8-Year-Old, Tumatayong Magulang sa 4 na Kapatid Nang Maratay ang Ina sa Sakit

Ang pagiging magulang ay isang mahirap na responsibilidad dahil hindi biro ang mag-alaga at magpalaki ng mga anak. Ngunit paano kung sa batang edad pa lang ay napilitan ka ng tumayong magulang para sa iyong mga kapatid, kakayanin mo kaya? Katulad na lamang ng batang ito na kahanga-hangang nagsilbing magulang para sa mga maliliit na kapatid.

Si Jenny Bagobo ay isang walong taong gulang na bata mula Camarines Sur. Sa murang edad ay wala siyang nagawa kundi akuin ang responsibilidad na alagaan ang kanyang mga batang kapatid at asikasuhin ang kanilang tahanan. Nakakabilib na sa musmos niyang katawan ay mayroon na siyang matandang pag-iisip kumpara sa ibang bata na kasing edad niya na ang ginagawa ay pag-aaral at paglalaro.

Credit: Facebook / GMA News

Si Jenny ay panganay sa limang magkakapatid, ang apat niyang kapatid ay maliliit pa at ang bunso ay sanggol pa lamang. Kahit walong taong gulang pa lamang siya bilang panganay ay lakas-loob niyang tinanggap ang responsibilidad na magsilbing magulang, dahil ang kanyang ina ay may sakit at nakaratay na lamang sa kanilang tahanan. Ang kanyang ama naman ay nagtatrabaho sa laot bilang mangingisda. Habang naghihintay sa pagdating ng kanilang ama ay si Jenny ang nag-aasikaso ng kanyang mga kapatid pati na rin sa kanyang ina na may sakit.

Ang batang si Jenny ay masikap na inaalagaan ang kanyang pamilya. Siya ang naglilinis ng kanilang tahanan, nag-iigib ng tubig sa poso at nagpapaligo rin sa kanyang mga kapatid. Kapag oras na ng kainan ay napipilitan si Jenny na umutang sa tindahan ng bigas, de-lata at uling upang may makain ang kanyang pamilya. Siya ang magluluto at siya rin ang magpapakain sa mga kapatid at sa kanyang ina. Masikap niyang susubuan ang mga kapatid at ina isa-isa upang mapunan ang kanilang kumakalam na tiyan.

Credit: Facebook / GMA News

Dahil may sakit ang kanyang inang si Jewel ay wala itong kakayahan na padedehin at alagaan ang kanilang bunsong kapatid na sanggol pa kaya naman si Jenny rin ang nagtitimpla ng gatas at nagpapatulog dito. Kung titingnan tila ba parang totoong magulang na si Jenny dahil sa murang edad ay magaling na siyang mag-asikaso ng pamilya at tahanan.

Ayon kay Jenny bilang siya ang panganay dapat lamang na siya ang magsilbi munang magulang sa kanilang tahanan, dahil kung hindi ay magiging kawawa ang kanyang mga kapatid at nanay. Mahirap umano sa kanya na pasanin ang responsibilidad ng isang magulang sa murang edad ngunit masaya naman siyang natutulungan niya ang kanyang ina na may sakit.

Credit: Facebook / GMA News

“Nahihirapan din po. Masaya ako na natutulungan si Mama,” pahayag ni Jenny.

Hiling ni Jenny na sana ay gumaling na ang kanyang ina upang sila naman ng kanyang mga kapatid ang alagaan nito. Umaasa si Jenny na mararamdaman niya ulit maging bata kung saan ay makakabalik siya sa paglalaro na walang iniintinding problema.

“Ang gusto ko lang sabihin ay magpagaling at ingatan ang sarili niya para kami naman ang alagaan niya.”

Credit: Facebook / GMA News

Isa namang Youtube vlogger na si Virgelyncares ang mabuting nagpaabot ng tulong kay Jenny at sa kanyang pamilya. Naawa at humanga umano siya sa batang si Jenny dahil sa sakripisyo nito kaya naman ay nagbigay siya pera sa pamilya ni Jenny upang may pampanggamot ang kanyang ina at may pambili na sila ng pagkain at hindi na kailangan umutang pa sa tindahan.

Matapos magpatingin sa doktor ay napag-alaman na kulang sa nutrisyon ang ina ni Jenny kaya ito may sakit at nanghihina. Dahil sa mga tulong na natanggap nila Jenny ay paunti-unti ng bumubuti ang kalagyan ng kanyang ina na si Jewel.

Credit: Facebook / GMA News

Sobra-sobra naman ang pasasalamat ni Jewel sa mga taong nagpaabot ng tulong sa kanya at sa kanyang pamilya dahil napakalaking tulong umano nito para sa kanilang mahirap na buhay. Siyempre, lubos rin ang pasasalamat niya sa kanyang panganay na anak na si Jenny dahil sa pagiging mabuti at responsableng anak nito. Hindi ito kailanman nagreklamo sa hirap na dinanas sa halip ay patuloy lamang silang inasikaso na puno ng pagmamahal.

Nakakalungkot isipin na dahil sa hirap ng buhay ay may mga batang napipilitan na kumayod at tumayong magulang para sa pamilya. Ngunit isang patunay si Jenny na kahit sa murang edad basta’t para sa pamilya ay kakayanin ang lahat.

Leave a Reply