Bata, Nagsusumikap Magtrabaho Para sa Amang Baldado at Inang May Sakit

Kapag sinabing bata, ang madalas na ginagawa nila ay pag-aaral at paglalaro lamang. Bilang bata karapatan nilang maranasan ang gaan at saya ng buhay, ngunit paano kung imbes na nag-aaral at naglalaro lamang ay nagtatrabaho na ang bata?

Isang kwento ang nag-viral sa social media tungkol sa batang lalaki na nagsusumikap na magtrabaho para sa kanyang pamilya. Sa murang edad ay hindi nito alintana ang bigat ng buhay at todo kayod pa upang kumita at may maiuwi sa pamilya.

Sa murang edad napag-desisyunan ni Manny Samaa ang pasanin ang responsibilidad ng kanyang mga magulang. Imbes na siya ay naglalaro ay pinili niyang magtrabaho dahil may sakit ang kanyang mga magulang. Ang kanyang ama ay baldado habang ang kanyang ina naman ay may sakit na tubercolosis kung kaya’t todo kayod siya sa paglalako ng mga gamit pambahay sa kalsada.

Credit: Facebook / GMA Public Affairs

Si Manny ay matiyagang naglalako ng walis, sponge, tabo at iba pang gamit pambahay. Hindi alintana ni Manny ang bigat ng kanyang mga paninda at masikap siyang naglalako sa Barangay North Caloocan upang makabenta at kumita. Umaraw man o umulan ay hindi siya humihinto sa paglalako kahit mahirap ito sa kanyang murang katawan.

Wala umanong ibang maaasahan ang kanyang mga magulang kundi siya lamang, pareho silang walang kakayahan na magtrabaho kaya’t inako niya na ang responsibilidad na buhayin ang pamilya. Kahit may pandemya at banta ng Covid-19 ay hindi nito napigilan ang batang si Manny para kumayod.

Bukod sa pagtitinda ng mga tabo at walis sa araw, nagtitinda rin si Manny ng balot pagsapit ng hapon hanggang gabi upang may pandagdag kita siya. Imbes na siya ay magpahinga pagkatapos ng kanyang matagal na paglalako ay matiyaga pa rin siyang nagtitinda ng balot dahil malaking tulong rin umano ang kinikita niya dito sa kanyang pamilya.

Credit: Facebook / GMA Public Affairs

Ayon kay Manny, handa raw siyang gawin ang lahat para sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang mga magulang. Hindi naman ginusto ng kanyang mga magulang na magkasakit kaya’t hindi naman problema sa kanya kung siya ang nagtatrabaho. Masaya umano siya nakakatulong sa kanyang pamilya.

“Makita ko lang na masaya ang mga magulang ko, masaya na ako.”

Marami netizens ang naawa at humanga kay Manny. Umani ang kanyang kwento ng maraming reaksyon at komento sa social media:

“Keep up the good work. God bless you always.”

“Good job boy, ipagpatuloy mo lang ang kabaitan at pagmamahal mo sayong mga magulang, darating ang araw pagpapalain ka ng dakilang lumikha.”

Credit: Facebook / GMA Public Affairs

“God bless sayo Totoy, balang araw ay giginhawa rin ang buhay nyo. Ipagpatuloy mo lang ang sipag at tiyaga. Saludo ako sayo.”

“Sana gumaling na mga magulang mo boy, darating ang panahon na magiging maayos ang lahat, hindi bulag ang Diyos, magtiwala ka lang at ipagpatuloy ang pagiging mabuting anak.”

“You keep on going little child, things will pay off. God bless.”

Sa kabutihang palad, dahil sa nag-viral na kwento ni Manny ay maraming netizens ang nagpaabot ng tulong sa kanya at sa kanyang pamilya. Malaki naman ang pasasalamat ni Manny at ng kanyang mga magulang sa mga tulong na natanggap mula sa mabubuting loob na netizens.

Credit: Facebook / GMA Public Affairs

Hiling din ni Manny na sana gumaling na ang kanyang mga magulang. Magiging masaya daw siya kung magiging maayos na ang kalagayan ng kanyang ama’t ina. Habang hindi pa sila maayos ay ipagpapatuloy niya pa rin ang paglalako ng walis at tabo at pagtitinda ng balot sa hapon at gabi.

Nakakamangha ang batang si Manny dahil sa kanyang sakripisyo para sa kanyang mga magulang. Hindi naging hadlang ang kanyang murang edad upang maging masipag at matiyaga sa buhay. Kahit mahirap ay naging determinado siyang may maiuwing kita para sa pamilya upang may makain sila.

Nawa ay dumating ang panahon na tanging pag-aaral at paglalaro na lamang ang kanyang aatupagin habang siya ay bata pa. Nakakalungkot lang na dahil sa kahirapan ng buhay ay nanakawan siya ng pagkakataon na maranasan ang pagkabata na walang ibang iniintindi kundi saya ng buhay.

Leave a Reply