Lolong Na-Stroke, Patuloy Pa Rin sa Paglalako ng Isda Kahit Hirap na sa Paglalakad

Ang pagkakaroon ng karamdaman ay isa sa pinakamahirap na pagsubok sa buhay ng tao. Ang pagkakasakit ay nakakaapekto sa araw-araw na pagkilos lalo na kung ikaw ay naghahanapbuhay at inaasahan ng pamilya. Ngunit isang matanda ang kinaawaan at hinangaan ng mga netizens dahil patuloy pa rin ito sa paghahanapbuhay kahit hirap na sa paglalakad.

Nag-viral ang post ng isang concerned citizen mataos niyang ibahagi sa Facebook ang mga larawan at video ng isang matanda na hirap sa paglalakad habang naglalako ng mga isda. Ayon kay Carl Henry Roldan, naawa umano siya sa matandang naglalako dahil halatang hirap na hirap ito sa paglalakad ngunit patuloy pa rin at hindi sumusuko makapagtinda lamang.

Credit: Carl Henry Roldan

Nakilala ang matanda na si Tatay Roberto mula sa Barangay Gumaoc, San Jose Del Monte, Bulacan. Siya ay na-stroke at hindi pa tuluyang magaling kaya’t hirap pa rin siyang maglakad. Kahit hindi pa tuluyang maayos ang kanyang kalagayan ay pinilit niya pa ring maghanapbuhay sa pamamagitan ng paglalako ng isda kahit mahirap ito para sa kanya.

Masikap na naglalako si Tatay Roberto sa kanilang barangay ng mga paninda niyang isda na nakalagay sa dalawang mabibigat na balde. Pinapasan niya ito habang naglalako at ibinebenta sa mga tao. Bukod sa kanyang sakit ay hindi rin iniinda ni Tatay Roberto ang dalang peligro ng pandemya. Ang importante para sa kanya ay makapaglako at makabenta ng mga isda upang may maiuwi siya sa kanyang pamilya.

Credit: Facebook / Carl Henry Roldan

Ayon din sa isang concerned citizen na nakakakila kay Tatay Roberto, ang pinakadahilan ni Tatay kung bakit nagsusumikap itong maglako kahit hirap maglakad ay para sa kanyang apo. Pinabayaan umano ng anak ni Tatay ang kanyang apo kaya’t napilitan siyang maghanapbuhay upang may maipangtustos dito.

“Kaya po siya nagtitinda para po sa apo niya. May anak po yan si Tatay, yung anak po niya pinabayaan siya kasama ng apo. Si Tatay po ang nag-aalaga ng apo niya kaya kahit hirap si Tatay, nagtitinda po talaga siya ng isda para sa apo niya,” pahayag ni Monique Casey.

Credit: Facebook / Carl Henry Roldan

Dagdag pa ni Monique, gabi pa lang umano ay bumabiyahe na si Tatay Roberto papuntang Novaliches upang mamili ng mga isda na kanyang ibebenta kinabukasan. Araw-araw niya umano itong ginagawa para sa kanyang apo na 2-3 anyos pa lamang.

“10 or 11 pm po yan siya namimili ng mga isda sa Bayan, Novaliches. Araw-araw po niya yan ginagawa para daw po sa apo niya.”

Credit: Facebook / Carl Henry Roldan

Dahil bata pa lamang ang apo ni Tatay Roberto, mas marami pa itong kailangan tulad ng diaper at gatas kaya hindi siya pwedeng tumigil sa paghahanapbuhay dahil kawawa ang kanyang apo kung wala siyang kikitain. Kahit matanda na siya, hirap sa paglalakad at may pandemya, lahat ng ito ay hindi niya alintana para lang sa pinakamamahal niyang apo. Handa siyang magtiis at magsakripisyo upang mabigay lamang ang pangangailangan nito at magkaroon ng maayos na buhay.

Panawagan naman ni Carl Henry Roldan sa kanyang post ay sana sa mga netizens na makakakita sa kay Tatay Roberto ay bumili sa kanyang panindang isda kahit magkano. Bilang tulong na rin kay Tatay at sa kanyang apo upang mabilis itong maubos at makapagpahinga na si Tatay agad.

Credit: Facebook / Carl Henry Roldan

“Mga kaibigan, kakilala na taga-F Homes 1, baka makita nyo si Tatay. Bili nman kayo ng isda niya kahit magkano lang. Maliit na bagay pero malaking tulong sa kanya. Salamat!”

Maliban sa awa, hinangaan rin ng mga netizens si Tatay Roberto dahil sa taglay niyang pagmamahal para sa kanyang apo. Nakakatuwa umano ang pagsusumikap nitong magtrabaho kahit mahirap ang kalagayan dahil sa edad at pagka-stroke nito. Tunay na matatag at kayang magsakripisyo para lang sa minamahal na apo kaya’t hindi nagpapadala sa pagsubok ng buhay.

Credit: Facebook / Carl Henry Roldan

“God bless po sayo, Tatay. May awa po ang Diyos hindi ka niya pababayaan pati ang apo nyo.”

“Mag-ingat po kayo palagi, sana po laging maubos ung paninda nyong mga isda. Nakakabilib po ang pagsisikap nyo sa buhay kahit may sakit kayo lumalaban pa rin.”

“Isa sa magandang ugali ng Pinoy kahit hirap na tuloy pa rin sa buhay. Good job sayo Tatay, wag ka pong sususko. Sana maraming tumulong sayo.”

Isang inspirasyon si Tatay Roberto na ano mang pagsubok sa buhay basta’t para sa mahal ay kakayanin. Ang pagmamahal ng isang lolo sa kanyang apo ay walang katumbas na anumang bagay. Handang magsakripisyo at maghirap dahil iyon ang patunay ng kanyang pagmamahal.

Leave a Reply