Ang pagiging isang ama ay isang kahanga-hangang responsibilidad bilang isang magulang. Kaya naman lahat ng mabuting ama ay sinusuklian ng maganda ng kanilang mga anak. Ngunit paano kung imbis na suklian ka ng mga pinalaki mong anak ay sa halip iniwan ka ng mga ito na mag-isa sa buhay?
Si Tatay Rodolfo Aquino ay mag-isa na lamang sa buhay matapos iwan ng kanyang mga anak. Dahil matanda na ay wala na rin siyang kakayahan na magtrabaho kung kaya’t hirap siya na magkaroon ng pambili ng pagkain sa araw-araw at pambili ng kanyang mga gamot.
Sa Facebook group ng PARACALE ay ibinahagi nila ang mga larawan ni Tatay Rodolfo upang makahingi ng tulong dahil sa kanyang kalagayan. Nais ni Tatay na makahingi ng kahit konting tulong, pambili ng kanyang pagkain at mga kailangang gamot dahil wala na siyang kakayahan na magtrabaho at dahil na rin sa epekto ng pandemya.

Ayon dito ay mag-isa na lamang siya sa buhay dahil wala na siyang asawa at iniwan na siya ng kanyang mga anak. Hindi nasabi ang tunay na dahilan kung bakit iniwan siya ng mga ito ngunit nakakalungkot isipin na ang katulad niyang nagpalaki sa mga anak ay iiwan na lang basta sa nakakaawang kalagayan.
Ayon sa post, dati nang nakahingi ng tulong si Tatay Rodolfo at sa pangalawang pagkakataon, dahil nga sa hirap ng buhay at epekto ng pandemya ay kumakatok ulit ito sa puso ng mga may magagandang loob na tulungan siya.
Dahil siya ay matanda na, naging dahilan rin ito upang magkaroon na siya ng sakit kung kaya’t gustuhin niya man na maghanapbuhay ay hindi niya na magawa pa. Bukod sa pagkain ay lubos ang kanyang pangangailangan na makainom ng mga gamot, kung saan ay may kamahalan rin ang presyo lalo na at ito ay kailangan na araw-araw niyang inumin.

Hindi naman nabigo ang Facebook page dahil marami ang nakakita ng kanilang post kaya naman may mga nagpaabot ng tulong para kay Tatay Rodolfo. Malaki ang pasasalamat ni Tatay sa kanyang mga natanggap na pagkain tulad ng bigas, noodles, de lata, gatas, tinapay at marami pang iba. May nagbigay rin ng pera sa kanya na pambili niya ng mga kailangang gamot na lubos niyang ipinagpapasalamat.
Ngunit talagang mapagbiro ang tadhana dahil makalipas lamang ang ilang buwan matapos siyang matulungan ay pumanaw na si Tatay Rodolfo. Ikinalungkot ito ng marami lalo na ang Facebook group na tumulong sa kanya upang maibahagi ang kanyang kalagayan. Hindi na nabanggit pa kung ano ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay at ipinagpasa-Diyos na lamang siya ng mga netizens.

Bilang mag-isa na nga lang siya, nanghingi ulit ng tulong ang PARACALE Facebook group upang maipalibing si Tatay Rodolfo. Dahil walang pamilya at mga anak ay kinailangan manghingi ng tulong sa ibang tao upang mabigyan ng maayos n libing si Tatay. Talaga namang nakakaawa at nakakadurog ng puso ang kwento ni Tatay kaya naman hindi napigilan ng mga netizen na magpahayag ng pagkadismaya para sa kanyang mga anak na iniwan siyang mag-isa.
“Ganyan ngayon ang mga anak, pagkatapos silang palakihin ng kanilang magulang ganyan ang isusukli sa kanilang magulang.”
“Pagkatapos mong buhayin at palakihin, iiwan ka lang at pababayaan na mamatay mag-isa. Diyos na ang bahala sa inyo.”

Ang kwento ni Tatay Rodolfo ay nagsilbing aral para sa mga anak na may mga magulang pa. Hindi man masuklian ng pera o kayamanan ang hirap ng mga magulang, ang pinakamagandang magagawa bilang isang anak ay huwag silang iwan at alagaan sila. Maituturing na kayamanan ang pagkakaroon ng mabubuting anak ngayon kaya naman sa lahat ng magulang na may mabuting mga anak, tunay kayong maswerte. Nawa’y hindi kayo matulad sa sinapit ni Tatay at magkaroon kayo ng masayang buhay kasama ang inyong pamilya.