Madam Inutz, Bigo Man sa Lovelife, Sinuwerte Naman sa Pamilya

Nito lamang ay nag-viral ang isang online seller sa Facebook dahil sa kanyang nakakatuwang pagla-live selling. Umani siya ng maraming viewers at mga reaksyon mula sa netizens dahil sa kanyang nakakatuwang personalidad na nagustuhan ng mga manunuod.

Si Daisy Cabantog o mas sumikat sa pangalang “Madam Inutz” ay nagmula sa salitang ‘inutil’ dahil ito ang tawag niya sa kanyang mga viewers sa live selling na hindi daw nagma-mine sa kanyang mga produkto kundi puro pa-shout out lang. Imbes na mainis sa kanya ang viewers dahil sa pagmumura at pagsasabi ng salitang inutil ay mas nagustuhan pa siya ng mga ito dahil kakaiba ang kanyang diskarte sa pagtitinda.

Credit: Facebook / Daisy Lopez

Ang kanyang masayahing personalidad na nakikita sa kanyang mga live selling ang nagpasikat sa kanya ngayon. Ngunit ang pagiging masayahin pala ni Madam Inuts ay may nakatagong pagkabigo. Sa kabila ng kanyang masayahing personalidad na nakikita ng mga viewers ay pagsasakripisyo at pagkabigo pala sa pag-ibig ang nasa likod nito.

Si Madam Inutz ay maituturing na breadwinner ng kanilang pamilya kaya marami na siyang naranasang trabaho at pagsasakripisyo upang maibigay ang pangangailangan nila. Isa pang dahilan kung bakit lubos ang kanyang pagsususmikap ay dahil may sakit ang kanyang ina, na ngayon ay bedridden na. Matindi ang pangangailangan nito sa medikal kung saan ay kailangan ng malaking pera upang matustusan ang mga gamot nito.

Credit: Facebook / Daisy Lopez

Ibinahagi rin ni Madam Inutz na siyam silang magkakapatid at talagang lumaki sila sa hirap, at dahil marami sila hindi rin naging madali ang kanilang buhay. Naranasan umano ng kanilang pamilya na mag-ulam lamang ng asukal dahil walang sapat na pera pambili ng disenteng ulam. Kaya naman grabe ang kanyang pagsusumikap sa paghahanapbuhay upang hindi na nila ito maranasan pa, lalo na ng kanyang anak.

Subalit kahit hirap sa buhay ang pamilya ni Madam Inutz, hindi naman ito naging hadlang para siya ay maging malungkot. Patuloy siyang nagpapakatatag at pinapanatili ang masayang personalidad dahil nakakatulong ito sa kanyang paghahanapbuhay at masaya umano siya na nakakapagpasaya ng maraming tao.

Credit: Facebook / Daisy Lopez

Pagdating naman sa kanyang buhay pag-ibig ay matuturing na isa siyang sawi. Akala niya ay nahanap niya na ang tamang lalaki na magpapasaya sa kanyang buhay at kasama niyang bubuo ng pamilya, ngunit nagkamali siya. Nagkaroon si Madam Inutz ng kasintahang British na nakilala niya noong taong 2013 at naging maganda naman ang kanilang relasyon noong una na nagbunga pa nga ng isang anak na babae.

Ngunit hindi umano siya hinahayaan nito na magtrabaho kaya naman ay umaasa lamang siya sa mga pinapadala nito. Nais ng kanyang kasintahang Briton na alagaan niya lamang ang kanilang anak pero mahirap para kay Madam Inutz na maging simpleng housewife lamang dahil umaasa rin sa kanya ang kanyang pamilya. At nito nga lamang ay naghiwalay na sila ng kanyang kasintahan dahil sa pandemya. Hindi umano nagtagumpay ang kanilang long distance relationship at dumagdag na rin ang iba pang dahilan kung kaya’t napili na lamang nilang maghiwalay.

Credit: Facebook / Daisy Lopez

Isa pang naging problema ni Madam Inutz ay dahil sa kanilang paghihiwalay ng kasintahan, nais daw nitong kunin ang kanilang anak na labis niya namang tinutulan. Ipinaglaban niya na sa kanya ito mapunta at bilang isang ina hindi niya kayang mahiwalay sa kanyang anak. Ngayon nga na mag-isa na lamang siyang bumubuhay dito ay mas lalo pa siyang nagsusumikap sa paghahanapbuhay niya.

Ngayon ngang uniti-unti na siyang nakakabawi dahil sa kanyang live selling at inaning kasikatan sa social media ay lubos ang kanyang pasasalamat sa mga netizens na naging dahilan ng kanyang tagumpay ngayon. Malaki umano ang naging tulong ng kanyang pagiging viral dahil dumami ang tumangkilik sa kanyang live selling at may mga nagpaabot rin sa kanya ng pinansyal na tulong.

Credit: Facebook / daisy lopez

Ang mga natanggap niyang pinansyal na tulong ay kanyang itinabi sa bangko kasama ang kanyang mga ipon sa live selling. Inilalaan niya raw ito para sa kinabukasan ng kanyang pamilya lalo na para sa kanyang anak. Bigo man sa pag-ibig si Madam Inutz ay masaya siyang sabihin na swerte siya pagdating sa kanyang pamilya na patuloy siyang sinusuportahan at hindi iniwan sa hirap man o sa ginhawa.

Para kay Madam Inutz, hindi hadlang ang kasawian sa pag-ibig para sumuko sa buhay dahil marami pang taong pwedeng magmahal sa kanya at mayroon pa siyang pamilya na mahal na mahal siya. At imbes daw na magsayang siya ng panahon sa paghahanap ng lalaki ay gagamitin na lamang niya ito sa paghahanapbuhay at itutuon ang kanyang atensyon sa kanyang inang may sakit at kanyang anak.

Leave a Reply