5-Year-Old na Nakatira sa Pedicab, Hinangaan Dahil Pursigido sa Pag-aaral Kahit Salat sa Buhay

Importante sa isang estudyante na magkaroon ng kumportableng lugar upang makapag-aral. Madalas ay sa loob ng tahanan at may sariling kwarto ang mga ito upang makapag-aral ng mabuti ngunit paano kung wala? Tulad na lamang ng nag-viral na batang babaeng ito.

Si May Bayaga ay isang limang taong gulang na estudyante na walang sariling tahanan o kwarto, ngunit pursigido pa ring mag-aral ng mabuti. Nakuhanan siya ng larawan habang nagsasagot ng kanyang module sa ilalim ng puno, katabi ng kanilang itinuturing na tahanan, isang pedicab.

Credit: GMA Public Affairs

Ang pamilya ni May ay salat sa buhay kaya naman wala silang sariling tahanan at nakatira lamang sa maliit na pedicab. Ang kanyang mga magulang ay pangangalakal ang hanapbuhay kung saan umaasa lamang sa mga napupulot na basura ang panggastos nila sa araw-araw.

Maliit lamang ang pedicab nila kaya naman wala siyang espasyo sa loob nito para makapag-aral ng mabuti. Bukod sa maliit at masikip dahil laman nito ang kanilang mga gamit, mainit din sa loob kaya naman napili ng batang si May na sa katabing puno gumawa ng kanyang module.

Credit: GMA Public Affairs

Masipag na nagsasagot si May sa kabila ng kawalan niya ng lugar sa pag-aaral. Tinutulungan naman siya ng kanyang ina na magsagot ng kanyang module. Mahirap man ang kanilang sitwasyon, alam nilang importante ang edukasyon kaya’t hindi nila alintana ang kawalan ng maayos na tahanan.

Maraming netizens ang naantig sa pagiging determinado ng batang si May dahil bihira lamang ang batang tulad niya na masikap na nagsasagot ng module. Madalas daw kasi sa mga bata ay tinatamad magsagot ng module at umiiyak pa. Humanga rin sila sa kanyang magulang dahil kahit salat sa buhay ay hindi nito pinahinto sa pag-aaral ang anak at tinutulungan pa ito sa kanyang module.

Credit: GMA Public Affairs

“Ang kanilang kahirapan ang siyang pinaghuhugutan para sa kanyang magandang kinabukasan. Mag-aral kang mabuti bata, malayo ang mararating mo sa buhay.”

“Proud of you baby girl. God bless you.”

“Ang batang ito ay isang magandang halimbawa sa mga kabataan, sana matulungan sila ng gobyerno na mabigyan ng bahay dahil kawawa nman kung palaging sa tabi lang siya magmo-module, paano kung umuulan diba.”

“Keep it up, child. I hope you pursue whatever you want in your life. God bless you and your family.”

“Ito ang tunay na salamin ng buhay ng Pilipino na kahit mahirap alam nila na edukasyon ang makakapag-ahon sa kanila sa kahirapan.”

Credit: GMA Public Affairs

Ang viral na larawan ni May ay nakaabot sa programang Unang Hirit kaya naman nagpaabot sila ng tulong kay May at sa kanyang pamilya. Binigyan nila si May ng mga gamit na makakatulong sa kanyang pag-aaral tulad ng mga notebook, papel, lapis, krayola at iba pang school supplies. Bukod dyan ay binigyan rin siya ng sariling lamesa at upuan upang mas maging kumportable ang kanyang pag-aaral.

Masaya rin ang pamilya ni May dahil nakatanggap din sila ng mga groceries, tulad ng bigas, mga delata, noodles at marami pang iba. Napakalaking tulong daw nito para sa kanilang araw-araw dahil hindi na sila mamomroblema kung saan maghahanap ng kakakinin.

Credit: GMA Public Affairs

Nakakalungkot isipin na marami pa rin talagang pamilya sa Pilipinas ang salat sa buhay at nakakaranas pa rin ng maraming kakulangan. Ngunit kahit salat ay nagsusumikap pa rin sila sa buhay at hindi umaasa sa ibang tao. Wala mang sariling tahanan na maayos at kahit pangangalakal lamang ang ikinabubuhay ay hindi nawala ang kanilang interes sa pag-aaral at patuloy na nangangarap.

Isang inspirasyon ang batang si May para sa lahat ng bata na mag-aral ng mabuti kahit mahirap. Hindi hadlang ang kawalan ng bahay upang ikaw ay tamarin, bagkus ay gawin itong motibasyon upang mabago ang iyong buhay. Para sa mga batang may maayos na tahanan at may kumportableng lugar upang makapag-aral, nawa ay magpasalamat sila dahil sila ay maswerte at mas lalo pang magsipag sa pag-aaral.

Leave a Reply