Timbang Puno ng Tig-Bente, Inipon ng Anak Mula sa Padala ng Kanyang Magulang na OFW

Karamihan sa mga anak dito sa Pilipinas ay may mga magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa o OFW kung tawagin. Dahil sa kagustuhan ng mga magulang na mabigyan ng komportableng buhay ang mga anak ay pinipili ng mga ito na magsakripisyo at mangulila. May ilang anak na naliligaw ng landas matapos mangibang bansa ng magulang ngunit ibahin natin ang binatang ito na nakaipon ng pera mula sa pinapadala ng kanyang magulang.

Si Gerdan ay anak ng isang OFW at imbis na siya ay magbulakbol o mapariwara dahil wala ang presensya ng kanyang magulang ay nag-ipon siya mula sa mga padala nito. Sa tuwing nagpapadala kasi ang kanyang magulang ay nagtatabi siya ng bente-bente at inihuhulog sa malaking timba o drum na nagsilbing alkansya niya.

Credit: Facebook / Jane F’mous

Madalas sa tuwing nagpapadala ang isang magulang na OFW sa kanyang pamilya o anak ay wala ng natitira dahil sa dami ng bayarin o gastusin. At kung may sobra man ay kaunti na lang o kaya’y ipinambibili ng luho kaya’t maraming OFW ang walang ipon pag-uwi nila.

Kaya naman labis ang pagkatuwa ng isang magulang sa kanyang anak nang malaman na marami na pala itong naipon na pera mula sa kanyang mga padala. Hindi niya lubos akalain na nakakaipon pala ito dahil sapat lang naman ang kanyang pinapadala buwan-buwan lalo na at nagkaroon pa ng pandemya.

Nagtatabi pala palagi ang kanyang anak na si Gerdan ng tig-bebente pesos sa tuwing siya ay nagpapadala at inihuhulog sa alkansyang timba nito. Nito nga lang ay binuksan na nito ang malaking timba at nakitang punong-puno at umaapaw na ito sa bente pesos.

Credit: Facebook / Jane F’mous

Sa isang post na ibinahagi ng kanyang kaibigan na si Jane F’mous, makikita ang mga larawan ni Gerdan na binuksan ang malaking drum na puno ng bente pesos na papel. Napahanga umano si Jane sa pag-iipon ni Gerdan, ipinakita lamang daw nito kung gaano siya katipid at kung gaano pinahahalagahan ang mga pinapadala ng kanyang magulang.

“Labis akong napahanga sa anak ng kaibigan ko sa ginawa niya at nung unang ipon niya puro barya 2 tub. At ito nman ulit nakaipon nman siya ng isang tub na tig-20 pesos. Nagulat mama niya, walang kaalam-alam na nag-ipon ang anak niya. Nakakatuwang tingnan mapapa-sana all ka nalang talaga lalo na siguro kung OFW ka tapos ganito yung anak mo sa Pinas tapos bubuksan lang pag-uwi mo na. Sarap sa pakiramdam. Sana lahat ng kabataan ganito. Proud ako sayo boy. Congrats Ate Gemma, napakabait ng anak mo. Kakaiba siya sa iba. Sana tularan ka ng ibang kabataan Gerdan, tuloy mo lang yan boy, marami ang napahanga mo,” mensahe ni Jane sa kanyang post.

Credit: Facebook / Jane F’mous

Bukod kay Jane ay marami ring netizens ang bumilib kay Gerdan dahil sa kanyang pag-iipon. Natatangi umano siya sa ibang kabataan na may magulang na OFW dahil imbis na maging magastos ay tinipid pa nito ang padala ng magulang at inipon:

“Magaling na bata, sana tularan ng maraming kabataan.”

“Wow, ang galing ng mindset niya, kahanga-hanga.”

“Kung ibang anak yan, naku sigurado laging wawaldasin padala ng magulang. Hindi ko naman nilalahat pero ganun ang madalas na mangyari. Good job sayo boy!”

“Salute! Pinakita mong isa kang matinong anak at may pagpapahalaga sa sakripisyo ng magulang mo sa ibang bansa.”

Credit: Facebook / Jane F’mous

“Kung lahat sana ng anak katulad mo, talagang matutuwa lahat ng OFW na magulang. Kahit barya-barya na ipon, malaking bagay na yun pag nakita ng magulang.”

“Wow ang daming bente! Sana all siguro nasa libo-libo na yan ang laki ng alkansya mo e, tapos puno pa. Congrats sa magulang ng batang ito, ang bait ng anak n’yo para maisip pang mag-ipon.”

Para naman kay Gerdan, maliit na bagay lamang ang kanyang nagawa. Ang pera na kanyang inipon ay pinaghirapan ng kanyang magulang sa ibang bansa kaya ang tanging magagawa niya lang ay magtabi at mag-ipon mula rito.

Credit: Facebook / Jane F’mous

Huwag umanong masilaw sa perang ipinapadala ng OFW na magulang dahil hindi naman daw habangbuhay na magtatrabaho sila sa ibang bansa. Mas maganda pa rin na nag-iipon upang makatulong rin sa kanila at magandang regalo din ito para sa kanila kapag nakauwi na.

Tunay na nakakabilib si Gerdan dahil sa kanyang kabaitan at disiplina sa pag-iipon ng perang padala ng magulang. Ipinakita lamang niya na bilang isang anak ay may kakayahan siyang makatulong at makapagbigay ng tuwa kahit malayo sa kanyang magulang. Hindi naging rason ang kanilang distansya upang siya ay magbulakbol o mapariwara, sa halip ay ginawa niya itong inspirasyon upang makapa-ipon ng maraming pera.

Leave a Reply