Payo ng Batang Kumakain ng Kamote: “Wag Kayo Tamarin, Maawa Kayo sa mga Magulang N’yo”

Nakakalungkot isipin na marami pa ring pamilya ang salat sa buhay na kahit simpleng bigas na madaling mabili para sa marami ay mahirap para sa kanila. Madalas ngang gawin na alternatibong kapalit ng bigas ay ang kamote dahil mas madali itong makuha sa mga probinsya at libre pa. Bukod dyan ang kamote ay nakakabusog at masustansya rin kaya maganda itong pagkain para punan ang nagugutom na tiyan.

Isang video ang nag-viral sa social media matapos i-upload ng batang si Jhon Errol Mampusti ang kanyang video habang kumakain ng nilagang kamote. Hindi lang siya basta kumakain ng kamote ngunit nagkukwento rin siya tungkol sa kanyang buhay at nagbibigay ng payo sa lahat ng kabataang katulad niya.

Si Jhon ay mula sa Tugos, Boac sa probinsya ng Marinduque. Siya ay panganay sa dalawang magkapatid at isang masipag na anak at mag-aaral. Simple lamang ang buhay nila at madalas pa nga ay salat na kahit simpleng bigas ay hindi nila mabili. Makikita nga na puro nilagang kamote lamang kanyang kinakain kahit tanghalian na, imbes na normal na kanin at ulam. Ito ay dahil hindi pa daw umano sumasahod ang kanyang ama kaya naman tanging nilagang kamote muna ang pinagtyatyagaan niya.

Credit: Facebook / Jhon Errol Mampusti

“Pasensya na kayo ha, wala kasing kanin eh. Kaya kamote nalang muna. Di pa kasi sumasahod si Papa.”

Hindi naman nagrereklamo si Jhon sa pagkain na meron sila, bagkus ay nagpapasalamat siya, dahil kahit papaano ay may kinakain pa rin siya at hindi pinapabayaang magutom ng kanyang mga magulang. Makikitang hindi man katulad ng ibang kabataan ang klase ng pagkain na meron siya, ay magana pa rin itong kumakain ng simpleng nilagang kamote.

Habang kumakain ay nagbigay nga ng payo si Jhon sa lahat ng kabataan na maging mapagpasalamat sa mga biyaya na meron sila, lalo na ang mga pagkain na hinahanda sa kanila ng kanilang magulang. Imbes daw na magreklamo dahil hindi gusto ang pagkain, mas mabuting isipin na maswerte sila dahil hindi sila nagugutom at maayos na kanin at ulam ang nakahanda sa hapag.

“Tingnan n’yo yung kinakain ko. Katanghaliang tapat yan. Di ba, alas dose na ganito kalaking pinggan. Kamote lang malakas.”

Credit: Facebook / Jhon Errol Mampusti

Pagdating naman sa paghuhugas ng pinggan na madalas ay inirereklamo at kinaiinisan ng mga kabataang gawin ang payo ni Jhon ay huwag tamarin. Isa daw sa kinaiinggitan ni Jhon sa mga kabataan ay pag inuutusan silang maghugas ng pinggan, dahil ibig sabihin lamang nito ay may kinain sila at nabusog sila.

“Alam mo kapatid, ako’y naiinggit sa mga bata diyan na inuutusan pa ng kanilang mga magulang na maghugas ng pinggan pagkatapos kumain.”

Para kay Jhon ang paghuhugas ng pinggan ay paraan ng pagpapasalamat sa mga magulang dahil sa pagkain na pinagtrabahuan at pinagsikapang maipakain sa mga anak. Bilang pasasalamat, ang simpleng paghuhugas ng pinggan ay dapat ginagawa na lang ng kusa at hindi na hinihintay na iutos at irereklamo pa.

“”Wag kayong tamarin. Wag kayong tamarin na maghugas ng pinggan kasi ho, kung kakain nalang kayo tapos sila pa paghuhugasin n’yo diba? Nakakaawa naman mga magulang nating ganon.”

Ang kaniyang video ay umani ng maraming reaksyon at mga paghanga mula sa netizens dahil sa pag-iisip na mayroon si Jhon:

Credit: Facebook / Jhon Errol Mampusti

“Your parents are so blessed to have a son like you.”

“God bless you, kid. Tama yan always be grateful sa kahit anumang blessing na natatanggap, kung ito man ay nice or bad. Importante sa buhay tayo ay malakas. Pag malakas tayo meron tayong chance na baguhin ang mga kasalukuyang situation basta magsumikap at magpatuloy na mangarap at magdasal.”

“Tama yan imbes na magreklamo dapat mag thank you na lang ang mga kabataan at wag magdabog pag inutusan maghugas ng pinggan.”

“Good job boy, magpasalamat pa rin dahil may kinakain kahit ano pa yan atsaka mas masusutansya naman yang kamote kesa sa kanin kaya mas mabuti yan sa kalusugan.”

“Ang mga kabataan ngayon puro na lang reklamo, bihira na lang ang mga katulad mong nagkukusang maghugas ng pinggan kahit kamote lang kinain. Yung iba diyan ang sarap na nga ng ulam nagagalit pa pag inutusan.”

Credit: Facebook / Jhon Errol Mampusti

Maraming netizens ang naka-relate sa sitwasyon ni Jhon at aminadong nakaranas rin na kamote lang ang kinakain dati. Huwag daw basta maliitin ang kamote dahil masustansya ito, at mas masustansya pa nga daw kaysa sa kanin.

Isang magandang halimbawa si Jhon sa mga kabataan na maging mapagpasalamat sa lahat ng bagay. Ang simpleng pagkakaroon ng pagkain sa hapag ay malaking biyaya na kaya’t huwag magreklamo. Gawing motibasyon ang kahirapan upang magsumikap sa buhay, upang sa susunod ay makakain na ng masarap at masuklian ang paghihirap ng mga magulang.

Leave a Reply