Rider na Bitbit ang Kanyang Limang Buwang Sanggol sa Delivery, Hinangaan at Kinabiliban

Ang pagiging isang delivery rider ang isa sa pangunahing trabaho noon pa man at mas umusbong ito noong nagkaroon ng pandemya. Madalas silang makita sa mga kalsada dala ang pagkain o gamit na kailangan nilang ihatid sa bahay-bahay, ngunit paano kung makakita ka ng delivery rider na bukod sa pagkain o parcel ang dala, ay may kasama rin itong sanggol?

Nag-viral sa social media ang mga larawan ng isang Food Panda delivery rider na nagpapadede ng kanyang sanggol na anak habang nasa trabaho. Ikinagulat at kinabiliban ito ng isang netizen kung kaya’t kinuhanan niya ito ng litrato at ibinahagi sa social media.

Ibinahagi ng netizen na si Jeremiel Flores Quinto ang mga larawan. Hindi niya daw lubos akalain na ang magdedeliver ng kanyang pagkain ay may kasamang sanggol at pinapadede pa nga ito. Unang pagkakataon niya lamang itong naranasan kaya’t hindi niya naiwasang bumilib sa delivery rider dahil sa pinakita nitong pagpupursige sa trabaho habang inaalagaan ang sanggol na anak.

Credit: Jeremiel Flores Quinto

Kinilala ang Food Panda Delivery Rider na si Hershey Manuel at 18-anyos pa lamang, gayundin ang kanyang asawa na nagtatrabaho bilang isang kasambahay. Ayon sa kanya, wala umanong mapag-iiwanan sa kanyang anak kaya’t nagdesisyon siyang isama na lamang ito sa kanyang pagde-deliver. Ang kanyang asawa kasi ay nagtatrabaho din at hindi niya naman gustong ipagkatiwala lang ito basta sa ibang tao.

Makikita sa larawan na pinapadede ni Hershey ang limang buwang gulang niyang anak habang ito ay nasa basket ng kanyang bisikleta. Hindi katulad ng ibang delivery rider na naka-motorsiklo, bisikleta lamang ang gamit ni Hershey sa pagde-deliver at pinagtyatyagaan niya itong gamitin sa pang-araw-araw na trabaho.

Aniya, ang asawa niya talaga ang madalas mag-alaga sa kanilang anak, ngunit noong araw na iyon ay naging sobrang abala ito sa pagkakasambahay at tumulong rin sa paglalako ng streetfood sa kanyang tiyahin. Kaya naman bilang isang responsableng ama ay pinili niya na lang itong isama sa trabaho, nang sa gayon ay maalagaan niya ito habang naghahatid ng mga orders.

Credit: Jeremiel Flores Quinto

Upang mas maging maayos ang lagay ng kanyang anak habang siya ay nagdedeliver, nakabalot ito ng kumot sa basket at nakasuot rin ng makapal na sumbrero upang hindi malamigan. Nakakatuwang tila naiintindihan ng kanyang anak ang sitwasyon ng ama dahil tahimik lang ito at mabait na nakikisabay sa pagde-deliver ni Hershey.

Masasabing bata pa talaga si Hershey at ang kanyang asawa para maging magulang. Ngunit ipinakita naman nila na kaya nilang maging responsable sa pagkakaroon pareho ng trabaho. Nagsusumikap magtrabaho ang mag-asawa upang mabigyan ng maayos na buhay ang kanilang anak, hindi naging hadlang ang kanilang batang edad upang maging responsableng mga magulang.

Bilang haligi ng tahanan, hinangaan ni Jeremiel at ng iba pang netizens ang pagiging pursigido sa trabaho at pagiging responsableng ama ni Hershey. Malayo daw ito sa ibang batang ama na nakaasa lang sa magulang, sa halip na maging tambay ay pinanindigan nito ang tungkulin bilang empleyado, asawa at bilang ama.

Credit: Jeremiel Flores Quinto

Umani si Hershey ng mga reaksyon at papuri sa mga netizens dahil sa nakakabilib nyang pag-uugali.

“Saludo kami sa ganitong klaseng ama masiguro lang na may igagatas ang anak kahit ano gagawin handang mag-alaga habang nagtatrabaho. Salute Kuya Hershey!”

“Grabe ka Sir, napabilib mo ako sa kasipagan mo, ingat po kayo ni baby Sir sa daan. Importante pa rin ang kalusugan.”

“So proud of you Kuya, isa kang responsableng ama! Alam kong hindi mo naman ginusto yan, pero dahil love mo si baby pinili mo pa rin siyang isama sa trabaho para maalagaan.”

“Pag gusto maraming paraan, gusto niya kumita para sa pamilya, kaya kahit mahirap na isama ang anak ay ginawa niya pa rin para malagaan din.”

Credit: Jeremiel Flores Quinto

May mga netizens rin naman na hindi sumang-ayon sa paraan ni Hershey kaya’t hindi napigilan magbigay ng payo at sentimyento.

“Mali po yan, dapat may isang nag-give way para maalagaan ang bata, kawawa naman baka madisgrasya pa sila at may pandemya pa.”

“It’s truly dangerous especially for the baby na nasa labas. But at least this father despite how young he is, I think he’s just doing the best he can for them both. God bless sa inyo.”

“Hala oyy, it’s too dangerous. I truly understand the situation, but the risk po is higher if nasa labas si baby, may covid pa po at maulan at mainit din ang weather, tapos pollution pa. Take a lot of consideraion on this please. God bless.”

Credits: ABS-CBN News

Masaya naman si Hershey para sa mga natanggap niyang papuri bilang isang responsable at masipag na ama. Nagpapasalamat rin siya sa mga nagbigay payo at nag-alala para sa kanila ng kanyang anak. Sisikapin niya daw na hindi na isama ang anak sa trabaho dahil alam niya namang delikado ito para sa bata.

Nagpapasalamat rin sya sa mga nagpaabot ng tulong para sa kanilang pamilya lalo na para sa kanyang anak. Malaking tulong daw sa kanila ang mga natanggap na tulong, lalo na at magagamit ito ng anak nila sa araw-araw.

Leave a Reply