Basurera Noon, Isa ng Matagumpay na Negosyante at Inspirasyon Ngayon

Ang buhay ng tao ay parang gulong, minsan nasa ilalim at minsan nasa ibabaw. Marami sa atin ang mahirap ang buhay kaya naman nagsusumikap upang umangat at hindi na maranasan pa ang kahirapan na dinanas noong bata pa. Tulad na lamang ng babaeng ito na matagumpay na napaikot ang kanyang gulong ng buhay mula sa ilalim ay ngayon ay nasa ibabaw na.

Si Joy Binuya ay isang negosyante na 30-anyos. Ang matagumpay at maginhawa niyang buhay ngayon ay hindi aakalaing siya ay dating basurera o mangangalakal noon. Siya ay lumaki sa kahirapan ay naranasang mamasura upang kumita at makatulong sa kanyang ina.

Credit: Joy Binuya

Bata pa lamang daw si Joy nang pumanaw ang kanyang ama kaya naman napilitan sila ng kanilang ina na mamulot ng basura at ibenta ito upang magkaroon ng pera para sa kanilang pagkain araw-araw. Dahil sa pagpanaw ng kanyang ama na walang naiwan sa kanila kahit piso, at ang ina naman niya ay kasalukuyang buntis pa noong panahon na iyon ay naramdaman talaga nila na parang binagsakan sila ng langit at lupa sa sobrang hirap ng sitwasyon nila.

“I was 5 years old when my father died from heart attack… wala kahit pisong naiwan.”

“Yung Nanay ko naman, walang trabaho that time and buntis pa sa bunso namin.”

Credit: Joy Binuya

Nagpakatatag umano ang ina ni Joy para sa kanilang magkakapatid. Sumubok ito ng maraming trabaho upang mabuhay lamang sila at mabigay ang kanilang pangangailangan. Kahit ang pamamasura ay ginawa ng kanilang ina, kumita lang dahil sa kagustuhan nitong hindi sila mapabayaan.

“She thought of many ways to earn like gumawa ng basahan, mag-manikurista, mananahi, and yung pinaka naging work niya ay ang pamamasura.”

Sumasama umano si Joy sa pamamasura ng kanyang ina upang tulungan ito. Sa murang edad ay natuto siyang mangalakal at maging wais sa pera dahil alam niyang salat sila sa buhay at kahit sentimo ay malaking bagay para sa kanilang pamilya.

Credit: Joy Binuya

Ang kinikita niya sa pangangalakal ng basura ay kanyang iniipon at tinitipid upang may pambili sya ng gamit at proyekto sa eskwela. Pagdating naman sa kanyang mga libro at workbooks, matiyaga umano siyang nagsusulat sa yellow paper dahil wala siyang pambili ng libro at kahit pampa-xerox noon.

Noong siya ay nag-high school, lakas loob na pumasok siya bilang isang sales lady sa isang mall taong 2009 hanggang 2013. Ang perang sinasahod niya ay ipinangtutulong niya sa kanyang ina at mga gastusin at pangangailangan sa kanilang bahay. Naging daan rin ito upang siya ay makapag-kolehiyo.

Credit: Joy Binuya

Kahit noong siya ay nag-kolehiyo, hindi pa rin huminto sa pagtatrabaho si Joy. Sinubukan niya namang mag dropship ng mga beauty products. At dito na nga nagsimula ang kanyang pagnenegosyo at unti-unti ng kumikita ng malaki at nakikita niya na ang kabayaran sa lahat ng kanyang paghihirap at pagsusumikap sa buhay.

Matagumpay na nakapagtapos si Joy sa kolehiyo bilang isang Cum Laude. Ipinagpatuloy niya ang pagnenegosyo ng mga beauty products. Mula sa pagda-dropship, siya ay naging isang supplier na ng mga ito at naging matagumpay na nga sa kanyang buhay.

Dahil sa natamong tagumpay ni Joy sa kanyang negosyo, ang dati nilang sira-sirang bahay ay unti-unti niya na ring napapaayos. Kung noon ay gawa lamang ito sa kahoy at yero, ngayon ay konkreto na ito at mayroon na ring ikalawang palapag.

Credit: Joy Binuya

Masayang-masaya si Joy sa natatamo niyang tagumpay at ginhawa ngayon sa kanilang buhay. Dahil sa kanyang katatagan at pagiging determinado, nakamit nya ang kanyang mithiin na makaahon sila sa hirap. Naging inspirasyon niya ang kanilang kahirapan upang magsumikap, at ang kagustuhan niyang masuklian ang paghihirap ng kanyang ina na namamasura noon para sa kanila.

Hindi rin ikinakahiya ni Joy na naging basurera siya noon at naranasang mangalakal. Isa daw ito sa dahilan kung bakit siya naging matatag at natuto sa buhay. Tinuruan siya ng pamamasura na maging madiskarte sa buhay at maging masinop sa pera, kaya’t kahit kailan ay hindi niya ikakahiya ang kanyang pinagmulang buhay.

Tunay ngang ang buhay ay parang gulong, minsan nasa ilalim at minsan nasa ibabaw. Huwag mag-alala kung ikaw ay nasa ilalim dahil kung may pagsusumikap sa buhay siguradong mapupunta ka rin sa ibabaw at hindi imposibleng maabot ang maginhawang buhay.

Leave a Reply