Iskolar ng MunSci, Namahagi ng Ayuda Mula sa Kanyang Scholarship Allowance

Ang pamamahagi ng ayuda ngayong pandemya ay isang mapagmalasakit na kawang-gawa ng mga mabubuting tao. Madalas ang mga namamahagi ng tulong ay ang mga taong may kaya o isang organisasyon. Ngunit isang Grade 9 student ang nagpabilib netizens matapos nitong ipakita na may kakayahan rin siyang tumulong sa kanyang kapwa.

Si Jarred Gaviola ay isang kinse (15) anyos na estudyante mula sa Muntinlupa. Siya ay masipag na nag-aaral sa Muntinlupa Science High School bilang isang Grade 9 student at isa ring scholar ng Muntinlupa.

Malayo sa ibang kabataan na madalas makitang gumagastos sa mga materyal na bagay, mas pinili ni Jarred na gamitin ang kanyang pera upang tumulong sa kanyang kapwa, lalo na sa mga apektado ng pandemya. Nagpakita siya ng kabutihang loob at malasakit, na hindi madalas makita sa iba kung kaya’t umani siya ng maraming papuri.

Credit: Facebook / Jarred Gaviola

Ang perang pinagmulan ng ipinambili niya ng mga ayuda ay nagmula sa kanyang scholarship allowance. Ang 3000 pesos na kanyang natanggap bilang isang scholar ay ipinambili nya ng mga pakete ng gatas at kape na ipapamahagi nya sa mga tao, imbes na gamitin sa kanyang pangangailangan sa paaralan.

Upang mas marami pa siyang mabiling ayuda at maraming mabigyan ay nagsagawa rin siya ng donation drive upang madagdagan ang kanyang ipamimigay. Marami namang nakilahok sa kanyang donation drive kaya’t hindi nagtagal ay nakalikom sya ng sapat na halaga pambili ng iba pang ayuda, tulad ng bigas, gatas, kape, biscuit, de lata at sabon.

Umabot ng halos dalawang daang (200) pamilya ang naabutan ng tulong ni Jarred mula sa Barangay Tunasan at Barangay Bayanan. Bukod diyan ay tumulong rin siya sa mga utility at canteen workers ng kanyang paaralan, na ikinatuwa nila dahil hindi sila nalimutan ni Jarred kahit matagal ng hindi bukas ang paaralan, at naka-online class na lamang ang mga estudyante.

Credit: Facebook / Jarred Gaviola

Napag-alaman na hindi pala ito ang unang pagkakataon na nagbahagi ng tulong si Jarred sa kanyang kapwa. Matagal niya na pala itong ginagawa kaya naman marami ring sumusuporta sa kanyang pagkakawang-gawa.

Para kay Jarred, hindi umano hadlang ang estado ng buhay at kanyang edad upang makatulong siya sa kanyang kapwa. Habang may paraan at kagustuhan daw siya ay gagawin niyang magbahagi ng tulong.

“It started from my own scholarship allowance. Because for me, there are many people who are hungry and needing food. They need more care as time goes by. I used my scholarship allowance given by the local government to buy these milk packs ang coffee sachets. And after that, I have decided to open my own donation drive so that I can help more people. I am proud scholar of Muntinlupa.” Kwento ni Jarred.

Credit: Facebook / Jarred Gaviola

Marami namang netizens ang humanga at nagbigay papuri kay Jarred dahil sa kanyang malasakit sa kapwa. Bihira daw ito sa mga kabataan kaya’t nakakatuwa na makakita ng katulad niya na hindi makasarili ngunit mapagbigay.

“God bless you, napakabuti ng puso mo. Ipagpatuloy mo lang yan at si Bro na ang bahalang mag-reward sayo.”

“Good job! Sana maging ehemplo ka sa ibang kabataan na katulad mo.”

Credit: Facebook / Jarred Gaviola

“Ang bait mo naman, gob bless u more sana marami ka pang matulungan.”

“Pag-asa ka ng bayan boy, magsumikap ka sa pag-aaral para mas marami ka pang matulungan.”

“Kung yung ibang bata yan, mas pipiliin nila na bumili ng para sa sarili, ikaw kakaiba ka, naisip mo pang tumulong.”

“Salute sayo Jarred, ginagamit mo sa mabuti ang tulong ng gobyerno at hindi ka pariwara.”

Credit: Facebook / Jarred Gaviola

Tunay na kahanga-hanga ang batang si Jarred. Sa edad na 15 ay bukas na ang puso niya para sa kayang kapwa. Patunay lang ito na napalaki rin siya ng maayos ng kanyang mga magulang.

Isa siyang magandang ehemplo na kung gusto ay may paraan, hindi dahilan ang pagiging bata o estudyante. Sa panahon ng krisis, importanteng mabuksan ang puso para sa kapwa at higit na nakakarami. Habang bata pa ay mas mabuting magkaroon ng malasakit sa iba, at piliing tumulong kaysa maging makasarili.

Leave a Reply