Lolong Naninirahan sa Tambakan Ng Basura, Tinulungan ng Isang Abogado

Ang pagkakaroon ng maayos na tahanan ay isa sa pinaka-importanteng bagay na dapat mayroon ang isang tao. Ang tahanan ay dapat nasa maayos na lugar dahil nakasalalay ang kaligtasan ng taong nakatira dito. Ngunit paano kung ang tahanan mo ay nasa tambakan ng basura, kakayanin mo kaya?

Si Tatay Baldo ay isang lolo na nakatira sa tambak ng basura sa eskinita ng Barangay Biluso sa Silang, Cavite. Sa unang tingin ay hindi mo aakalain na mayroon palang maliit na tirahan sa tambak ng basura at may nakatira pala.

Credit: Facebook / Atty. Kevin Amutan Anarna

Natagpuan ni Atty. Kevin Anarna si Tatay Baldo sa tambak ng basura na lubos niyang ikinagulat. Hindi niya akalain na may isang tao palang kayang manirahan sa lugar kasama ang mga tambak ng basura. Ang tahanan ni Tatay Baldo ay gawa sa tagpi-tagping kahoy na napakaliit kaya’t hindi mo talaga ito mapapansin agad.

Tila bundok ng basura ang itsura ng maliit na tahanan ni tatay Baldo. Naawa si Atty. Kevin sa kalagayan ng matanda kaya’t hindi niya napigilan na magkaroon ng kurot sa kanyang puso. Delikado umano ang tinitirhan ni tatay Baldo dahil una sa lahat hindi mabuti sa kalusugan ang tumira sa tambak ng basura, pangalawa ay mayroon ring kumakalat na sakit at maari ring masangkot si tatay sa aksidenteng kalsada dahil sa pwesto ng kanyang maliit na tahanan.

Credit: Facebook / Atty. Kevin Amutan Anarna

Paglalahad ni Atty. Kevin, napakaliit daw talaga ng tirahan ni Tatay Baldo na hindi na ito magkasya sa loob at parang bahay-bahayan lamang ito ng mga bata. Nakabaluktot lamang ang matanda sa tuwing nasa loob siya ng tirahan dahil kalahati lamang ng katawan nito ang kasya sa loob ng tirahan sa tambak ng basura.

Ayon kay Atty. Kevin, mahiyain at tahimik lang umano si Tatay Baldo at napag-alaman niyang taga San Pablo, Laguna pala ito. Sa kagustuhang matulungan si Tatay Baldo, nakipag-ugnayan siya sa lokal na pamahalaan upang hanapin ang pamilya nito. Bukod dyan ay tinulungan niya rin itong makalipat sa mas maayos na tirahan at malayo sa tambak ng basura.

Credit: Facebook / Atty. Kevin Amutan Anarna

Nais umanong matulungan ni Atty. Kevin si Tatay Baldo dahil mayroon rin siyang lolo. At bilang isang abogado, naramdaman niya ang tawag ng tungkulin na tumulong sa kanyang kapwa. Naniniwala si Atty. Kevin na ang bawat tao, mahirap man o mayaman, ay nararapat na magkaroon ng maayos na tahanan.

Kalaunan ay natulungan na ni Atty. Kevin si Tatay Baldo na magkaroon ng maayos ng tirahan, mayroon itong maayos na kama, kusina ay may palikuran. Hindi na kailangan magtiis ni Tatay Baldo sa kanyang napakaliit na tirahan sa tambak ng basura, dahil sa wakas ay makakatulog na siya ng komportable at hindi baluktod. May maayos na siyang bubong na hindi tagpi-tagpi at mas makakakilos na siya ng maayos.

Credit: Facebook / Atty. Kevin Amutan Anarna

Samantala, natagpuan na rin ang pamilya ni Tatay Baldo kung saan ay napakagandang balita ito para kanila. Agad naman siyang sinundo ng kanyang pamilya at isinama na rin sa kanila. Labis ang tuwa ni Atty. Kevin dahil sa wakas ay nakasama na ni Tatay Baldo ang kanyang pamilya at hindi na ito malulungkot mag-isa.

Malaki naman ang pasasalamat ni Tatay Baldo para sa abogado dahil kung hindi dahil sa kanya ay hindi sya magkakaroon ng pansamantalanag maayos na tahanan at hindi siya matatagpuan ng kanyang pamilya. Ang kabutihan nito ay nagbigay pag-asa at saya sa kanyang buhay.

Credit: Facebook / Atty. Kevin Amutan Anarna

Panawagan naman ni Atty. Kevin para sa lahat ng katulad ni Tatay Baldo na walang matirhan at maayos na tahanan ay bukas umano ang kanyang tanggapan sa pagtulong. Nais niyang makapagbigay ng kasiyahan at pag-asa para sa lahat na nahihirapan, kahit sa simpleng paraan upang makapaglingkod sa bayan.

Isang magandang halimbawa si Atty. Kevin para sa lahat na huwag magpikit-mata sa mga nakikitang nangangailangan ng tulong. Hindi kailangan na malaki ang itulong, kahit ang simpleng malasakit ay malaking bagay na para sa nagangailangan. Matutong magkaroon ng simpatya sa sitwasyon ng iba at umaksyon kung may kakayahan naman.

Leave a Reply