Anak ng Tanod at Kasambahay, Proud na Nakapagtapos Bilang Cum Laude

Marami na ang nagpatunay na ang estado sa buhay ay hindi hadlang upang maabot ang pangarap, sa halip ito ay ginawang motibasyon para magsumikap at maging determinado. Si Jhonrick Catindoy Orense ay proud na anak ng isang barangay tanod at kasambahay. Hindi niya ikinahiya ang pagiging mahirap at ang pagkakaroon ng payak na trabaho ng kanyang ama’t ina. Buong pagmamalaki niyang ipinakita na napagtapos siya ng mga ito kahit na kapos sila sa buhay.

Hindi lang basta nakapagtapos ang binatang si Jhonrick dahil nagkamit rin siya ng karangalan bilang Cum Laude. Siya ay nakapagtapos sa International Peace Leadership College sa Tanay, Rizal sa kursong Bachelor of Arts in Journalism. Ngunit bago niya narating ang tagumpay ng pagtatapos at pagiging Cum Laude, dumaan muna siya sa maraming pagsubok lalo na sa pinansyal na pangangailangan. Sa una pa nga raw ay muntik na siyang hindi makapag-aral ng kolehiyo at pinakukuha na lamang siya ng kanyang mga magulang ng TESDA upang hindi masyadong magastos at mabilis siyang makakapagtapos.

Credit: Facebook / Jhonrick Catindoy Orense

Ang TESDA o Technical Education and Skills Development Authority ay pinapatakbo ng gobyerno kung saan ay nag-aalok ng ibat-ibang vocational courses na maaaring matapos ng dalawang buwan hanggang dalawang taon. Ito ay magandang pamalit para sa mga hindi kayang mag-kolehiyo ngunit gusto pa ring mag-aral.

“Nak, mag-TESDA ka na lang.”

“Magtrabaho ka na lang muna.”

“Wala pa tayong pera.”

Ilan yan sa mga sinabi ng kanyang magulang dahil hikahos sila sa buhay at hindi kakayanin ng pamilya ang gastusin sa pag-aaral ng kolehiyo. Subalit naging matigas daw ang ulo ni Jhonrick kaya hindi niya sinunod ang utos ng mga ito at piniling mag-aral kaya naman gumawa siya ng paraan para kahit papaano ay mabawasan ang gagastusin sa kanya ng mga magulang sa kolehiyo.

Credit: Facebook / Jhonrick Catindoy Orense

Upang mairaos ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo ay nag-apply si Jhonrick ng scholarship. Naghanap rin siya ng ibat-ibang pagkakakitaan o raket upang may pandagdag sa kanyang mga gastusin sa paaralan.

“Gumagawa din po ako ng logo ng mga student organizations, paintings like murals, tapos minsan nagju-judge at nagiging speaker din po ako ng mga workshops (related to arts),” saad ni Jhonrick.

Ginawang inspirasyon ni Jhonrick ang kanyang mga magulang upang magsumikap sa kanyang pag-aaral dahil gusto niyang ipakita sa mga tao na kahit simpleng barangay tanod at kasambahay lamang ang kanyang ama’t ina ay kaya nilang makapagtapos ng isang anak sa kolehiyo.

Credit: Facebook / Jhonrick Catindoy Orense

Nagsumikap si Jhonrick upang magkaroon ng magandang trabaho at makapag-ipon dahil gusto niyang maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya. Ayaw niya na raw maulit at maranasan pa na walang laman ang kanilang lagayan ng bigas dahil nakakalungkot daw itong makita. Hindi niya rin gustong nagbabaon lamang ng asin ang kanyang ama sa trabaho bilang ulam at ang kanyang ina naman ay kamatis at kape lang.

Bilang isang anak, masakit para sa kanya na nahihirapan ang parehong magulang para lang mairaos ang kanyang pag-aaral, kaya naman bilang kabayaran ay pinagbutihan niya ang pag-aaral na naging resulta ng pagtatapos at pagiging Cum Laude.

Credit: Facebook / Jhonrick Catindoy Orense

Masayang-masaya naman ang mga magulang ni Jhonrick para sa kanyang nakamit na tagumpay. Hindi nila lubos akalain na makakapagtapos sila ng anak sa kolehiyo dahil nga sa hirap ng buhay nila. Nagpapasalamat sila sa kanilang anak dahil hindi ito sumuko at hindi nagpadala sa kanilang estado at ginawa pa nga itong inspirasyon. “Just like you, I am just an ordinary person but I chose to do things extraordinary,” aniya.

Isang inspirasyon si Jhonrick na lahat ay may kakayahan na makamit ang mithiin at magtagumpay.

“Huwag mong sayangin ang bawat oportunidad na ibinibigay sayo lalo na kung walang dahilan para tanggihan mo ito. Humingi ka ng tulong sa nasa Itaas. Gamitin mo namang gabay ang pamilya mo sa pagtupad ng mga pangarap mo.”

Leave a Reply