Grade 5 Student, Nag-Apply Bilang Janitor Para Makabili ng Proyekto sa School

Madalas sa mga kabataan ngayon ay namumuhay ng kumportable dahil suportado ng mga magulang ang kanilang mga pangangailangan. Madalas ay makikita natin sila na bukod sa nag-aaral ay naglalaro o aktibo sa social media. Ngunit isang estudyante ang nagpamangha sa mga netizens nang ito ay mag-apply ng trabaho bilang janitor imbes na maglaro na lamang.

Ibinahagi ni Chriszel Singson Vicente, isang empleyado ng insurance company, ang mga larawan at kwento ng isang estudyante na nais magtrabaho bilang janitor sa kanilang kompanya. Agad na nag-viral ang kanyang post na umani ng maraming pagkamangha at papuri mula sa mga netizens.

Si Kervy James Villarejo ay isang Grade 5 student mula sa Jose Catolico Sr. Elementary School, General Santos City. Naglakas-loob siyang mag-apply na janitor sa isang insurance company dahil sa kagustuhan niyang makabili ng kanyang project para sa school.

Credit: Parent Circle

Ayon kay Chriszel, napansin nilang may isang bata na naka-uniporme ang kumakatok sa pinto ng kanilang opisina. Nagtaka daw sila kung bakit may estudyanteng kumakatok kung kaya’t lumabas siya para tanungin ito kung bakit. Laking gulat niya ng bigla nitong sabihin na nais nitong maging janitor, maglilinis daw ito kapalit ng pera pambili ng kanyang proyekto na kailangan niya sa paaralan.

“Siya po ay kumatok sa pinto ng opisina namin, nagtatanong kung may ipapagawa daw kami (mop sa sahig, walis or may ipapalinis). Yung perang malilikom niya ay ipambibili ng project sa school,” saad ni Chriszel.

Humanga si Chriszel at ang kanyang mga ka-opisina sa kagustuhan ni Kervy na magtrabaho kahit sa murang edad nito. Makikita daw ang determinasyon nito na kumita ng pera ng araw na iyon para lamang makabili ng kailangang proyekto.

Credit: Facebook / Chriszel Singson Vicente

Ayon kay Kervy, wala na umano siyang mga magulang dahil ang kanyang tatay ay pumanaw na at ang kanyang nanay naman ay may iba ng pamilya. Siya ay nakatira sa kanyang lola kasama ang tatlo niya pang kapatid sa nanay. Mahirap ang kanilang buhay dahil hindi sila sinusuportahan ng kanyang nanay dahil nga may iba na itong pamilya at tanging lola niya na lang ang bumubuay sa kanila.

Dahil salat sa buhay at walang maibigay ang kanyang lola na pambili ng kanyang proyekto kaya naisipan niyang mag-apply bilang janitor sa insurance company. Kumatok siya at nag-bakasakali na pagbigyan siyang maglinis ng kanilang opisina kapalit ng konting pera pambili ng kanyang proyekto. Hindi naman nabigo si Kervy dahil pinagbuksan siya ng pinto ng mga ito.

Natuwa si Chriszel at kanyang mga ka-opisina kay Kervy kaya naman hindi na nila ito pinaglinis at binigyan na lamang ng perang kailangan para sa proyekto. Bihira lamang daw ang batang katulad nito kaya sa simpleng paraan ay nais nilang makatulong ng walang kapalit basta’t mag-aral lamang ito ng mabuti.

Credit: Facebook / Chriszel Singson Vicente

“Hindi po namin siya pinalinis. Hehe! Kinausap na lang namin. Babalik daw po siya para ipakita yung project na nabili.”

Napag-alaman din nila Chriszel na pangarap pala ni Kervy na makapagtapos ng pag-aaral at maging piloto. Hangad nilang matupad nito ang kanyang mga pangarap at maging matagumpay sa buhay.

“God Bless your future Pilot Kervy… maka amaze bata, keep it up Kervy,” saad ni Chriszel. Hindi naman napigilan ng netizens ang mag-komento dahil sa pagkamangha sa ipinakitang determinasyon ni Kervy:

“It is really touching and admirable kid who have a big dream that nothing can stop him to make it come true.”

“Wow. God bless you more, Kervy. Ito ang gaganahan kang tulungan kaysa sa iba diyan dahil makikita mo talaga na pursigido ang bata.”

“God bless Kervy! Ang mga bata na kagaya mo malayo ang mararating sa buhay hanga ako sayo.”

“I salute this kid! Although he is young but still he have the courage and strength to find solution finding a way solving his needs for school. This child soon will have a very bright future.”

Credit: Leading Edge Aviation

“Naiyak ako sa batang ito! Kahanga-hanga ang batang may determinasyon sa buhay. Sana maabot mo ang hangarin mo sa buhay. Mabuhay ka iho at gagabayan ka ng Panginoong Diyos.”

“Bless your heart. May God put you where you will prosper and be a blessing to others, extend the help you have received to people in the future you can be able to help too. God bless kid. Don’t let the dark part of the world ruin your dreams and loving heart.”

Marami ring netizens ang nagpasalamat sa tulong ni Chriszel at kanyang mga taga-opisina dahil imbes na itaboy ang bata ay pinapasok pa nila ito sa opisina, inalam ang kanyang kwento at binigyan ng tulong. Hangad din ng netizens na sana ay matulungan si Kervy at kanyang pamilya, at sana ay makatanggap siya ng scholarship dahil sa determinasyon niyang makapagtapos at maabot ang kanyang mga pangarap.

Tunay na inspirasyon ang batang si Kervy sa lahat ng estudyante at kabataan. Ipinakita niyang basta’t may determinasyon at pursigido ay may paraan at huwag lang basta maghintay at umasa sa ibang tao. Hindi hadlang ang pagiging salat sa buhay para huminto, kundi gawin itong motibasyon upang mas magsumikap pa.

Leave a Reply