Si Julia Montes ay kilalang aktres ng ABS-CBN Network kung saan ay bata pa lang noong nagsimula sa showbiz. Sumikat siya nang gampanan ang karakter na “Clara” sa sikat na teleserye remake na Mara Clara.
Sa kabila ng kanyang kasikatan ay matatandaang pansamantala siyang nagpahinga sa showbiz at nanirahan sa Germany kasama ang kanyang ama at mga kamag-anak. Ang kanyang ama ay isang German National na hindi niya nakasama sa paglaki kaya naman ginamit niya ang pagpapahinga sa showbiz para na rin mapalapit sa kanyang biological father.

Ngayon ngang nakabalik na siya sa showbiz ay nagsimula na rin ang kanyang mga TV appearances at projects. Nito lamang ay nag-guest sya sa vlog ng matalik niyang kaibigan na si Dimples Romana. Matatandaan na gumanap si Dimples bilang ina ni Julia sa teleseryeng Mara Clara na naging dahilan ng pagiging malapit nila. Hindi lang siya basta kaibigan ngunit maituturing rin siyang ate at ina ni Julia.
Sa vlog ay mapapanuod na nagluluto sila ng paboritong pagkain ng aktres na streetfood habang pinag-uusapan ang buhay ni Julia at kung paano nga ba ito nagsimula sa mundo ng showbiz. Saad ng aktres mahirap lamang ang buhay nila noon ng kanyang lola na nagpalaki sa kanya, kaya sa murang edad ay naunawaan niya na kailangan niyang gumawa ng paraan upang mabuhay sa araw-araw. Dito na nga nagsimula ang pagau-audition niya para maging isang artista.

Pagdating naman sa usaping pera ay masasabing napakasinop niya raw sa pera na ultimo bawat piso ay mahalaga para sa kanya. Bilang aktres na hindi permanentang trabaho importante daw na maging wais siya sa kanyang mga finances upang makaraos at magkaroon ng kumportableng buhay.
Aniya, “Kada piso importante sakin… So yung alam ko kada may kikitain kami ay paglalaanan na… So nakalakihan ko rin siya na everytime may papasok na pera alam ko saan siya nakalaan. Hindi yung basta basta may gusto lang ako bilhin, bibilhin ko na because sumweldo naman ako.”

Pagbabahagi naman ni Dimples ay mapagkumbabang tao si Julia kahit na sikat at matagumpay na ito. Unang impresyon niya sa dalaga ay napakaganda ngunit napakalakas kumain. Nakilala rin ni Dimples si Julia bilang isang napakasinop na tao at alam niyang dahil ito sa mga aral na natutunan niya sa kanyang lola.
Ibinahagi naman ni Julia na ang unang naging luho niya sa kanyang sarili ay ang pagbili ng pabango. “Iyon ang naging unang luho ko sa sarili ko (pabango) kasi naalala ko grade school ako may tindahan sa tapat namin, tinatawid ko yun. Tapos dun may binebenta sila na “Young’s” ang tawag na pabango na amoy baby powder siya, ayun ang pabango ko tapos tinitipid ko yung maliit na yun na tig 20 pesos. Yung yellow color ang binibili ko.”

Sa tuwing hindi maganda ang araw niya o may kinakaharap na pagsubok sa buhay, iniisip niya lang daw ang mga taong nasa tabi niya at patuloy siyang sinusuportahan katulad ng mga matatalik niyang kaibigan.
Masaya si Dimples na kahit lumipas ang panahon ay walang nagbago sa relasyon nila ni Julia at sa halip ay mas lalo pa itong tumatag, kasama na si Kathryn Bernardo na sa tuwing sila ay magkakasama ay parang kahapon lang noong nagsimula silang maging malapit.
Sabi nga ni Dimples, “The key to friendship is that you get to enjoy same things over and over, and really not letting go of each other. There’s always an effort to us na magkamustahan.”

Bukod diyan ay proud ding sinabi ni Dimples na isang mabuti at mapagbigay na tao si Julia na kahit walang nakakaalam ay nagbibigay ito. “You (Julia) give and nobody knows about it, you don’t ever ask for any acknowledgement.”
Masaya rin si Julia sa pagkakaroon niya ng simple at kuntentong buhay. Noong mga panahon na nagpahinga siya sa showbiz ay nakita niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tahimik at simpleng buhay malayo sa mata ng publiko at mga panghuhusga. Masaya umano siya na gumigising sa umaga na malakas ang kanyang katawan at kasama ang kanyang pamilya.

“At the end of the day doon mo marerealize na yung love mo with family and love ones, yun yung magiging strength mo para malagpasan ang mga problems. Sila yung magiging anchor mo at masasandalan.”
Sa kasalukuyan ay tuluyan na ngang nagbalik si Julia Montes at nagsimula na siyang gumanap bilang bagong karakter sa Ang Probinsyano bilang “Mara”. Ikinatuwa ito ng maraming netizens na matagal naghintay sa kanyang pagbabalik.