Lolo, Nakiusap na Bilhin ang Kanyang Paninda Dahil sa Sobrang Gutom

Ang paghahanap-buhay sa panahon ngayon ay sadyang napakahirap na kahit ang simpleng pagtitinda ay hindi na rin ganun kadali. Maswerte na maituturing kung kahit isang benta ay mayroon ngunit kung wala talaga ay gutom ang aabutin katulad na lang ng isang lolo na nakita ng isang concerned citizen.

Ibinahagi ni Ronald Ancero Casil ang isang video kung saan mayroong lolo na nagtitinda sa harap ng simbahan ng mga halaan. Napag-alaman niyang hindi pa ito kumakain dahil wala pa itong benta kahit isa kaya naman hindi na nito napigilan na makiusap sa kanya.

Habang naglalakad daw si Ronald ay nagulat daw siya ng bigla siyang kausapin ng matanda at nakikiusap na bumili ng paninda nitong mga halaan. Agad daw siyang nakaramdam ng awa para dito dahil halatang gutom na gutom na ito kung kaya’t nanginginig na.

Credit: Facebook / Ronald Ancero Casil Official

“Nahihilo na ako, bumili ka para may makain ako, hindi pa ako kumakain,” nakikiusap na sabi daw sa kanya ng lolo.

Napag-alaman ni Ronald na ang matanda ay nagngangalang Lolo Tony Pano at ito raw ay 72 taong gulang na. Kailangan daw nitong maghanapbuhay kahit matanda na dahil wala na itong pamilya at tanging apo na lamang niya ang kasama niya sa buhay. Umaasa na lamang daw si Lolo Tony sa pagtitinda ng halaan upang may pambili sila ng pagkain ng kanyang apo at makaraos sa araw-araw.

Ang pagtitinda ng halaan lang daw ang tanging hanapbuhay na kayang gawin ni Lolo Tony dahil sa edad niya. Pinagtiyatiyagaan niyang magtinda nito kahit limang piso lamang ang kinikita basta’t may mapagkunan lang para sa kanilang araw-araw. Siya raw ay taga Panas, Candijay, Bohol kaya’t hindi rin siya pwedeng umuwi ng walang benta dahil kailangan niya ng pamasahe pauwi.

Credit: Facebook / Ronald Ancero Casil Official

“Gutom na gutom na raw siya dahil hindi pa siya kumain, kulang pa daw pamasahe niya pauwi sa pinanggalingan niya,” saad ni Ronald.

Dahil sa kwento ni Lolo Tony ay nag-abot siya ng kaunting tulong dito upang makabili na ng pagkain at makakain na ito. Nakakaawa rin daw tingnan si Lolo dahil dinadaan-daanan lamang ito ng mga tao at walang pumapansin sa mga paninda nitong halaan. Pinangakuan niya rin ito na kung sakaling magkita ulit sila ay tutulungan nya ito muli.

Bilang isa rin siyang apo at may lolo rin, matindi talaga ang awa na naramdaman ni Ronald para sa matanda. Hindi niya lubos akalain na sa edad nito ay nagsusumikap pa rin itong maghanapbuhay kung saan ay lubos niyang hinangaan.

Credit: Facebook / Ronald Ancero Casil Official

Kinuhaan naman siya ng video ni Ronald hindi upang ipagmayabang ang kanyang tulong kundi para manawagan sa mga taong matulungan rin si Lolo Tony. Hindi niya raw palaging matutulungan ang matanda kaya’t nag-aalala siya para rito kaya naman naisipan niyang ibahagi ang kwento ni Lolo sa social media upang marami pang tumulong dito.

Hindi naman nabigo si Ronald dahil maraming nakapanuod ng video at nakapansin ng kanyang panawagan kaya naman maraming nagpaabot ngtulong kay Lolo Tony. Lubos naman ang pasasalamat ni Lolo Tony sa lahat ng tumulong sa kanya dahil malaking bagay na ito para sa kanila ng kanyang apo.

Credit: Facebook / Ronald Ancero Casil Official

“Maraming salamat sa inyong suporta, mabuhay po kayong lahat! Sana matulungan ulit natin si Tatay at mabigyan din natin ng mga blessings kagaya ng iba nating pinuntahan,” saad ni Ronald.

Nakakalungkot man isipin na may mga tao pa ring katulad ni Lolo Tony na kahit matanda na ay patuloy pa ring kumakayod dahil sa kahirapan. Imbes na nagpapahinga na lamang siya ay pilit siyang nagsusumikap sa pagtitinda ng halaan upang may makain sila ng kanyang apo. Umaraw man o umulan ay tuloy lang syia sa paghahanapbuhay. Kahit pa nasa gitna ng pandemya ay hindi ito naging balakid sa kanya upang huminto dahil mas importante kay Lolo na may makain sila.

Leave a Reply