Ama, Labis ang Pag-iyak Nang Manakaw ang Dalawang Buwang Kita Para sa Anak na Maysakit

Nagtatrabaho ng mabuti ang mga magulang upang kumita at may maiuwi para sa kanilang pamilya. Hindi nila alintana ang buong araw na pagod, basta’t ang importante ay maibigay ang pangangailangan ng pamilya at mabayaran ang mga gastusin. Kaya naman nakakalungkot isipin na may mga mapagsamantalang tao na kayang manlamang sa isang magulang na nagsumikap magtrabaho para sa anak.

Si Melvin Dela Cruz ay 24-anyos mula sa Barangay Tuapac, Dagupan City. Siya ay nagtatrabaho sa tailoring shop nang siya ay manakawan ng hindi kilalang suspek. Masipag na nagtatrabaho si Melvin para sa kanilang pamilya, lalong lalo na para sa kanyang anak na may sakit, kaya naman lubos ang kanyang panlulumo nang malaman niyang nawawala ang kanyang perang pinagtrabahuan.

Credit: Facebook / GMA Regional News

Ayon sa kanya, inipon niya umano ng dalawang buwan ang halagang 6,000 pesos upang may pambili siya ng gatas at gamot para sa kanyang anak na may sakit. Napaka-importante daw ng perang ito para sa kanya at para sa kanyang anak, kaya’t hindi niya napigilan ang mapaiyak matapos itong manakaw.

Nilapag umano ni Melvin sa lamesa ng tailoring shop ang bag niya na may lamang pera. Ang suspek umano ay nagpanggap na customer ng tailoring shop kaya’t hindi napag-isipan ni Melvin na masamang tao ito. Habang kinukuha umano ng suspek ang kanyang atensyon sa tulong ng pagpapanggap ay hindi nya na namalayan na nakuha na pala ang kanyang bag na may lamang 6,000 pesos.

Nang umalis ito, tsaka nya lamang napansin na nawawala na ang kanyang pera. Pakiramdam ni Melvin ay gumuho ang kanyang mundo nang malaman na nanakawan siya. Maaaring maliit na halaga lamang ito para sa ilan, ngunit pinagtrabahuan ito ni Melvin ng dalawang buwan kaya’t malaking bagay ito sa kanya.

Credit: Getty Images

Bukod sana sa pambili ito ng gatas at gamot ng kanyang anak, ay ipamibili niya rin sana ito ng gamot para sa kanyang high blood. Kaya’t hindi siya masisisi ng labis ang kanyang pag-iyak sa nanakaw na pera dahil pagod at pawis ang kanyang inilaan para dito.

Nagbigay panawagan naman si Melvin para sa mabubuting netizens na mabigyan siya ng kahit maliit na tulong para may pambili man lang ng gatas at gamot ng anak niya. Kahit magkanong tulong umano ay magiging malaking bagay na sa kanya at sa kanyang pamilya.

Hindi naman napigilan ng mga netizens na magbigay komento ng kanilang galit para sa walang pusong magnanakaw. Nagbigay rin sila ng suportang mensahe para kay Melvin.

Credit: Facebook / GMA Regional News

“Mga walang konsensya! Ang bigat na nga ng problema ng mundo gagawa pa kayo ng kasalanan sa taong nagsusumikap sa buhay. Diyos na lang ang bahala sa inyo.”

“Ang perang kinuha sa masamang paraan ay hindi magtatagal sa kamay. God is watching us in everything we do, karma is real.”

“Sana mahuli ung magnanakaw at maparusahan. Kawawa naman si Kuya hindi na naawa para yun sa anak niyang may sakit. Sana karmahin ka ng malala kung sino ka mang magnanakaw ka.”

“God bless sayo Kuya, may awa ang Diyos hindi ka niya pababayaan at ang anak mo.”

“Kahit ako maiiyak rin pag nanakawan ako, wag kang mag-alala babalik sayo ng doble yang pinaghirapan mo. Ibi-bless ka ni Lord.”

“Magpakatatag ka Kuya para sa anak mo. Makakaipon ka ulit, isispin mo na lang buti at hindi ka napahamak. Ang karma na ang bahala sa walang hiyang magnanakaw na yun.”

Credit: Facebook / GMA Regional News

Ang mawalan ng isang bagay na pinaghirapan ay talaga namang nakakalungkot at nakakapag-paiyak lalo na kung pinaghirapan. Patunay din ang luha ni Melvin kung gaano niya kamahal ang kanyang anak kaya’t labis na lamang ang kanyang pag-iyak. Bilang isang magulang mahirap makitang may sakit ang anak at walang kakayahan na makabili ng gamot agad dahil sa hirap ng buhay, kaya’t nagtatrabaho ng mabuti.

Para naman sa mga masasamang loob, masasabing wala silang pinapalagpas kahit sino pa man ang kanilang nakawan. Nakakalungkot na kahit ang mga mahihirap na nagtatrabaho ng marangal ay kaya nilang lamangan para sa pansariling interes. Kaya marapat lamang na mag-ingat ang lahat upang hindi mabiktima ng mga magnanakaw.

Leave a Reply