Ang pagkakaroon ng maputing balat ay basehan ng kagandahan para sa marami, ngunit hindi pala lahat ng maputi ay maituturing na normal dahil may isang kondisyon kung saan ang isang tao ay nagtataglay ng mala-niyebeng kaputian ng balat kasama ang buhok nito. Ang kondisyon na ito ay karaniwang kilala at tinatawag bilang ‘anak-araw’ dito sa Pilipinas.
Si Amina Ependievan ay isang 11 year old Russian na may kondisyon na albinism. Isa itong kondisyon sa katawan ng isang tao kung saan may kakulangan siya sa melanin na nagdulot ng sobrang kaputian ng balat at mga buhok. Ang melanin ang tumutukoy sa kulay ng balat, buhok at mata ng isang tao, tumutulong rin ito upang maprotektahan ang tao sa init ng araw, pagkasunog ng balat at pagkakaroon ng skin cancer. Ang mga taong may albinism o kakulangan sa melanin ay sensitibo sa init ng araw at delikado para sa kanila ang sobrang mainitan dahil mataas ang tyansa nilang magkasakit sa balat.

Tila nakakalungkot ang magkaroon ng ganitong kondisyon ngunit sino ang mag-aakalang magiging daan pala ito kay Ependievan upang siya ay madiskubre. Dahil sa kanyang kondisyon sa balat, naging dahilan ito upang umangat ang kanyang kakaibang kagandahan na napansin ng isang photographer at pinuri ng maraming netizens.
Si Amina Arsakova ay isang photographer, nadiskubre nya si Ependievan matapos makakita ng isang larawan nito at agad na napahanga sa taglay nitong natatanging kagandahan. Agad na hinanap ni Arsakova ang teenager at hindi naman siya nabigo dahil nakuha niya ang numero ng ina ni Ependievan at agad na pinaalam ang interes niyang makuhanan ito ng mga litrato.

Pinaunlakan naman siya ni Ependievan at pamilya nito kaya hindi na pinatagal ni Arsakova at agad na nagdaos ng photoshoot para sa dalaga. Napag-alaman ni Arsakova na bukod pala sa kondisyon nito sa balat ay meron pa itong kondisyon sa mata na tinatawag na heterochromia kung saan magkaiba ang kulay ng dalawang mata. Makikita sa larawan na ang kanang mata ni Ependievan ay kulay asul habang ang kaliwa naman ay kulay brown o tsokolate.
Ang dalawang kondisyong taglay ni Ependievan ay mas nagbigay pa sa kanya ng kagandahan na angat sa marami. Lalong humanga at nabilib si Arsakova dahil bukod sa maganda na ito sa personal ay maganda rin ang rehistro ng itsura ng teenager sa camera at mga larawan na bagay maging modelo.

Matapos makuhanan ng mga larawan ay agad na ibinahagi ni Arsakova ang kanyang mga kuha sa kanyang instagram account na umani ng maraming pagpuso at mga magagandang komento patungkol sa kakaibang kagandahan ni Ependievan. Katulad niya, marami ring tao ang itinuring na kagandahan ang kondisyon ng bata.
“Wow! Angel na angel yung dating.”
“Ang ganda niyang anak-araw parang si Mama Mary.”
“Para siyang diwata sa mga Hollywood fairytale movies.”
“Tao ba yan parang anghel na bumaba sa lupa.”
“Para siyang diwata, sobrang ganda niya.”

Naging masaya si Araskova sa naging resulta ng kanyang simpleng paghanga para sa dalaga. Hangad niya na mas maging malawak pa ang pag-unawa at paghanga ng mga tao sa mga katulad ni Ependievan na may parehong kondisyon. Imbes na ituring silang pangit o abnormal ay mas mabuting huwag silang husgahan at sa halip ay palakasin ang kanilang loob.
Masaya rin si Ependievan at ang kanyang pamilya dahil nagkaroon sila ng pagkakataon na ipakita sa mga tao ang ganitong klaseng kondisyon. Dahil rin sa mga larawan at mga papuri mula sa marami ay lumakas rin ang loob ng teenager patungkol sa kanyang itsura at mas naging komportable na humarap sa mga tao.

Isang patunay si Ependievan na ang pagiging kakaiba ay hindi basehan upang matawag na pangit o abnormal. Ang pagkakaroon ng kakaibang kondisyon ay maaari ring maging daan upang umangat sa marami. Huwag maliitin ang sarili dahil maraming tao sa paligid ang maaaring makapansin sa iyo at ituring na kagandahan ang iyong pagiging iba. Ikaw mismo sa sarili mo ang unang tumanggap sa iyong kondisyon at gawin itong motibasyon upang mahalin ang sarili at magtagumpay.