74-Anyos na Ina, Matiyagang Nangangalakal Para sa Na-Stroke Niyang Anak

Ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak ay hindi matatawaran. Gagawin nito ang lahat upang mapalaki ito ng maayos at maibigay ang pangangailangan kahit gaano pa man kahirap. Ngunit hanggang saan nga ba natatapos ang responsibilidad ng isang ina? Natatapos nga ba ito kapag tumanda na ang mga anak?

Si Nanay Erlie ay 74 taong gulang at kahit matanda na ay nakakapagtakang nagtatrabaho pa rin ito imbes na magpahinga na lamang sa bahay. Bilang siya ay matanda na, ikinagulat ng marami na makita itong nangangalakal ng basura kung saan hindi birong trabaho para sa isang matanda na tulad niya.

Credit: Facebook / Chee Presbitero

Ibinahagi ni Chee Presbitero sa kanyang Facebook account ang kwento ni Nanay Erlie. Napag-alaman na may malalim palang dahilan kung bakit nagsusumikap na mangalakal ng basura si Nanay Erlie. Ito ay dahil mayroon siyang binubuhay na anak kung saan mayroon itong karamdaman na stroke.

Bilang isang mapagmahal at mapag-arugang ina, hindi kayang tiisin ni Nanay Erlie ang may sakit na anak. Kaya naman napag-desisyunan niyang mangalakal na lamang dahil ito na lang ang kaya niyang gawin na hanapbuhay. Nagsusumikap siyang mangalakal ng mga basura, mainit man o kahit sa gitna pa ng pandemya para lamang kumita ng kahit konti. Ang kinikita niya sa pangangalakal ay pinagkakasya niya upang makabili ng kanilang pagkain sa araw-araw. Bukod pa diyan ay pinagkakasya niya rin ang kakarampot na kita upang makabili ng gamot at diaper para sa anak na may stroke.

Credit: Facebook / Chee Presbitero

Mayroon din namang mga kapitbahay na nagpapaabot ng konting barya sa kanya kapag siya ay nakikita na lubos niyang pinagpapasalamat. Ngunit dahil mahal ang gamot at diaper para sa anak na may stroke ay nahihirapan parin si Nanay Erlie na mapunan ang kanilang mga pangangailangan.

Dahil hindi sapat ang kinikita ni Nanay Erlie sa pangangalakal ng basura ay humingi ito ng tulong kay Chee upang manawagan ng konting tulong para sa kanya at para sa gamot at pang-diaper ng kanyang anak na may stroke. Dahil dalawa na lang sila ng kanyang anak sa buhay, hindi niya kayang iwan ito sa ganung kalagayan, kaya naman kumakatok siya sa puso ng mga netizen na mapansin ang sitwasyon ng kanyang anak.

Credit: Facebook / Chee Presbitero

Ang munting hiling ni Nanay Erlie kay Chee ay agad naman nitong tinugunan at ginamit ang kanyang Facebook account upang manawagan ng tulong para sa mag-ina.

Aniya sa kanyang post, “Hanggang kailan ba matatapos ang responsibilidad ng isang ina? Pag malaki na ang anak nila? Pag napagtapos na ng pag-aaral?Pag may trabaho na ang anak? O pag may sarili na itong pamilya? Hindi… ang responsibilidad ng isang ina ay natatapos lamang sa kanyang kamatayan.”

Iyan ang naging pahayag ni Chee sa kanyang Facebook para makatawag ng pansin sa mga netizes upang matulungan si Nanay Erlie at kanyang anak. Hindi naman nabigo si Chee dahil maraming nakapansin ng kanyang panawagan at agad na bumuhos ang tulong para sa mag-ina.

Credit: Facebook / Chee Presbitero

Lubos ang pasasalamat ni Chee, lalo na si Nanay Erlie sa lahat ng mga netizens na may mabubuting puso na nagpaabot ng tulong para sa kanila. Ang simpleng pagtulong na ito ay malaking bagay na para sa mag-ina upang maibsan ang kanilang kahirapan. Masayang-masaya si Nanay Erlie lalo na at ang pinaabot na tulong ay gagamitin niya para sa mahal niyang anak.

Tunay ngang hindi matatawaran ang pagmamahal ng isang ina para sa kanyang anak. Isang magandang halimbawa si Nanay Erlie na ang pagiging ina ay hindi lang natatapos dahil lang malaki na ang anak. Ang pagiging isang ina ay isang trabaho na dadalhin hanggang sa kamatayan dahil ang pagmamahal nito ay walang hanggan.

Leave a Reply