16-Year-Old Pinay Scientist, Nadiskubre ang Benepisyo Ng Aratiles Bilang Gamot sa Diabetes

Ang sakit na diabetes ay isang mapanirang sakit sa kalusugan na nagreresulta sa panghihina ng katawan, pagkabulag, pagkabingi, sakit sa balat, sakit sa bato, pagkaputol ng bahagi ng katawan at marami pang iba.

Mayroon ng ibat-ibang medisina ang pwedeng makatulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng diabetes o mabawasan ang sakit na dulot nito sa katawan ng tao. Ngunit ang pagpapagamot ng sakit na ito ay hindi birong gastusin at hindi lahat ng tao ay may kakayanan sa pera.

Kaya naman hinahangaan ng marami ang isang 16 year old na estudyante ng Iloilo National High School, matapos niyang madiskubre ang pambihirang benepisyo ng isang prutas na maaaring gamitin upang magamot ang dalawang uri ng diabetes.

Credit: Positively Filipino

Ang batang scientist ay si Maria Isabel Layson na gumawa ng masusing pag-aaral at pagsusuri sa prutas na “aratiles”. Ang aratiles ay isang simpleng prutas at kadalasang hindi pinapansin. Para kay Isabel, hindi lang ito basta-bastang prutas na pwedeng balewalain dahil mayroon pala itong pambihirang benebisyo sa kalusugan ng tao.

Isa sa mga dahilan ni Isabel upang pag-aralan ang nasabing prutas at pagiging desidido niya na maging gamot ito ay dahil marami pala sa kanyang pamilya ang dumanas ng sakit na diabetes. Mahirap para sa kanya na makita ang kanyang pamilya na pinapahirapan ng sakit na ito kaya naman nais niyang makatulong sa pamamagitan ng pagdiskubre sa bagong gamot.

Credit: Utkal Today

Isang malaking pagsubok para kay Isabel na gawin ang kanyang pag-aaral ng aratiles bilang gamot sapagkat kailangan niyang magpabalik-balik sa Maynila upang makumpleto ang kanyang pagsusuri at pag-eeksperimento sa Food and Nutrition Research Institute Laboratory. Dito ay pinag-aralan niya ang antioxidant at anti-diabetic components ng aratiles.

Hindi rin naging madali para sa kanya na pagsabayin ang kanyang pag-aaral dahil estudyante pa lamang siya. Ngunit hindi siya nagpatinag at nagpatuloy lamang sa kanyang ginagawa dahil alam niyang may magandang maidudulot ang kanyang pagsasaliksik at marami itong matutulungan tao sa mundo.

Credit: Science Times

Sa kabutihang palad ay hindi nga nabigo si Isabel at nagbunga na ang kanyang matagal na pag-aaral sa aratiles. Nadiskubre niya ang magandang source ng antioxidant na mayroon ang prutas na makakatulong upang maiwasan ang type 2 diabetis mellitus sa pamamagitan ng pag-iwas ng postprandial hyperglycemia o ang pagtaas ng blood sugar pagkatapos kumain.

Nanalo ang research ni Isabel bilang “Best Individual Research in Life Science” sa Department of Education’s 2019 National Science and Technology Fair. Bukod diyan ay nakatanggap rin siya ng “Young Scientist Award” mula sa Gokongwei Brothers Foundation. Ang mga papuri at parangal na kanyang natanggap ay nararapat lamang para sa kanya dahil sa kanyang bukod tanging talino at determinasyon na nagbigay ambag sa larangan ng siyensya at medisina.

Credit: Manila Papers

“You don’t join research competitions just because you want to win. You have to see, if I join this competition and after, you must have a goal. After this competition, I want to help this kind of population,” saad ni Isabel.

Magandang sumali sa mga kompetisyon dahil sa mga parangal at papuri na maaari mong matanggap, ngunit higit pa sa parangal ang katotohanang makakapagpabago ka ng buhay dahil sa iyong imbensyon o nadiskubre.

“My research won’t end here. It will actually further develop into more specific compounds. This will help the community in the future,” dagdag niya pa.

Credit: Facebook / Maria Isabel Layson

Ang batang katulad ni Isabel ay isang magandang halimbawa sa lahat ng kabataan na mabuting ilaan ang oras sa makabuluhang bagay. Magandang gamitin ang talentong ibinigay ng Maykapal at huwag lang basta sayangin dahil hindi mo alam kung hanggang saan ka madadala nito at kung gaano karaming tao ang kaya mong tulungan. Mapa-siyensya man, medisina o kahit anong talento man ang mayroon ka, huwag itong balewalain dahil may dahilan kung bakit ito ibinigay.

Leave a Reply