47-Anyos na Bulag, Umaakyat sa Kawayan Upang Makagawa ng Ibebentang Alkansya Para Kumita

Ang pag-akyat sa kawayan at pagputol dito ay hindi madaling gawin, ito ay napaka-delikado at maaring magdulot ng kapahamakan. Ngunit isang lalaking bulag ang lakas-loob na palagi itong ginagawa bilang kanyang hanapbuhay.

Si Mang Ening ay 47-anyos na at nakatira sa probinsya ng Sindangan, Zamboanga del Norte. Sa kabila ng kanyang kawalan ng paningin ay hindi ito naging hadlang sa kanya upang maghanapbuhay. Matiyaga siyang umaakyat sa matataas na kawayan upang putulin ito at gawing alkansya na kalaunan ay kanyang ibebenta.

Credit: Facebook / Kapuso Mo, Jessica Soho

Dahil sa kapansanan ay katuwang niya sa paghahanapbuhay ang kanyang 60-anyos na Ate na si Arcilita Amazon. Ito na lamang daw ang kasama niya sa buhay na tumutulong sa kanya sa araw-araw. Sa tuwing kailangan ni Mang Ening ng kawayan ay sinasamahan siya ni Arcilita sa pag-akyat sa matarik na bundok upang alalayan siya sa paglalakad at direksyon papunta sa kawayanan.

Umaabot ng halos dalawang oras ang kanilang paglalakad paakyat ng bundok kung nasaan ang mga kawayan, pagdating sa kawayanan ay agad na aakyat si Mang Ening sa matataas na mga kawayan upang magsimulang magputol. Dahil siya ay bulag, ang kanyang kapatid na si Arcilita ang nagsisilbi niyang gabay sa pag-akyat. Ito ang nagsasabi ng aakyating kawayan at gumagabay sa kanya upang hindi siya madisgrasya.

Credit: Facebook / Kapuso Mo, Jessica Soho

Ngunit hindi parin maiiwasan na habang nagpuputol si Mang Ening ng kawayan siya ay masusugatan o kaya naman ay matatamaan sa dibdib ng kawayan na kanyang pinutol. Madalas daw itong mangyari kaya’t sanay na si Mang Ening, kaakibat ng kanyang hanapbuhay ang peligro kaya’t nananalig na lamang siya.

Ayaw umanong maging pabigat ni Mang Ening dahil lang sa kanyang kapansanan. Gusto niyang makatulong sa kanyang Ate Arcilita dahil hindi siya pinapabayaan nito kahit matanda na sila. Ang pag-akyat sa kawayan at paggawa lamang ng alkansya ang kanyang naisip na paraan upang makapaghanap buhay at kumita.

Credit: Facebook / Kapuso Mo, Jessica Soho

Bata pa lamang daw si Mang Ening nang siya ay mabulag. Edad dalawa noong siya ay tamaan ng sakit na tigdas na nagdulot ng kanyang pagkabulag. Sanay na umano siya sa kanyang kondisyon at nakakakilos naman ng maayos, ngunit sa mga bagay na delikadong gawin tulad ng pag-akyat sa bundok at sa mataas na kawayan ay tintutulungan siya ng kanyang Ate upang hindi siya mapahamak.

Pagkatapos magputol ng kawayan ni Mang Ening ay matiyaga niya itong bubuhatin pababa ng bundok at pagdating sa kanilang tahanan ay puputulin niya ito, lilinisan, papakinisin at bubutasan upang maging ganap na alkansya. Ang bawat alkansya ay naibebenta lamang ni Mang Ening sa halagang 50 pesos hanggang 200 pesos depende sa laki.

Credit: Facebook / Kapuso Mo, Jessica Soho

Ayon kay Mang Ening ay nagsusumikap umano siyang umakyat sa kawayan at gumawa ng alkansya dahil mayroon siyang pinag-iipunan. Kahit mahirap ang kanyang sitwasyon ay hindi niya ito alintana upang may buwanang maihulog sa motor para sa kanyang Ate. Ang motor umano ay gagamitin rin sa paghahanapbuhay.

Ang hiling ni Mang Ening ay maubos ang kanyang mga alkansyang gawa upang may maipang-hulog siya sa motor na para sa kanyang Ate Arcilita. Napakalaking tulong na umano kay Mang Ening ang konting kinikita sa pagtitinda ng alkansya, wala daw siyang ibang ambisyon sa buhay kundi makakain lamang ng tatlong beses sa isang araw at makatulong sa kanyang Ate Arcilita.

Credit: Facebook / Kapuso Mo, Jessica Soho

Malaki rin ang pasasalamat ni Arcilita sa kanyang kapatid na si Ening dahil sa kabila ng kapansanan nito ay malaki pa rin ang kagustuhang makatulong sa kanya. Kahit bulag ay handa itong magsakripisyo at magsumikap dahil ayaw umano nitong maging pabigat at paraan daw ito ng pasasalamat ng kanyang kapatid. Bilang Ate, wala umanong hinihinging kapalit si Arcilita sa kanyang kapatid, responsibilidad niya daw na alagaan ito at masaya siyang ginagabayan si Ening.

Pinatunayan ni Mang Ening na hindi hadlang ang kanyang kapansanan upang maghanapbuhay. Kahit mahirap ang kanyang sitwasyon ay pinakita niyang kaya niyang mag-tiyaga at magsumikap sa buhay para sa kanyang pamilya. Madilim man ang kanyang paningin ay hindi naman madilim ang kanyang puso.

Leave a Reply