kabutihang palad, hindi naman nabigo si Rhona dahil agad na may nagpaabot ng mga tulong. Nakatanggap sila ng vaccine for pain at pampagana kumain mula sa Paranaque Veterinary Services Office. May mga mabubuting netizens rin ang nagbigay ng gamot para sa burn injuries ni Ahjin, mga antibiotics at mga vitamins para dito. May mga nagpadala rin ng pera sa kanya na malaking tulong umano sa recovery food ni Ahjin. Malaki ang pasasalamat ni Rhona sa lahat ng nagpaabot ng tulong at sa mga magpapaabot pa ng tulong para kay Ahjin.

Credit: Facebook / Rhona MadredeoMelicotones

Hindi naman napigilan ng mga netizens ang malungkot at maiyak sa kwento ni Ahjin at ng kanyang Daddy Amo. Ang post ni Rhona sa Facebook ay umabot na ng 8k reactions at 1.5k comments na nagpapabot ng pakikiramay para sa Madredeo family at papuri naman para sa katapangan na ipinakita ni Ahjin.

“She’s indeed a brave doggie, I hope our prayers will also help her recover.”

“Sana po may tumulong na vet kay Ahjin. Laban lang doggie, sana maging ok ka na.

“Salute hero dog! Get well soon wishing for you to get better.”

“Condolence to your family, hoping for the fast recovery of Ahjin.”

“Our deepest condolences, sorry for your loss.”

Credit: Facebook / Rhona MadredeoMelicotones

Tunay na kamangha-mangha ang ipinakitang katapangan ni Ahjin, hindi matatawaran ang kanyang pagmamahal sa kanyang amo. Nakakalungkot na nawala na ang kanyang Daddy Amo ngunit naging malaking tulong naman siya sa pagligtas ng kanyang Mommy Roan. Hindi malilimutan ang kanyang kabayanihan, nawa ay gumaling agad siya at bumalik ang kanyang dating sigla.

Isa lamang ang asong si Ahjin sa maraming aso na nagpakita ng lubos na pagmamahal at katapatan sa kanilang mga amo. Patunay lamang ito na ang mga hayop katulad ng aso ay kayang magbalik ng kabutihan at handang ibuwis ang kanilang buhay sa mga taong mabuti rin sa kanila.

Leave a Reply