Mani Vendor na Gamit ang Sirang Bisikleta sa Pagtitinda, Maswerteng Nabiyayaan ng Bagong Bike

Madalas tayong makakita ng ibat-ibang street vendor sa kalsada, ang iba ay may sariling pwesto habang ang ilan naman ay matiyagang naglalako gamit ang kariton o bisikleta. Mahirap maging isang street vendor lalo na sa panahon ngayon na mayroong pandemya ngunit hindi nila ito alintana magkaroon lamang ng kita.

Si Mang Sisoy ay street vendor na naglalako ng panindang mani sa kalsada gamit ang kanyang bisikleta. Ang nakakalungkot sa kanyang sitwasyon bukod sa paglalako ay ang gamit niyang bisikleta na sira na ang gulong. Imbes na sakyan niya ito upang mapadali ang kanyang patitinda ay itinutulak niya lamang ito saan man siya magpunta.

Credit: Facebook / Franklin Ramos Mariscal

Ang kanyang kwento ay ibinahagi ni Franklin Ramos Mariscal matapos niyang mapansin ang isang lalaki na tila hirap na nagtutulak ng kanyang bisikleta. Napansin niya raw si Mang Sisoy sa South Bus Terminal habang pauwi siya at agad na napukaw nito ang kanyang atensyon dahil sa sitwasyon nito. Napag-alaman ni Franklin na isa palang mani vendor si Mang Sisoy na naglalako gamit ang bisikleta. Nagkaroon siya ng pagkakataon na kausapin ito.

Ayon dito, sumasakit daw ang kanyang likod sa matagal na pagtutulak ng kanyang bisikletang sira ang gulong kaya mapapansing hirap itong naglalakad habang naglalako ng panindang mani. Nagmula raw siya sa lugar ng Badian at dating nagtatrabaho bilang isang security guard ngunit napagdesisyunang umalis sa trabaho at magtinda na lamang ng mani bilang isang negosyo.

Credit: Facebook / Franklin Ramos Mariscal

Bukod sa kanyang sirang bisikleta, mapapansin rin ang kasamang aso ni Mang Sisoy na kasama niya sa paglalako. Ginawan niya ito ng munting duyan gamit ang kapirasong tela sa kanyang bisikleta upang mayroon itong mauupuan habang siya ay naglalako. Ang aso niyang ito ay si ‘Puppylove’ na itinuturing niyang nag-iisang pamilya sa buhay.

Para kay Mang Sisoy ay importante sa kanya ang kanyang biskleta kahit sira na ito at hindi niya na masakyan, dahil itinuturing niya rin pala ito na kanyang tahanan. Walang kakayahan si Mang Sisoy na bumili ng bagong bisikleta dahil hindi naman sapat ang kanyang kita sa pagiging mani vendor kaya naman kahit sira na ay pinagtiya-tiyagaan niya ito.

Credit: Facebook / Franklin Ramos Mariscal

Naawa at naantig ang puso ni Franklin sa hirap ng sitwasyon ni Mang Sisoy kaya naman ibinahagi niya ito sa kanyang Facebook at nagbigay panawagan. Aniya kung sino man ang makakita o makapansin kay Mang Sisoy na isang mani vendor at may tulak na sirang bisikleta ay nakikiusap siya na bumili ng kanyang panindang mani bilang tulong sa kanya at sa kanyang aso.

Agad naman nakarating ang post ni Franklin sa isang online bike shop at napagdesisyunan na biyayaan siya ng libre at bagong bisikleta. Malaking tulong ito para kay Mang Sisoy upang mas mapadali ang kanyang pagtitinda at hindi na sumakit ang kanyang likod sa pagtutulak. “His new trisikad from SIKAD TA BAI, will be used for his small business for his rolling store and will be his shelter too since he has no house to sleep with,” saad ni Franklin.

Credit: Facebook / Franklin Ramos Mariscal

Masayang-masaya si Mang Sisoy sa kanyang bagong bisikleta at lubos na nagpapasalamat sa nagbigay ng kanyang bagong bike, at ganun rin kay Franklin na naging daan upang maibahagi ang kanyang kwento at mabigyan siya ng tulong ng mga mabubuti at nagmamalasakit na mga tao.

Hindi lang si Mang Sisoy ang nabiyayaan kundi pati na rin ang kanyang nag-iisang pamilya na si Puppylove. May isang mabuting netizen kasi ang tumulong upang mapabakunahan ito. Hangad ni Mang Sisoy na masuklian ng Maykapal ang kabutihan ng lahat ng taong tumulong sa kanya. Ang simpleng pagbibigay ng atensyon at pagmamalasakit ay isa ng malaking bagay para sa isang tao na hirap sa buhay at nangangailangan ng tulong.

Leave a Reply