OFW at Dating Tindera ng Asin, Pinamanahan ng 25 Million ng Kanyang Amo

Ang OFW o Overseas Filipino Worker ay isa sa pinakamasipag na tao sa buong mundo. Kahit saang bansa ka man magpunta ay laging may OFW na makikilala. Hindi lang sila kilala bilang masipag, kundi isa rin sa pinakamabait kaya naman maraming banyaga na gusto ang mga Pinoy sa trabaho.

Si Daisy Bucad-Eng ay dating domestic helper sa Hongkong. Katulad ng ibang OFWs, siya ay nakipagsapalaran sa ibang bansa upang masuportahan ang kanyang pamilya at naghangad na makaahon sa kahirapan. Dahil sa kanyang sipag sa trabaho at taglay na kabaitan na natural sa ugaling Pinoy, siya ay maswerteng nagantimpalaan ng tumataginting na 25 million pesos ng kanyang Portugese na amo. Siya ngayon ay maituturing na milyonarya at nagmamay-ari ng five-story building, mga lupain, bahay at mga alahas.

Credits: Facebook / Kapuso mo, Jessica Soho

Ngunit bago niya nakamit ang lahat ng karangyaan na ito ay dumaan muna si Daisy sa sobrang hirap na buhay. Siya ay taga-Mountain Province at maagang nakapag-asawa. Sa edad na dise-sais anyos ay nagkaroon na siya ng asawa at anak kaya naman maaga rin siyang namulat sa hirap ng pagiging isang magulang.

Sa murang edad, ang tanging trabaho na kanyang naisip gawin ay ang pagtitinda ng asin sa Besao, Mountain Province. Ito ang pangunahing hanapbuhay ng mga tao sa kanilang lugar kaya ito rin ang kanyang ginawa. Mahilig daw sa asin ang mga taga-Benguet dahil isa ito sa pang araw-araw na sangkap na ginagamit sa pagrereserba ng mga karne.

Credits: Facebook / Kapuso mo, Jessica Soho

Aniya, “Yung mga taga-Benguet ba talagang matakaw sila sa asin. Kasi isa pa, sa mga babaloy nila, sa mga baka.”

Kumikita lamang sya ng 100 pesos sa isang araw at 300 pesos naman kung suswertehin. Ang kanyang kinikita ay hindi sapat para sa kanyang pamilya kaya naman dito niya na napagdesisyunan na mangibang-bansa.

Nagtungo siya sa Hongkong at namasukan bilang kasambahay ngunit hindi siya pinalad sa kanyang unang amo. Hindi daw maganda ang trato sa kanya at dalawang oras lang sa isang araw ang kanyang tulog kaya hindi niya nakayanan.

Credits: Facebook / Kapuso mo, Jessica Soho

Dahil malayo si Daisy sa kanyang pamilya ay naging dahilan ito para mapariwara ang kanyang mga anak. Nalaman niyang pagala-gala ang mga ito sa kalsada at sumasabit sa mga jeep. Ang kawalan ng kalinga ng isang ina ang naging dahilan kung bakit naligaw ng landas ang kanyang mga anak. Hindi niya raw ito nakayanan at napaiyak na lang noong nalaman ang balita.

“Pumasok ako sa ilalaim ng lamesa doon ako umiyak,” saad ni Daisy.

Matapos makaalis sa unang amo, nakahanap si Daisy ng panibagong trabaho, sa isang matandang Portugese sa Hongkong. Namasukan siya bilang isang domestic helper, siya ang nag-aalaga at nag-aasikaso sa matanda dahil may sarili ng pamilya ang mga anak nito at hindi na siya magawang alagaan.

Credits: Facebook / Kapuso mo, Jessica Soho

Sumasahod siya ng halagang 900 Hongkong dollars o 2,700 pesos kada buwan. Maituturing na maliit ang kanyang sahod, ngunit mas okay na daw ito dahil mabuti ang kanyang kalagayan sa among si Marie at maganda ang trato sa kanya at itinuturing siyang isang pamilya.

Dumating ang araw na gusto nang ipadala ang kanyang amo sa “Home for the Aged” o tahanan ng mga matatanda dahil hindi na kayang alagaan ng pamilya. Ngunit hindi pumayag si Marie at napag-desisyunan na sumama na lamang kay Daisy pauwi ng Pilipinas.

“Namasyal kami doon sa Manaog, lahat ng mga Catholic na simbahan,” kwento ni Daisy.

Credits: Facebook / Kapuso mo, Jessica Soho

Ngunit hindi rin nagtagal taong 2002, binawian na ng buhay ang kanyang amo habang sila ay magkasama sa Pilipinas. Mayroon daw itong sakit sa puso na naging dahilan ng kanyang pagpanaw.

“Wala na pala. Yung puso niya lumobo,” saad ni Daisy.

Agad daw pinauwi ng Hongkong ang mga labi ni Marie at kinuha ng kanyang pamilya. Masakit para kay Daisy ang biglaang pagpanaw ng amo dahil labing-isang taon niya itong pinagsilbihan at itinuring na parang isang totoong ina.

Credits: Facebook / Kapuso mo, Jessica Soho

Naging mapagbiro ang tadhana dahil isang araw ay may dumating na sulat para kay Daisy na nagpabago ng kanyang buhay. Ang sulat ay naglalaman ng impormasyon na siya ay pinamanahan ng namayapang amo.

Pinamahan siya ni Marie ng isang apartment building na nagkakahalaga ng 25 million pesos at may kasama ring mga stocks mula sa ibat-ibang kompanya. Hindi makapaniwala si Daisy sa kanyang natanggap na biyaya dahil hindi niya naman lubos akalain na makakasama siya sa last will ng matanda.

Credits: Facebook / Kapuso mo, Jessica Soho

Para sa kanya ay ginawa niya lang naman ng mabuti ang kanyang trabaho bilang isang domestic helper. Hindi siya naghangad ng higit pa bukod sa buwanang sahod at magandang pakikitungo. Labis ang kanyang pasasalamat dahil sobra-sobra ang isinukli sa kanya ni Marie na naging malaking tulong upang makaahon sila ng kanyang pamilya sa kahirapan.

Kinuha ni Marie ang halagang 25 million pesos mula sa apartment na iniwan sa kanya at pati na rin ang mga nasa stocks. Ginamit niya ang pera upang makapagpatayo sa Mountain Province ng five-story building na may penthouse. Ang kanyang building ay mayroong transient homes, gym, rental spaces para sa commercial establishments at events place.

Credits: Facebook / Kapuso mo, Jessica Soho

Makikita sa kanyang five-story building ang kultura na kanyang pinanggalingan. Ang disenyo ng kanyang penthouse ay mala-enchanted forest na puno ng mga magagandang halaman at mga muwebles na inspired sa Igorot culture. Maging ang kanyang kusina ay nagmistulang hardin dahil puno ng mga halaman.

Bukod sa kanyang five-story building, nakapundar din siya ng bahay at malawak na plantasyon sa Mountain Province. Siniguro ni Daisy na hindi masasayang ang pinamana ni Marie sa kanya at ginamit ito sa mga makabuluhang bagay at mas pinalago pa.

Credits: Facebook / Kapuso mo, Jessica Soho

Bilang tanda ng pasasalamat sa kabutihan ng dating amo, pinagawan niya ito ng isang memorial statue sa isang bahagi ng kanyang penthouse. Hindi niya raw ito makakalimutan kahit kailan dahil mahal niya ito at ito ang nagpabago ng kanyang buhay at kanyang pamilya. “Marie Augusta Ramchand” ang mababasa sa epitaph nito na nagsisilbi ring pag-alala para kay Daisy na magpasalamat araw-araw sa tinatamasa niyang buhay.

Lagi niya ring inaalala ang mga payo ni Marie sa kanya at nangangakong magiging mabuting tao. “I will do my best to do and to live and be a person that you want me to be,” ang pangako ni Daisy kay Marie.

Credits: Facebook / Kapuso mo, Jessica Soho

Sigurado daw siyang proud sa kanya ang dating amo dahil hindi niya sinayang ang pamana nito. Isa pa, hindi rin naging dahilan ang kayamanan upang lumaki ang kanyang ulo, nanatili siya mabuti at mapagkumbaba dahil alam niyang nagmula siya sa hirap.

Payo naman ni Daisy para sa mga domestic helpers o OFW, “Sa mga OFW naghihirap ngayon, patience and hardwork are the key to success. The overall denominator ng lahat ng ito ay yung honesty. Kung anumang trabaho ang meron ka diyan, gawin mo na nang tama.”

Isang patunay si Daisy na pag may tiyaga, may nilaga. Hindi siya basta sumuko sa buhay at nagsumikap bilang isangg OFW. Bago pa man siya sinuwerte, ay masipag na siya sa kanyang trabaho at naging mabuting domestic helper sa kanyang amo. Kaya naman nararapat lamang sa kanya ang mga biyayang kanyang natanggap.

Leave a Reply