Binatilyo, Nagtrabaho Bilang Kargador Para May Maipambili ng Regalo sa Kanyang Nobya

Sa isang relasyon, normal na magbigayan ng regalo ang magkasintahan tuwing sasapit ang kanilang anibersaryo o kaarawan dahil isa itong paraan upang maipakita ang pagmamahal sa taong sinisinta. Ngunit hindi lahat ng relasyon ay umiikot sa materyal na bagay dahil mas matimbang pa rin ang pagmamahal at pagiging tapat ng bawat isa.

Ang mga kababaihan ngayon ay mas pinipili ang lalaking mabuti at masikap sa buhay kaysa sa mga lalaking puro porma lang ang kayang gawin. Kaya naman masayang ibinahagi ng isang dalaga ang ginawa sa kanya ng kanyang nobyo para lang may mairegalo ito sa kanyang kaarawan.

Credit: Facebook / Jezyll Cabudbud

Masaya at kinikilig na ibinahagi ni Jezyll Cabudbud ang ginawa ng kanyang nobyo. Hindi naman daw siya mamateryal na klase ng tao ngunit ang katotohanang rumaket bilang kargador ang kanyang nobyo para lang may maibigay na regalo sa kanya ay nagpataba ng kanyang puso.

Ayon kay Jezyll, pauwi na siya galing paaralan nang maisipang dalawin ang kanyang nobyo na si Steven San Juan sa sinasabi nitong raket niya upang kamustahin. Ikinagulat niya na ang raket pala na tinutukoy nito ay ang pagiging kargador ng semento. Nasopresa umano siya nang makita itong nagbubuhat ng semento habang madumi ang suot at itsura. Hindi niya daw inaasahan na magbabanat ito ng buto dahil wala naman silang pangangailangan sa pera. Agad niya itong nilapitan at kinausap upang malaman ang dahilan at nagulat sa naging rason ng nobyo.

Credit: Facebook / Jezyll Cabudbud

“Para sayo para sa birthday mo, pinag-iipunan ko kasi yon kapag dumating yung araw nayon may maibigay man lang akong regalo sayo miski simple lang,” masayang tugon sa kanya ng nobyo na kinakilig niya naman.

Dahil sa hindi inaasahang rason na narinig niya ay hindi nakapagsalita ang dalaga sa gulat. Masaya at nakakakilig umanong malaman na nagsusumikap na rumaket ang kanyang nobyo para sa darating niyang kaarawan kahit wala naman siyang inaasahang regalo mula dito.

Credit: Facebook / Jezyll Cabudbud

Napakaswerte ni Jezyll na magkaroon ng nobyong tulad ni Steven. Pinatunayan lamang nito na hindi lang siya basta-bastang lalaki na puro porma lang. Isa siyang mapagmahal na nobyo na nagsusumikap para maipakita ang kanyang pag-ibig. Nakakatuwa daw na hindi naman siya humiling ng kahit ano dito o umasa ng kahit ano, ngunit nagkaroon ito ng sariling kagustuhan para mapasaya siya.

“Sobrang swerte ko sa taong to hindi man siya yung lalaking pinakaperpekto sa mundo, siya naman yung taong kayang ibigay lahat ng makakaya niya maparamdam lang sayong mahal ka niya. Hindi kagaya ng iba na puro papogi at puro pasarap lang kaya girls if you have already that kind of man, keep n’yo sila limited edition nalang sila, nagkakaubusan na hehe just saying love love,” dagdag ni Jezyll.

Credit: Facebook / Jezyll Cabudbud

Sa panahon ngayon mahirap na talagang makakita ng taong mamahalin ka nang lubos at magkukusang magbanat ng buto para sa ikabubuti ng inyong relasyon. Kaya naman napakaswerte ng mga taong katulad ni Jezyll na nabiyayaan ng mapagmahal na nobyo na marunong magsumikap sa buhay.

Sa ngayon ay mayroon na silang anak ni Steven at masayang nagsasama bilang isang pamilya. Makikita sa kanilang larawan na masaya silang nagsasama kasama ang kanilang anak at patuloy na nagmamahalan at nagsusumikap sa buhay.

Leave a Reply