Lolo, Matiyagang Pinayungan ang Apong Nagmo-Module Dahil sa Bundok Lang may Signal

Sinasabing ang pagmamahal ng mga matatanda para sa kanilang mga apo ay sadyang napakalaki, na minsan ay higit pa daw sa pagmamahal nila sa kanilang mga anak. Itinuturing ang mga lola at lolo bilang isa sa pinakamabait na myembro ng pamilya dahil sa taglay nilang pagmamahal para sa mga apo, tulad na nga lang ng lolo na ito na nag-viral.

Nag-viral ang mga larawan ng isang lolo na pinapayungan ang kanyang mga apong nag-aaral. Siya ay kinilalang si Lolo Arnulfo na maituturing na isang mapagmahal na lolo sa kanyang mga apo. Ang mga larawan ay ibinahagi ng isang guro sa Senior High na si Teacher Jorge Tejada, mula sa Genitingan Baras, Catanduanes. Ayon kay Teacher Jorge ay nakita nya si Lolo Arnulfo at ang mga apo nito na naglalakad at paakyat umano ng bundok upang makakuha ng signal para sa pag-aaral.

Credit: Facebook / Jorge Tejada

Ang kawalan ng signal sa mga probinsya ay hindi na bago, ito ay isa sa mga pangunahing problema ng mga tao sa probinsya dahil mahirap makipag-komunikasyon kung walang signal. At dahil sa pandemya, naging problema na rin ito para sa mga estudyanteng nag-aaral. Importante kasi ang signal upang makagamit ng internet ang mga bata upang makapag-search ng kanilang mga aralin at makipag-komunikasyon rin sa kanilang guro.

Napagdesisyunan ni Teacher Jorge na sumama kanila Lolo Arnulfo paakyat ng bundok kung saan may signal. Ikinagulat nga niya na hindi lang pala ihahatid ni Lolo ang mga apo sa bundok, kundi sasamahan niya ang mga ito hanggang sa matapos na gawin ang kanilang mga modules. Hindi lang ito basta naghintay dahil pinayungan niya rin ang mga apo upang hindi mainitan mula sa sikat ng araw at upang kumportableng magawa ang mga gawain.

Bumilib umano siya kay Lolo Arnulfo dahil makikita ang pagmamahal nito sa kanyang mga apo. Madalas mga magulang ang nag-aasikaso o tumutulong sa pag-aaral ng mga anak, ngunit iba si Lolo Arnulfo. Imbes na magpahinga na lamang ito sa bahay dahil matanda na, mas pinili nitong samahan ang mga apo sa bundok na mag-module at payungan ang mga ito.

Credit: Facebook / Jorge Tejada

Ayon kay Lolo Arnulfo, kung mayroon lamang daw silang signal sa kanilang lugar ay hindi na sana mahihirapan pa ang mga apo niya sa pag-aaral. Ngunit dahil wala silang signal ay kailangan nilang maglakad ng malayo at umakyat ng bundok upang magkaroon ng signal na kailangan ng mga apo niya sa pag-aaral.

Masipag ang kanyang mga apo at pursigido sa pag-aaral kaya naman ang tanging magagawa niya lang ay suportahan ang mga ito. Ayaw niyang hayaan lang ito na pumunta sa bundok ng mag-isa dahil delikado at mga bata pa, kaya pinili niyang samahan sila hanggang sa matapos ang module. At dahil walang masisilungan sa bundok, matiyaga niyang pinayungan ang mga apo upang maprotektahan sa init ng araw.

Credit: SVG

Bukod kay Teacher Jorge, marami ring netizens ang bumilib at naantig sa pagmamahal ni Lolo Arnulfo sa kanyang mga apo. Hindi napigilan ng mga ito na magbigay ng mga papuring komento.

“This grandparent values education so much. Salute po, Lolo!”

“Iba talaga magmahal ang mga lola at lolo, da best!”

“Love this… may butihing loob at talagang mapagmahal sa mga apo.”

“Napakaswerte ng mga apo sa kanilang Lolo. Pagbutihin n’yo ang pag-aaral upang masuklian nyo si Lolo sa kabaitan at pagmamahal niya sa inyo.”

“Isa kang dakilang lolo, Lolo Arnulfo. Dapat kang pasalamatan ng kanilang mga magulang dahil napakabait mo. God bless po at stay safe kayo ng mga apo mo sa bundok.”

Credit: Facebook / Jorge Tejada

Hindi rin naiwasan ng mga netizens na magpahayag ng hinaing sa gobyerno dahil maraming bata ang nahihirapan sa pag-aaral dahil sa kawalan ng signal sa mga probinsya at hindi nasosulusyunan.

“Dapat makapagpatayo ng cell tower sa mga probinsyang walang signal dahil kawawa naman ang mga bata nahihirapan sila sa pag-aaral.”

“Anong ginagawa ng gobyerno, kawawa naman ang mga bata aakyat pa ng bundok para lang sumagap ng signal baka mapahamak pa yan sila.”

“Sana naman mapagtuunan ng pansin ang signal sa lugar nila at sa lahat ng probinsya na walang signal. Sobrang hirap po mag-aral pag walang signal.”

Credit: iStock

Tunay na kahanga-hanga si Lolo Arnulfo dahil sa ipinakita niyang pagmamahal para sa kanyang mga apo. Hindi niya ininda ang kanyang edad para masuportahan sila sa pag-aaral at hindi ito naging hadlang upang samahan sila at umakyat ng bundok. Hangad niya na sana ay magkaroon ng maayos na signal sa kanilang lugar upang hindi na mahirapan ang kanyang mga apo at iba pang estudyante sa kanilang pag-aaral.

Leave a Reply